Bansa sa Timog-Silangang Asya From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Pilipinas, opisyal na Republika ng Pilipinas, ay isang malayang estado at kapuluang bansa sa Timog-Silangang Asya na nasa kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko. Binubuo ito ng 7,641 pulo na nahahati sa tatlong kumpol ng mga pulo: Luzon, Kabisayaan (kilala rin bilang Visayas) at Mindanao. Napapalibutan ito ng Dagat Pilipinas sa silangan, Dagat Luzon sa kanluran, at ng Dagat ng Celebes sa katimugan. Nasa katimugang bahagi ng bansa ang bansang Indonesya habang ang bansang Malaysia naman ay nasa timog-kanluran. Naroroon sa silangan ang bansang Palau at sa hilaga naman ang bansang Taiwan.
Ang Pilipinas ay matatagpuan din malapit sa Ekwador at sa Singsing ng Apoy ng Pasipiko na siyang dahilan kung bakit madalas tamaan ang bansa ng mga bagyo at lindol. Ang Pilipinas ay may lawak na 300,000 kilometro kuwadrado (115,831 milya kuwadrado), at noong 2021, mayroon itong populasyon na humigit-kumulang 109 milyong katao.[6] Ang Pilipinas ang ikawalong pinakamataong bansa sa Asya at ang ika-labintatlong pinakamataong bansa sa daigdig. Ang kabisera nito ay ang lungsod ng Maynila at ang pinakamalaking lungsod ay ang Lungsod Quezon; pawang bahagi ng Kalakhang Maynila.
Noong sinaunang panahon, ang mga Negrito ang ilan sa mga unang nanirahan sa kapuluan. Sinundan sila ng pagdating ng mga Austronesyo. Naganap ang pakikipagkalakalan sa mga Intsik, Malay, Indiyano, at mga bansang Muslim. Ang pagdating ni Fernando de Magallanes noong 1521 ay ang pasimula ng pananakop ng mga Kastila. Noong 1543, pinangalanan ng isang Kastilang manggagalugad na si Ruy López de Villalobos ang kapuluan na Las Islas Filipinas (Mga Kapuluan ng Pilipinas) sa karangalan ni Felipe II ng Espanya. Sa pagdating ni Miguel López de Legazpi mula sa Lungsod ng Mehiko noong 1565, naitatag ang unang paninirahan ng mga Kastila sa kapuluan. Naging bahagi ang Pilipinas sa Imperyong Kastila nang mahigit 300 taon. Naging daan ito upang ang Katolisismo ang maging pangunahing pananampalataya. Sa gitna ng kapanahunang ito, ang Maynila ang naging sentro ng kalakalan ng kanluran sa Pasipiko na umuugnay sa Asya sa Acapulco sa Kaamerikahan gamit ang mga galeon ng Maynila.
Sa gitna ng kaniyang paglalayag noong 1542, pinangalanan ng Kastilang manggagalugad na si Ruy López de Villalobos ang mga pulo ng Leyte at Samar bilang Felipinas ayon sa pangalan ni Haring Felipe II ng Espanya, na siyang Prinsipe ng Asturias noon. Sa huli, ang pangalang Las Islas Filipinas ang sasaklaw sa lahat ng mga pulo sa kapuluan. Bago ito naging pangkaraniwan, iba pang mga pangalan tulad ng Islas del Poniente (Mga Kapuluan ng Kanluran) at ang ipinangalan ni Fernando de Magallanes para sa mga pulo na San Lázaro ay ginamit rin ng mga Kastila upang tukuyin ang kapuluan.
Sa pagdaan ng kasaysayan, ilang beses nang nagbago ang opisyal na pangalan ng Pilipinas. Sa gitna ng Himagsikang Pilipino, inihayag ng Kongreso ng Malolos ang pagtatag ng República Filipina (Republika ng Pilipinas). Mula sa panahon ng Digmaang Espanyol–Amerikano (1898) at Digmaang Pilipino–Amerikano (1899-1902) hanggang sa panahon ng Komonwelt (1935-1946), tinawag ng mga Amerikano ang bansa bilang Philippine Islands, na salin sa Ingles mula sa Kastila. Mula sa Kasunduan sa Paris, nagsimulang lumutang ang pangalan na "Pilipinas" at mula noon ito na ang naging kadalasang ngalan ng bansa. Mula sa katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang opisyal na pangalan ng bansa ay "Republika ng Pilipinas".[7]
Ang Yungib ng Tabon ay ang pook kung saan natuklasan ang isa sa mga pinakamatandang labi ng tao sa Pilipinas, ang Taong Tabon.Mga kinatay na labi ng isang Rhinoceros philippinensis na natuklasan sa Rizal, Kalinga na nagpapatunay na may mga naninirahan nang hominini sa bansa 709,000 taon na ang nakararaan.
Ang kamakailang pagtuklas sa mga kasangkapang bato at buto ng mga labi ng kinatay na hayop sa Rizal, Kalinga ay patunay na may mga sinaunang hominini sa bansa 709,000 taon na ang nakararaan.[8] Samantala, ayon sa mga naitalang labi ng tao sa bansa, maaaring dinayo na ng mga tao ang Pilipinas ilang libong taon na ang nakalipas. Inaakala na ang labi ng Taong Callao na natuklasan sa Yungib ng Callao sa Cagayan ay ang pinakamatandang labi ng tao sa Pilipinas na may tanda na 67,000 taon.[9] Mas higit pang matanda sa naunang natuklasang labi ng Taong Tabon sa Palawan na tinatayang 26,500 taon na ang nakalipas.[10] Tumawid sa mga sinaunang tulay na lupa ang mga Negrito o Ita, na siyang tinatayang kauna-unahang mga nanirahan sa Pilipinas. Sa kalaunan, dumayo sila sa kagubatan ng mga pulo. Sa kasalukuyan, nang sumapit ang ikalawang libong taon, nanirahan din sa Pilipinas ang iba pang mga mandarayuhan mula sa tangway ng Malay, kapuluan ng Indonesia, mga taga-Indotsina at Taiwan.[11][12]
Mayroon nang mga mangilan-ngilang teorya patungkol sa pinagmulan ng mga sinaunang Pilipino. Isa na ang teorya ni F. Landa Jocano na nagsasabing ang mga ninuno ng mga Pilipino ay lokal na umusbong. Ang teoryang "Pinagmulang Kapuluan" naman ni Wilhelm Solheim, ipinahihiwatig na ang pagdating ng mga tao sa kapuluan ay naganap sa pamamagitan ng mga network pangkalakalan na nagmula sa Sundaland sa pagitan ng 48,000 hanggang 5,000 BK at hindi sa pamamagitan ng malawak na pandarayuhan. Samantala, ipinapaliwanag ng teoryang "Paglawak ng mga Austronesyo" na ang mga Malayo-Polinesyong nagmula sa Taiwan ay nagsimulang lumipat sa Pilipinas noong 4,000 BK, taliwas sa mga naunang pagdating.
Ang pinakatinatanggap na teorya, batay sa lingguwistika at arkeolohikong katibayan, ay ang teoryang "Mula sa Taiwan", kung saan ipinapalagay na ang mga Austronesyo mula Taiwan, na sila mismo ay nagmula sa mga neolitikong kabihasnan ng Ilog Yangtze tulad ng kalinangang Liangzhu, ay lumipat sa Pilipinas noong 4,000 BK. Sa gitna ng Panahong Neolitiko, isang "kalinangan ng batong-luntian" ang sinasabing umiral na pinatunayan ng libu-libong magagandang gawang artipakto ng batong-luntian na nasumpungan sa Pilipinas na tinatayang noong 2,000 BK pa.
Ang batong-luntian ay sinasabing nagmula sa kalapit na Taiwan at nasumpungan rin sa iba't ibang pook sa kapuluan at pangunahing kalupaan ng Timog-silangang Asya. Ang mga artipaktong ito ang sinasabing patunay ng malawak na pakikipag-ugnayan ng mga lipunan ng Timog-silangang Asya sa isa’t isa noong sinaunang panahon.[13][14] Magmula noong 1,000 BK, ang mga naninirahan sa kapuluan ay binubuo ng apat na uri ng pangkat panlipunan: mga lipi ng mangangaso at mangangalakal, lipunan ng mga mandirigma, mga plutokrasi sa kabundukan, at mga port principality.[15]
Mga larawan mula sa Boxer Codex na ipinapakita ang sinaunang "kadatuan" o tumao (mataas na uri). Mula kaliwa pakanan: (1) Mag-asawang Bisaya ng Panay, (2) ang mga "Pintados", isa pang pangalan sa mga Bisaya ng Cebu at sa mga pinalilibutang pulo nito ayon sa mga unang manlulupig, (3) maaaring isang tumao (mataas na uri) o timawa (mandirigma) na mag-asawang Pintado, at (4) isang mag-asawang maharlika ng mga Bisaya ng Panay.
Nanirahan sa bansa noong ikawalong dantaon ang mga mangangalakal na Tsino. Ang paglaganap ng mga bansang (kaharian) Budismo sa bahagi ng Asya ang nagpasimuno ng kalakalan sa pagitan ng mga bansa sa Indonesia, India, Hapon, at Timog-Silangang Asya. Subalit, humina ang mga kaharian sa Timog-Silangang Asya dahil sa mahigpit na alitan at hindi pagkakasundo. Samantala, ang paglaganap ng Islam sa pamamaraan ng panangalakal at proselitismo, tulad ng Kristiyanismo, ang nagdala sa mga mangangalakal at tagakalat ng pananampalataya sa kabahagian; ang mga Arabe ay dumating sa Mindanao noong ika-14 na dantaon. Sa pagdating ng mga unang Europeo, sa pangunguna ni Fernando Magallanes noong 1521, mayroon nang mga raha hanggang sa hilaga ng Maynila, na naging mga karugtungang-sangay ng mga kaharian ng Timog-Silangang Asya. Subalit, pawang mga nagsasarili ang mga pulo ng Pilipinas noon.
Ang kasalukuyang paghihiwalay sa pagitan ng sinauna at maagang kasaysayan ng Pilipinas ay ang araw na 21 Abril, taong 900, na siyang katumbas sa Kalendaryong Gregoryano ng araw na nakalagay sa Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna, na siyang pinakamatandang kasulatan na nagmula sa Pilipinas.[16] Ang araw na ito ay sumapit sa gitna ng kung anong tinatawag ng mga antropolohista bilang ang "yugto ng pag-usbong" ng Pilipinas (una hanggang ika-14 na dantaon), na inilalarawan bilang ang bagong pag-usbong ng sosyo-kalinangang huwaran, simula ng pag-unlad ng mga malalaking pamayanan sa baybayin, mas higit na pagsasapin-sapin at pagdadalubhasa sa lipunan, at mga pagsisimula ng lokal at pandaigdigang kalakalan. Magmula ika-14 na dantaon, ilan sa mga malalaking pamayanan ay naging maunlad na sentrong pangkalakalan, at naging kalagitnaang punto ng mga pagbabago sa lipunan at paraan ng pamumuhay, kung saan inilarawan ng kung anong tinatawag ni F. Landa Jocano na "yugto ng mga Barangay" ng maagang kasaysayan ng Pilipinas, na nagsimula sa ika-14 na dantaon hanggang sa pagdating ng mga Kastila at ang pagsisimula ng panahong kolonyal ng Pilipinas.
Batay rin sa kasulatan, ang sinaunang Tondo ay umiral noong bago mag-900 at nakasaad rin na ang Tondo noon ay may ugnayan sa Kaharian ng Medang sa kapuluan ng Java sa Indonesia. Bagaman ang katayuan ng ugnayan ng dalawa ay hindi malinaw sa kasulatan, patunay ito na noong ika-10 dantaon pa lamang ay may koneksyon na ang mga kabihasnan sa Luzon at Java. Sa pagdating ng mga Europeo noong ika-16 na dantaon, ang Tondo ay pinamumunuan ng tinatawag na "Lakan". Umusbong ito bilang pangunahing sentro ng kalakalan na may bahagi ng monopolyo sa Karahanan ng Maynila sa mga produktong kalakal ng Dinastiyang Ming sa buong kapuluan.
Ang susunod na makasaysayang tala ay tumutukoy sa isang pook sa Pilipinas ng Vol. 186ng opisyal na kasaysayan ng Dinastiyang Song kung saan isinasalarawan ang "bansa" ng Ma-i. Taun-taon binibisita ng mga Tsinong mangangalakal ang Ma-i at nagsasalarawan ang kanilang mga tala tungkol sa heograpiya, mga produktong kalakal, at ang pag-uugali ng mga namuno sa Ma-i. Isinaad ng mga Tsinong mangangalakal na ang mga mamamayan ng Ma-i ay tapat at mapagkakatiwalaan. Dahil sa hindi malinaw na mga pagsasalarawan ng mga tala tungkol sa kinaroroonan ng Ma-i, pinagdedebatihan pa rin kung saan ito umiral, may mga iskolar na inaakalang nasa Bay, Laguna ito, habang ang iba naman ay nag-aakalang nasa pulo ng Mindoro ito.
Ang selyong garing ng Butuan na natuklasan noong dekada '70 sa lungsod ng Butuan na nagpapatunay na mahalagang sentro ng kalakalan ang kaharian noong panahong klasikal.
Sumunod na itinukoy ng opisyal na kasaysayan ng Dinastiyang Song ang Karahanan ng Butuan, isang maunlad na kabihasnan sa hilaga't-silangang Mindanao, kung saan ito ang unang naitalang bansa mula sa kapuluan ng Pilipinas na nagpadala ng sugo sa Tsina noong 17 Marso 1001. Nakamit ng Butuan ang katanyagan nito sa ilalim ng pamumuno ni Raha Sri Bata Shaja, na isang Budistang namumuno sa isang bansang Hindu. Naging makapangyarihan ang estadong ito dahil sa lokal na industriya ng panday-ginto at nagkaroon ito ng ugnayan at tunggaliang diplomatiko sa kaharian ng Champa.
Ayon sa alamat, itinatag naman ang Kadatuan ng Madyaas kasunod ng isang digmaang sibil sa pabagsak na Srivijaya, kung saan ang mga tapat na datung Malay sa Srivijaya ay nilabanan ang pananakop ng Dinastiyang Chola at ang papet na Raha nitong si Makatunao, at nagtatag ng isang estadong gerilya sa Kabisayaan. Ang datu na nagtatag sa Madyaas na si Puti, ay bumili ng lupa para sa kaniyang kaharian mula sa isang katutubong Ati na si Marikudo. Itinatag ang Madyaas sa Panay (ipinangalan mula sa estado ng Pannai na kaalyado ng Srivijaya na nasa Sumatra). Pagkatapos, madalas na nilulusob ng mga taga-Madyaas ang mga daungang panlungsod sa katimugang Tsina at nakipaggulo sa hukbong pandagat ng Tsina.
Kalapit ng Madyaas sa Kabisayaan ang Kaharian ng Cebu na pinamunuan ni Rahamuda Sri Lumay, isang maharlika na may liping Tamil mula sa India. Ipinadala si Sri Lumay ng Chola Maharajah upang sakupin ang Madyaas, subalit sumuway siya at bumuo na lamang ng sarili niyang malayang karahanan. Pawang magkaalyado ang Karahanan ng Butuan at Cebu at napanatili nila ang ugnayan at nagkaroon ng rutang pangkalakalan sa Kutai, isang bansang Hindu sa katimugang Borneo na itinatag ng mga Indiyanong mangangalakal.
Ang pinakamatandang petsa na nagbanggit tungkol sa Kaharian ng Maynila sa Luzon sa kabila ng Ilog Pasig mula Tondo ay may kinalaman sa tagumpay ni Raha Ahmad ng Brunei laban kay Raha Avirjirkaya ng Majapahit, na namuno sa parehong lokasyon bago ang paninirahan ng mga Muslim. Nabanggit rin sa mga tala ng Tsino ang isang bansa na tinatawag na "Luzon". Pinaniniwalaang may kinalaman ito sa sinaunang Maynila dahil inihayag sa mga tala ng Portuges at Kastila noong mga 1520 na ang Luçon at "Maynila" ay iisa lamang. Bagaman sinasabi ng ilang mga dalubhasa sa kasaysayan na dahil wala sa mga nakasaksi na ito ang talagang nakabisita sa Maynila, maaaring tinutukoy lamang ng Luçon ang lahat ng mga bayan ng mga Tagalog at Kapampangan na umusbong sa mga baybayin ng look ng Maynila. Gayun man, mula 1500 hanggang mga 1560, itong mga naglalayag na mga taga-Luzon ay tinatawag sa Portuges Malaka na Luções o "Lusong/Lusung", at nakilahok rin sila sa mga kilusang pang-militar sa Burma (Dinastiyang Toungoo), Kasultanan ng Malaka, at Silangang Timor bilang mga mangangalakal at mersenaryo. Ang isang prominenteng Luções ay si Regimo de Raja, na isang magnate sa mga pampalasa at isang Temenggung (sulat Jawi: تمڠݢوڠ) o gobernador at pulis-punong heneral sa Portuges Malaka. Siya rin ang pinuno ng isang hukbong dagat kung saan nangalakal at pinrotektahan ang komersyo sa pagitan ng kipot ng Malaka, dagat Luzon, at mga sinaunang kaharian at bayan sa Pilipinas.
Sa hilagang Luzon, ang Kaboloan (na ngayo'y nasa Pangasinan) ay nagpadala ng mga emisaryo sa Tsina noong 1406-1411, at nakipagkalakal rin ito sa Hapon.
Sa ika-14 na dantaon dumating at nagsimulang lumaganap ang pananampalatayang Islam sa Pilipinas. Noong 1380, sina Karim ul' Makdum at Shari'ful Hashem Syed Abu Bakr, isang Arabong mangangalakal na isinilang sa Johor, dumating sa Sulu mula Melaka at itinatag ang Kasultanan ng Sulu sa pagkumberto sa Raha ng Sulu na si Raha Baguinda Ali at pinakasalan ang kaniyang anak. Sa katapusan ng ika-15 dantaon, pinalaganap ni Shariff Kabungsuwan ng Johor ang Islam sa Mindanao at itinatag naman ang Kasultanan ng Maguindanao. Ang kasultanang uri ng pamahalaan ay lumawak pa patungong Lanao.
Patuloy na lumaganap ang Islam sa Mindanao at umabot sa Luzon. Naging Islamisado ang Maynila sa gitna ng paghahari ni Sultan Bolkiah mula 1485 hanggang 1521. Naisakatuparan ito dahil nilabanan ng Kasultanan ng Brunei ang Tondo sa paggapi kay Raha Gambang sa labanan at matapos ay iniluklok ang Muslim na Raha Salalila sa trono at sa pagtatag ng estadong-papet ng Brunei na ang Kaharian ng Maynila. Pinakasalan din ni Sultan Bolkiah si Laila Mecana, ang anak ng Sultan ng Sulu na si Amir Ul-Umbra upang palawakin ang sakop ng Brunei sa Luzon at Mindanao. Nagpatuloy ang mga Muslim sa pakikipagdigma at nagsagawa ng mga slave-raid laban sa mga Bisaya. Bunga ng pakikilahok sa mga pagsalakay ng mga Muslim, nilipol ng Kasultanan ng Ternate ang Kadatuan ng Dapitan sa Bohol. Nadali rin ang mga karahanan ng Butuan at Cebu ng mga isinagawang slave-raid at nakipagdigma laban sa Kasultanan ng Maguindanao. Kasabay ng mga slave-raid na ito, ay ang panghihimagsik ni Datu Lapu-Lapu ng Mactan laban kay Raha Humabon ng Cebu. Mayroon ding alitan sa teritoryo sa pagitan ng Tondo at ang Islamikong Kaharian ng Maynila, kung saan ang pinuno ng Maynila, na si Raha Matanda, ay humiling ng tulong pang-militar laban sa Tondo mula sa kaniyang mga kamag-anak sa Kasultanan ng Brunei.
Ang mga tunggalian sa pagitan ng mga Datu, Raha, Sultan, at Lakan ang nagpadali sa pananakop ng mga Kastila. Ang mga kapuluan ay kakaunti lamang ang bilang ng mga naninirahang tao dahil sa patuloy na mga nagdaraang unos at pagkakaalitan ng mga kaharian. Samakatuwid, naging madali ang kolonisasyon at ang mga maliliit na estado sa kapuluan ay dagliang nasakop ng Imperyong Kastila at nagsimula ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Sa pamumuno ni Miguel López de Legazpi, sinakop at inangkin ng mga Kastila ang kapuluan noong ika-16 na dantaon at pinangalanan itong "Las Islas Filipinas" ayon sa ngalan ni Haring Felipe II.[17][18] Kaagad na ipinakilala at ipinalaganap ang Katolisismo sa pamamagitan ng mga tagakalat ng pananampalataya, at pati na rin ang mga Batas ng Indias (Laws of the Indies) at iba pang alituntuning pampatupad. Matigas na pagsuway ang itinugon ng mga pangkat katutubo sa kabundukan pati na rin ng mga mapanlabang Muslim na nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Kabi-kabilang mga himagsikan at karahasan ang lumaganap sa mga baybayin sa kabuuan ng tatlong dantaong pananakop, bunga na rin ng pagsasamantala at kakulangan ng pagbabago. Pinamahalaan mula sa Bireynato ng Nueva España (Bagong Espanya sa ngayon ay Mehiko) ang bagong nasasakupan at nagsimula ang kalakalan sa Galyon ng Maynila sa pagitan ng Acapulco at Maynila noong ika-18 dantaon.
Itinatag ng punong panlalawigan José Basco y Vargas noong 1781 ang Sociedad Económica de los Amigos del País (Samahang Pangkalakalan ng mga Kaibigan ng Bayan) at ginawang hiwalay ang bansa mula sa Bagong Espanya.
Nagbukas ang pakikipagkalakalan ng bansa sa daigdig noong ika-19 na dantaon. Ang pag-angat ng mga masigasig at makabayang burges, binubuo ng mga nakapag-aral na mga katutubong Pilipino, mga Kastila at creole na ipinanganak sa Pilipinas, mga mestisong Espanyol at Tsino, silang mga ilustrado ang nagpahiwatig ng pagtatapos ng pananakop ng Kastila sa kapuluan. Naliwanagan sa Kilusang Propaganda na nagsiwalat sa kawalang-katarungan ng pamahalaang kolonyal, sama-sama silang sumigaw para sa kalayaan. Dinakip, nilitis, binigyang-sala, hinatulan ng kamatayan at binaril si José Rizal, ang pinakasikat na propagandista, noong 1896 sa Bagumbayan (Luneta ngayon) dahil sa mga gawaing umano ng pagpapabagsak ng pamahalaan. Naglaon at pumutok ang Himagsikang Pilipino na pinangunahan ng Katipunan, isang lihim panghimagsikang lipunan na itinatag ni Andrés Bonifacio at napamunuan din ni Emilio Aguinaldo. Halos tagumpay na napatalsik ng himagsikan ang mga Kastila noong 1898.
Panahon ng mga Amerikano at ang Pananakop ng mga Hapon
Noong taon ding iyon, magkadawit ang Espanya at Estados Unidos sa Digmaang Kastila-Amerikano. Natalo ang Espanya at ipinasiya nilang ipasa ang kanilang mga nasasakupan na ang Pilipinas, Guam, Kuba, at Puerto Rico sa Estados Unidos. Binayaran naman ng Estados Unidos ang Espanya ng 20 milyong dolyar para sa mga ito, gayong nakapag-pahayag na ng kalayaan ang Pilipinas at itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas at si Emilio Aguinaldo ang hinirang na pangulo, ngunit hindi ito kinilala noong dalawang bansa.
Ang pagtanggi ng mga Pilipino sa panibagong pananakop, ngayon ang mga Amerikano, ang nagtulak sa Digmaang Pilipino-Amerikano na natapos umano noong 1901 ngunit nagpatuloy hanggang 1913. Ang planong pagkalooban ng kalayaan ang bansa ay naudlot nang magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sinakop ng Imperyong Hapon ang bansa at itinatag ang Ikalawang Republika ng Pilipinas.[19]
Maraming mga krimen ng digmaan ang ginawa ng mga Hapones sa panahon ng kanilang pananakop. Ang mga gerilya ay nagpatuloy sa kanilang pang-haharas sa mga Hapones. Bumalik sa bansa ang mga Amerikano noong Oktubre 1944. Tuluyang natalo ang mga Hapones noong 1945. Halos isang milyong Pilipino ang namatay sa digmaan. Naging isa sa mga unang naging kasapi ng Mga Nagkakaisang Bansa ang Pilipinas. Noong 4 Hulyo 1946 ay ipinagkaloob ng Amerika ang kalayaan ng Pilipinas.
Panahon ng Ikatlong Republika at Rehimeng Marcos
Ang pagpapahayag ng kasarinlan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos noong 4 Hulyo 1946. Ipinapakita nito ang pagbaba sa watawat ng Estados Unidos habang itinataas naman ang watawat ng Pilipinas.
Noong 11 Oktubre 1945, naging isa ang Pilipinas sa mga unang kasapi ng Mga Nagkakaisang Bansa at sa sumunod na taon, sa 4 Hulyo 1946, kinilala ng Estados Unidos ang kasarinlan ng Pilipinas, sa gitna ng pagkapangulo ni Manuel Roxas. Ang mga natitirang kasapi ng komunistang Hukbalahap ay nagpatuloy ang presensya sa bansa ngunit nasupil ito ng sumunod kay Pangulong Elpidio Quirino na si Ramon Magsaysay. Ang sumunod kay Magsaysay na si Carlos P. García, ay nilikha naman ang patakarang "Pilipino Muna" na itinuloy ni Diosdado Macapagal. Sa panunungkulan ni Macapagal, inilipat ang araw ng kalayaan mula sa Hulyo 4 at ginawang Hunyo 12, na siyang araw na inihayag ni Emilio Aguinaldo ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa Espanya. Habang pinaigting naman ang pagbawi sa Sabah.
Noong 1965, natalo si Macapagal sa pampanguluhang halalan kay Ferdinand Marcos.[20] Sa kaniyang pagkapangulo, pinasimulan ni Marcos ang proyektong pang-imprastraktura ngunit napagbintangan naman ng malawakang katiwalian at lumustay ng bilyun-bilyong dolyar sa pampublikong pondo. Noong malapit na matapos ang termino ni Marcos ay nagpahayag siya ng batas militar noong 21 Setyembre 1972.[21] Ang panahong ito ay inilalarawan bilang panahon ng pampulitikang panunupil, pangtatakip, at paglabag sa karapatang pantao.[22][23] Itinatag sa mga pangunahing industriya ang monopolyo na kontrolado ng mga kroni ni Marcos,[24] kabilang ang pagtotroso at pagsasahimpapawid; ang monopolyo sa asukal ang siyang humantong sa taggutom sa pulo ng Negros sa kalagitnaan ng dekada 1980s.[25][26]
Deklarasyon ng Batas Militar, sa uluhan ng Sunday Express.
Kasama ang kanyang asawang si Imelda, inakusahan si Marcos ng katiwalian at paglustay ng bilyun-bilyong dolyar ng pondong pampubliko.[27][28] Ang mabigat na pangungutang ni Marcos sa unang bahagi ng kanyang pagkapangulo ay nagresulta sa pagbagsak ng ekonomiya, na pinalala ng recession noong unang bahagi ng dekada 1980s kung saan ang ekonomiya ay kumurot ng 7.3 porsiyento taun-taon noong 1984 at 1985.[29]
Panahon ng Ikalimang Republika (1986 – kasalukuyan)
Sa pagbabalik ng demokrasya at reporma sa pamahalaan noong Pebrero 1986, hinarap ng administrasyong Corazon Aquino ang problema sa malaking utang, korapsyon, at mga kudeta.[33] Isang paghihimagsik ng mga komunista at labanang militar sa mga separatistang Moro ang nagpatuloy;[34] humarap din sa sunud-sunod na mga sakuna ang administrasyon, kabilang ang lindol sa Luzon noong Hulyo 1990, at ang pagsabog ng Bundok Pinatubo noong Hunyo 1991.
Hinalinhan ni Fidel V. Ramos si Aquino noong Hunyo 1992, na nagliberalisado sa pambansang ekonomiya sa pamamagitan ng pribatisasyon at deregulasyon.[35] Ang mga natamo ni Ramos sa ekonomiya ay natabunan ng pagsisimula ng krisis sa pananalapi ng Asya noong 1997.[36] Inuna ng kanyang kahaliling si Joseph Estrada ang pampublikong pabahay,[37] ngunit naharap ito sa mga paratang sa katiwalian na humantong sa kanyang pagpapatalsik sa pamamagitan ng Ikalawang Himagsikan ng Lakas ng Bayan at ang paghalili ni Pangalawang Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 20 Enero 2001.[38]
Minarkahan ng paglago ng ekonomiya ang siyam na taong administrasyon ni Arroyo, ngunit nabahiran ito ng katiwalian at mga iskandalo sa pulitika,[39] kabilang ang mga alegasyon ng pandaraya sa halalang pampanguluhan sa Pilipinas noong 2004.[40] Nagpatuloy ang paglago ng ekonomiya sa panahon ng administrasyon ni Benigno Aquino III, na nagtataguyod ng mabuting pamamahala at kalinawan.[41][42] Nilagdaan ni Aquino III ang isang kasunduang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagresulta sa pagbuo ng Bangsamoro Organic Law na siyang bumuo sa rehiyong nagsasarili ng Bangsamoro, ngunit naantala ang pagpasa ng batas dahil sa pakikipagbarilan ng mga rebeldeng MILF sa Mamasapano.[43][44]
Naglunsad ng isang programa sa imprastraktura at isang kampanya laban sa droga si Rodrigo Duterte,[45] na siyang nahalal na pangulo noong 2016,[46] na bagaman nagpababa sa paglaganap ng droga, ay nagdulot ng libu-libong mga extrajudicial killing sa bansa.[47] Ipinagtibay ang Bangsamoro Organic Law noong 2018. Sa unang bahagi ng 2020, nakarating sa Pilipinas ang pandemya ng COVID-19;[48][49] Lumiit sa 9.5% ang kabuuang domestikong produkto ng bansa, ang pinakamasamang taunang pagganap sa ekonomiya ng bansa mula noong taong 1947.[50] Nahalal bilang Pangulo ng Pilipinas ang anak ni Ferdinand Marcos Sr. na si Bongbong Marcos.
Ang Pilipinas ay isang kapuluan ng 7,641 mga pulo na ang kabuoan ng sukat ng lupa, kasama ang mga nakapaloob na bahagi ng tubig, ay tinatayang nasa 300,000 square kilometer (120,000mikuw).[51] Ang baybayin nito na ang sukat ay 36,289 kilometro (22,549mi) ang dahilan kung bakit ikalima ang Pilipinas sa pinakamalawak ang baybayin sa buong daigdig.[52] Nasa pagitan ito ng 116°40', at 126°34' E. longhitud at 4°40' at 21°10' N. latitud at humahangga sa Dagat Pilipinas sa silangan, sa Dagat Timog Tsina sa kanluran, at sa Dagat Sulawesi sa Timog (kasalukuyang Dagat Celebes). Ang pulo ng Borneo ay matatagpuan ilang daang kilometro sa timog kanluran at ang Taiwan ay nasa hilaga.[53] Ang labing-isang pinakamalaking isla ng bansa ay ang Luzon, Mindanao, Samar, Negros, Palawan, Panay, Mindoro, Leyte, Cebu, Bohol at Masbate, na bumubuo sa humigit-kumulang siyamnapu't-limang porsiyento ng kabuuang lawak ng bansa.[54]
Ang Bulkang Mayon ang pinakaaktibong bulkan sa Pilipinas.
Karamihan sa mga bulubunduking kapuluan ay nababalot ng mga kagubatang tropikal at mga nagmula sa mga pagsabog ng bulkan. Ang pinakamataas na bundok ay ang Bundok Apo sa Mindanao. Ang sukat nito ay 2,954metro (9,692talampakan) mula sa kapatagan ng dagat. Ang pinakamahabang ilog sa Pilipinas ay ang Ilog Cagayan sa hilagang Luzon, na umaagos ng humigit-kumulang 520 kilometro (320mi).[55]
Ang Pilipinas ay napapaloob din sa tinatawag na Singsing ng Apoy ng Pasipiko na isa sa pinakaaktibong fault areas sa buong daigdig.[56][57][58] Humigit-kumulang limang lindol ang naitala araw-araw, bagaman karamihan ay masyadong mahina para maramdaman. Maraming bulkan ang madalas na sumasabog sa bansa tulad ng Bulkang Pinatubo at Bulkang Mayon.
Klima
Ang pampook na pangmatagalang panahon ay mainit, maalinsangan, at tropikal. Ang kalimitang taunang temperatura ay nasa 26.5° sentigrado. May tatlong panahon sa Pilipinas na pangkalahatang kinikilala ng mga Pilipino. Ito ay ang Tag-init o Tag-araw (mainit na panahon mula ika-3 buwan hanggang ika-5 buwan), ang Tag-ulan (maulan na panahon mula ika-6 buwan hanggang ika-11 buwan), at ang Taglamig (malamig na panahon mula ika-12 buwan hanggang ika-2 buwan).
Ang bansa rin ay nasa tinatawag na "typhoon belt" ng Kanlurang Pasipiko at ito ay tinatamaan ng mga 19 na bagyo taon-taon.