Remove ads
bansa sa Timog-Silangang Asya From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Indonesia,[5] opisyal na pangalan Republika ng Indonesia (Indones: Republik Indonesia), ay isang malayang estado at kapuluang bansa sa Timog-Silangang Asya na nasa kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko. Ito ay binubuo ng 17,508 mga pulo, at ito ang pinakamalaking estado sa buong daigdig na binubuo ng isang kapuluan. Tinatantiya na nasa 277 milyon katao ang populasyon ng Indonesia noong 2022,[6] na pang-apat sa mga pinakamataong bansa sa mundo, at ang pinakamataong bansang Muslim; subalit walang opisyal na pananampalataya ang itinakda sa Saligang Batas ng Indonesia. Isang republika ang Indonesia, na may inihahalal na tagapagbatas (lehislatura) at pangulo. Ang kabisera ng bansa ay Jakarta. Pinapaligiran ang Indonesia ng Papua Bagong Guinea, Silangang Timor at Malaysia, at kinabibilangan rin ang Singapura, Pilipinas, Australya, at ang Kapuluan ng Andaman at Nicobar ng Indiya bilang mga kalapit na bansa at teritoryo.
Republika ng Indonesia Republik Indonesia (Indones)
| |
---|---|
Salawikain: Bhinneka Tunggal Ika (Kawi) "Pagkakaisa sa Pagkakaiba" Pambansang ideolohiya: Pancasila[1][2] | |
Kabisera | Jakarta |
Pinakamalaking lungsod | Surabaya, Medan, Bandung |
Wikang opisyal | Indonesia |
Pangkat-etniko (2000) | |
Katawagan | Indones |
Pamahalaan | Unitaryong pampanguluhang, republikang konstitusyonal |
• Pangulo | Prabowo Subianto |
Gibran Rakabuming Raka | |
Lehislatura | Pambayang Asembleang Konsultatibo |
• Mataas na Kapulungan | Konseho ng mga Kinatawang Panrehiyon |
• Mababang Kapulungan | Konseho ng mga Kinatawang Pambayan |
Kalayaan mula sa Olanda | |
Lawak | |
• Kalupaan | 1,904,569 km2 (735,358 mi kuw) (ika-15) |
• Katubigan (%) | 4.85 |
Populasyon | |
• Senso ng 2022 | 277,749,853[3] (ika-4) |
KDP (PLP) | Pagtataya sa 2023 |
• Kabuuan | $4.39 trilyon[3] (ika-7) |
• Bawat kapita | $15,855[3] (ika-98) |
KDP (nominal) | Pagtataya sa 2023 |
• Kabuuan | $1.39 trilyon[3] (ika-16) |
• Bawat kapita | $5,016[3] (ika-112) |
Gini (2021) | 37.9 katamtaman |
TKP (2018) | 0.707[4] mataas · ika-111 |
Salapi | Rupiah (Rp) (IDR) |
Sona ng oras | UTC+7 hanggang +9 (paiba-iba) |
Gilid ng pagmamaneho | kaliwa |
Kodigong pantelepono | +62 |
Internet TLD | .id |
Ang kapuluan ng Indonesia ay naging isang mahalagang rehiyong pangkalakalan simula pa noong ika-7 siglo, kung kailan ang Srivijaya at paglaon Majapahit ay nangangalakal sa Tsina at Indiya. Ang mga katutubong mga pinuno ay lumaong niyakap ang kulturang Indiyano, relihiyon at modelong pampulitika mula sa mga sinaunang siglo, at lumaganap ang Hinduismo at Budismo sa kapuluan. Naimpluwensiyahan rin ang kasaysayan ng Indonesia ng mga makapangyarihang banyaga dahil sa likas yaman nito. Dinala ng mga mangangalakal na Muslim ang Islam, na ngayon ay naging dominante sa kapuluan, habang ang mga makapangyarihang Europeo ang nagdala ng Kristiyanismo at nakipaglaban para monopolisahin ang kalakalan sa Kapuluang Maluku (Moluccas) noong Panahon ng Pagtuklas. Ito ay sinundan ng tatlo't kalahating siglo ng kolonyalismo sa ilalim ng mga Olandes. Natamasa ng Indonesia ang kanilang kasarinlan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang kasaysayan ng Indonesia noon pa man ay magulo, at sinubok ng maraming kalamidad, suliranin, banta ng separatismo, at ng panahon ng mabilisang pagbabago at paglago ng ekonomiya.
May magkakaibang mga pangkat na etniko, wika at diyalekto, at pananampalataya ang mga iba't-ibang pulo at kapuluan ng Indonesia, ngunit ang Habanes ang pinakamalaki – at pinakadominanteng – pangkat etniko. Bilang isang bansang unitaryo, bumuo ang Indonesia ng isang pagkakakilanlan gamit ang isang pambansang wika, dibersidad ng mga pangkat etniko, pagpapakilala sa mga ibang relihiyon kahit kung nakararami ang mga Muslim, at isang kasaysayan ng kolonyalismo at rebelyon laban dito. Ang pambansang kasabihan ng Indonesia, ang "Bhinneka tunggal ika" ("Pagkakakaisa sa Pagkakaiba", na literal na "marami, subalit isa"), na nagsasabi na ang pagkakaiba ang bumuo sa bansa. Subalit ang mga tensiyon sektarya at separatismo ay nagdulot ng marahas na paghaharap na gumimbal sa katatagan ng politika at ekonomiya. Sa kabila ng laki ng populasyon at dami ng tao sa rehiyon, malaki ang teritoryo ng Indonesia: kilala ang bansa bilang pangalawa sa mga bansang may pinakamataas na saribuhay sapagkat kay lawak ng mga parang nito. Biniyayaan ang bansa ng likas na yaman, subalit nilalarawan din ng kahirapan ang Indonesia sa kasalukuyan.
Ang pangalang Indonesia ay mula sa salitang Latin na Indus, na nangangahulugang "India", at salitang Griyego na nesos, na nangangahululgang "pulo", kaparehas ng pangalan ng India.[7] Ang pangalan ay halaw pa noong ika-18 dantaon, malayo pang taon bago pa naging malaya ang Indonesia.[8] Noong 1850, Si George Earl, isang Ingles na etnologo, ay iminungkahi ang salitang Indunesians — dahil sa paggamit ng Malayunesians — para sa mga taong nakatira sa "Kapuluang Indiyan" o "Kapuluang Malay".[9] sa publikasyong ding iyon, ang isang estudyante ni Earl, si James Richardson Logan, ay ginamit ang Indonesia bilang kasingkahulugan ng Kapuluan ng Indiya.[10] Subalit ang mga sulat akademiko ng mga Olandes sa mga nilimbag sa Silangang Indiyas ay iwas sa paggamit ng Indonesia. Imbis ay ginamit nila ang salitang "Kapuluang Malay" (Maleische Archipel); ang Netherlands East Indies (Nederlandsch Oost Indië), ang tanyag Indië; ang silangang (de Oost); at pati na ang Insulinde.[11] na
Simula noong 1900, naging karaniwan ang paggamit ng "Indonesia" bilang pantukoy sa bansa ng akademya sa labas ng Olanda, at ginamit rin ito ng mga nasyonalistang Indones para sa kanilang mga pampolitikang pamamahayag.[12] Pinatanyag ni Adolf Bastian, ng Pamantasang Humboldt ng Berlin, ang termino sa kanyang aklat na Indonesien oder die Inseln des Malayischen Archipels, 1884–1894. Ang unang iskolar na Indones na gumamit ng termino ay si Suwardi Suryaningrat (Ki Hajar Dewantara), nang siya ay magtayo ng isang press bureau sa Olanda na may pangalang Indonesisch Pers-bureau noong 1913.[8]
Ang mga labing posil o kusilba ng Homo erectus, na mas tanyag bilang ang mga Taong Haba, ay nagmumungkahi na ang kapuluang Indonesia ay tinirhan na noong dalawang mlyong hanggang 500,000 taon na ang nakalilipas.[13] Ang mga Austronesyo, na bumuo sa karamihan ng mga makabagong tao, ay nagtungo sa Timog Silangang Asya mula Taiwan. Sila ay dumating sa Indonesia noong tinatayang 2000 BCE, at inilayo ang mga katutubong Melanesyo sa malayong silangang rehiyon habang sila ay dumadami.[14] Sa tamang kondisyong agrikultural, at ang pagkabihasa sa pagtatanim sa mga palayan [15] ay nagbigay daan sa mga barangay, bayan at maliliit na mga kaharian na umusbong sa unang dantaon CE. Ang magandang baybaying posisyon ng Indonesia ay nagbigay daan sa kalakalang sa mga kalapit pulo at sa iba pang mga lugar. Halimbawa ng mga kalakalang nabuo ay parehong sa mga Kahariang Indiyano at sa Tsina na nabuo mga ilang dantaon BCE.[16] Mula noon, ang pangangalakal ay napakahalaga sa paghuhugis ng kasaysayan ng Indonesia.[17]
Mula noong ika-7 dantaon CE, ang makapangyarhing Kahariang pandagat ng Srivijaya ay umusbong sapagkat sa kalakalang nabuo at sa mga impluwensiya ng Hinduismo at Budhismo na nakuha ng Kaharian mula roon.[18] Sa pagitan ng ika-8 hanggang ika-10 dantaon CE, ang dinastiyang agrikultural na Budhistang Sailendra at ang dinastiyang Hindu na Mataram ay umunlad at bumagsak sa Haba, kung saan naiwan nila ang mga grandiyosong mga monumentong relihiyoso gaya ng Borobudur ng Sailendra at ang Prambanan ng Mataram. Ang kahariang Hindu na Madyapahit ay nabuo sa silangang Java sa huling bahagi ng ika-13 dantaon, sa ilalim ni Gajah Mada, na nakaimpluwensiya sa kabuuan ng Indonesia; ang panahong ito ay kadalasang tinatawag na "Gintong Panahon" sa kasaysayan ng Indonesia.[19]
Kahit na ang mga mangangalakal na Muslim ay unang naglakbay sa Timog-silangang Asya noong unang bahagi ng panahong Islamiko, ang pinakaunang katibayan ng pagsasa-Islamiko ng populasyon ay noong ika-13 dantaon sa hilagang Sumatra.[20] Naglaon ang ibang mga lugar sa Indonesia ay niyakap ang paniniwalang Islam, at naging dominanteng relihiyon sa Java at Sumatra sa huling bahagi ng ika-16 na dantaon. Sa halos karamihang bahagi, ang Islam ay nagbago at humalo sa mga nabuong mga kultura at mga impluwensiyang relihiyoso, kung saan hinubog nito ang pangunahing anyo ng Islam sa Indonesia, lalo na sa Java.[21] Ang unang Europeo na dumating sa Indonesia noong 1512, ay nang ang mga mangangalakal na Portuges, na pinamunuan ni Francisco Serrão, ay ninais na monopolahin ang mga mapagkukunan ng moskada (nutmeg), clove, at mga paminta sa Maluku.[22] Sumunod sa kanila ang mga Olandes at mga Ingles. Itinayo ng mga Olandes noong 1602 ang Kompanyang Olandes ng Silangang India (VOC) at naging makapangyarhing Europeo sa lugar. Pagkatapos nitong mabangkarote, ang VOC ay pormal na nagsara noong 1800, at ang pamahalaan ng Olanda ay bumuo ng Silangang Indiya ng Olanda bilang isang pambansang kolonya.[23]
Sa halos buong panahong ng kolonyalismo sa Indonesia, ang pamamahala ng mga Olandes sa mga teritoryo nito ay mahina; noon lamang unang bahagi ng ika-20 dantaon naging dominante ang mga Olandes sa kung ano ang mga hangganan ng Indonesia ngayon.[24] Ang pananakop ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang mga sumunod na mga pananakop ang nagpawakas sa pamamahala ng mga Olandes,[25] at muling pinasigla ang mga pinigil na kilusang pangkalayaan ng mga Indones. Dalawang araw pagkatapos sumuko ang Hapon noong Agosto 1945, si Sukarno, isang maimpluwensiyang pinunong nasyonalista, ay inihayag ang kalayaan at itinalagang pangulo.[26] sinubukan ng Olanda na muling itayo ang kanilang pamamahala, at dahil sa panggigipit ng ibang mga bansa, kinilala na ang kalayaan ng Indonesia ng mga Olandes at ang kaguluhan sandatahan at diplomatiko ay nagwakas noong Disyembre 1949.[27](maliban lang sa teritoryong Olandes ng Kanlurang Bagong Ginea, kung saan ay isinama sa Kasunduan sa New York noong 1962, at sa pinamamahalan ng mga Nagkakaisang Bansa na Act of Free Choice).
Si Sukarno ang nagsimula sa demokrasya patungong awtoritaryanismo, at pinanatili ang kanyang kapangyarihan sa pagbalanse sa mga lumalabang puwersang militar, at ang mga Partido Komunista ng Indonesia (PKI).[28] Isang pagtatangkang coup noong 30 Setyembre 1965 ang napiligan ng mga sundalo, na nagdulot sa isang marahas na pagpapa-alis sa mga anti-komunista, kung saan pinagbintangan ang PKI sa tangkang coup.[29] Nasa pagitan ng 500,000 at isang milyon ang namatay.[30] Ang pinuno ng militar, si Heneral Suharto, ay minaubra ang pahinang pamumuno ni Sukarno, at pormal na itinalaga bilang pangulo noong Marso 1968. Ang kanyang Administrasyong Bagong Kaayusan[31] ay sinuportahan ng pamahalaang Estados Unidos,[32] at pinag-igi ang mga pamumuhunan ng mga dayuhan sa Indonesia, na naging mahalagang dahilan sa katamtamang pag-unlad ng ekonomiya noong sumunod na tatlong dekada.[33] Subalit ang awtoritaryang "Bagong Kaayusan" ay malakawang inakusahan ng korupsiyon at supresyon ng mga taga-oposisyon.
Noong 1997 at 1998, ang Indonesia ang pinakalabis na tinamaan ng Krisis Pananalapi sa Asya.[34] Ito ang nakadagdag sa malawakang pagkadismaya sa Bagong Kaayusan.[35] at nagdulot ng malawakang protesta. Nagbitiw si Suharto noong 21 Mayo 1998.[36] Noong 1999, ang Silangang Timor ay bumotong humiwalay sa Indonesia, pagkatapos ng dalawampu't limang taong pananakop militar na kinondena ng iba't ibang bansa dahil sa kalupitan sa mga taga-Silangang Timor.[37] Ang panahon ng Repormasyon, pagkatapos ng pagbibitiw ni Suharto, ay nagbunga ng mas matibay na mga prosesong demokratiko, kasama ang mga programang autonomiyang rehiyunal, at ang sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng halalang pang-panguluhan noong 2004. Ang mga instabilidad sa politika at ekonomiya, kaguluhan, korupsiyon, at terorismo ay nagpabagal sa pag-unlad. Datapwat ang relasyon sa iba't ibang mga relihiyon at mga pangkat etniko ay mapayapa sa kabuuan, may mangilan ilan na sekta ang hindi kuntento at ang pagkakaroon ng kaguluhan sa ilang mga lugar ay patuloy pa ring suliranin ng bansa.[38] Isang pagsasaayos pampolitika sa mga separatistang sandatahan sa Aceh natamasa noong 2005.[39]
Ang Indonesia ay binubuo ng 17,508 pulo, na tinatayang nasa 6,000 ang tinitirhan.[40] Ang mga ito ay nakakalat sa parehong bahagi ng ekwador. Ang limang pinakamalaking pulo ay ang Haba (Java), Sumatra, Kalimantan (ang bahaging Indones ng Borneo), Bagong Ginea (na kahati ang Papua Bagong Ginea), at Selebes. Ang Indonesia ay nakikihati ng hangganan sa Malaysia sa pulo ng Borneo at Sebatik, sa Papua Bagong Ginea sa pulo ng Bagong Ginea, at sa Silangang Timor sa pulo ng Timor. Nakikihati rin ito ng hangganan sa Singapore, Malaysia, Pilipinas sa hilaga, at sa Australya sa mga katimugang bahagi ng mga dagat nito. Ang kabisera nito, ang Jakarta, ay matatagpuan sa Haba at ang pinakamalaking lungsod ng bansa, na sinundan ng Surabaya, Bandung, Medan, and Semarang.[41]
Sa 1,919,440 kilometro parisukat (741,050 mi parisukat), Ang Indonesia ay naging ika-16 na pinakamalaking bansa, ayon sa laki ng lupang sakop.[42] Ang average na kapal ng populasyon ng tao ay 134 tao bawat kilometrong parisukat (347 bawat milyang parisukat), ang ika-79 sa daigdig,[43] kahit na ang Java ang pinakamataong pulo sa buong mundo,[44] na may densidad ng populasyon na 940 tao bawat km parisukat (2,435 bawat mi parisukat). Sa taas 4,884 metro (16,024 talampakan), ang Puncak Jaya sa Papua ay ang pinakamataas na tuktok sa Indonesia, at ang Lawa ng Toba sa Sumatra ay ang pinakamalaking lawa, na may sukat na 1,145 km parisukat (442 mi parisukat). Ang pinakamalaking ilog ay nasa Kalimantan, kasama rito ang Mahakam at Barito; Ang mga ilog na ito ang nagiging pandugtong transportasyon sa pagitan ng mga bayan sa paligid nito.[45]
Dahil matatagpuan ito sa ekwador, ang Indonesia ay may klimang tropikal, na may dalawang panahon na tag-ulan at tag-init. Ang karaniwang antas na pag-ulan sa mga mababang lugar ay nasa 1,780-3,175 milimetro (70–125 pulgada), at hanggang 6,100 milimetro (240 pulgada) sa mga rehiyong mabubundok, o sa mga lugar na mabundok—lalo na sa kanlurang bahagi ng Sumatra, Kanlurang Haba, Kalimantan, Selebes at Papua—ang nakakaranas ng mataas na pag-ulan. Ang alinsangan ay pangkalahatang mataas, na karaniwa'y nasa 80%, at unti lang ang pagkakaiba ng galaw ng temperatura sa buong taon; ang karaniwang temperatura araw-araw sa Jakarta ay nasa 26-30 °C (79–86 °F).[46]
Ang Indonesia ay isang republika na may sistemang pangpanguluhan. Bilang isang estadong unitaryo, ang kapangyarihan ay nasa pambansang pamahalaan lamang. Pagkatapos ng pagbibitiw ni Pangulong Suharto noong 1998. Ang istrukturang pangpamahalaan at pampolitika ng Indonesia ay sumailalim sa isang malawakang reporma. Apat na pagbabago sa Saligang Batas ng Indonesia[47] ang nagbago sa sangay tagapagpaganap, tagapaghukom at tagapagbatas.[48] Ang pangulo ng Indonesia ay ang pinuno ng estado, punong kumander ng Sandatahan ng Indonesia at ang direktor ng mga pamahalaang lokal, paggawa ng mga batas at ng ugnayang panlabas. Ang pangulo ay nagtatalaga ng isang konseho ng mga ministro, na hindi kailangang halal na kasapi ng lehislatura. Ang halalang pangpanguluan noong 2004 ay ang unang pagkakataon na makahalal ng direkta ang mga tao ng kanilang pangulo at pangalawang pangulo.[49] Ang pangulo ay maaaring maglingkod ng hindi hihigit sa dalawang magkasunod na limang taong termino.[50]
Ang pinakamataas na katawang pangkinatawan sa pambansang antas ay ang People's Consultative Assembly (MPR). Ang pangunahing layunin nito ay suportahan at amendiyahan ang saligang batas, inagurahan ang pangulo, at pagsasaayos ng malawak na balangkas ng patakarang pang-estado. Ito ay may kapangyarihang litisin ang pangulo.[51] Ang MPR ay binubuo ng dalawang kapulungan; ang Konseho ng mga Kinatawang Pambayan (DPR), na may 550 kasapi, at ang Konseho ng mga Kinatawang Panrehiyon (DPD), na may 128 kasapi. Ang DPR ang napapasa ng mga batas at ang nagbabantay sa sangay tagapagpaganap; ang mga kasapi ay inihahalal para sa limang taong termino sa pamamagitan ng representasyong proporsyunal.[48] Ang mga repormang nagsimula noong 1998 ay nagmarka sa pagtaas ng katayuan ng DPR sa pambansang pamamahala.[52] Ang DPD ay isang bagong kapulungan para sa mga usaping pamamahalang rehiyonal.[53]
Karamihan sa mga sigalot sibil ay inihaharap sa Hukuman ng Estado; ang apela ay dinidinig sa harap ng Mataas na Hukuman; Ang Kataastaasang Hukuman ay ang pinakamataas na Hukuman sa bansa, at dinidinig ang huling pagbasa, at nagsasagawa ng pagsusuri sa mga kaso. Ang ibang hukuman ay kinabibilangan ng Hukumang Pangkalakalan (commercial), na humahawak sa mga kasong pagkabangkarote at pagkalugi; isang Hukumang Administratibo ng Estado upang dinggin ang mga kasong administratibo laban sa pamahalaan; isang Hukumang Pangsaligang batas upang dinggin ang mga sigalot na may kinalaman sa legalidad ng abtas, pangkahalatang halalan, at pagsasawalang bisa ng mga partidong pampolitika, at ang saklaw ng otoridad ng institusyon ng estado; at ang Hukumang Panrelihiyon na umaayos sa mga kasong may kinalaman sa mga kasong panrelihiyon.[54]
Binubuo ang Indonesia ng 34 lalawigan, kung saan lima rito ay may natatanging katayuan. Ang bawat lalawigan ay may sariling tagapagbatas at gobernador. Ang lalawigan ay hinahati naman sa mga bayan (kabupaten) at mga lungsod (kota), na hinahati pa sa mga maliliit na distrito (kecamatan), at pati na rin sa mga barangay (desa o kelurahan). Pagkatapos ipatupad noong 2001 ang rehiyonal na pagsasarili (autonomiya), ang mga bayan at lungsod ay ang naging pinakamahalagang sangay pampangasiwaan, na responsable sa pagbibigay ng paglilingkod-bayan. Ang pamahalaang barangay naman ang pinakamakaimpluwensiya sa pang-araw-araw na buhay ng mga nasasakupan nito, na humahawak sa mga usaping pambarangay na pinamumunuan ng halal na punong barangay na tinatawag na lurah o kepala desa.
Ang mga lalawigan ng Aceh, Jakarta, Yogyakarta, Papua, at Kanlurang Papua ay may mas maraming pribilehiyo at mas mataas na antas ng pagsasarili mula sa pambansang pamahalaan kaysa sa ibang mga lalawigan. Halimbawa, may karapatang bumuo ang pamahalaan ng Aceh ng isang malayang sistemang pambatas; noong 2003, ipinatupad nito ang paggamit ng Sharia (batas Islam) bilang bahagi ng hurisprudensiya nito.[55] Ang Yogyakarta naman ay binigyan ng katayuang "Natatanging Rehiyon" bilang pagkilala sa ginampanan nito sa pag-suporta sa mga rebolusyonaryong Indones noong panahon ng himagsikan nito sa wakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigsig.[56] Ang Papua, na dating tinatawag na Irian Jaya, ay binigyan ng katayuan ng natatanging pagsasarili noong 2001,[57] at ang Jakarta naman ay isang natatanging punong rehiyon bilang kabisera ng bansa.
(Nasa loob ng panaklong ang mga pangalan sa Indones kapag magkaiba ito sa Tagalog)
Ipinapakita ng † ang mga lalawigang may natatanging katayuan
Munting Kapuluang Sunda
|
Selebes (Sulawesi)
Kanlurang Papua
|
Ang pambansang populasyon mula sa 2000 pambansang sensus ay nasa 206 milyon,[58] at ang Kawanihang Sentral Pang-Estadistika ng Indonesia at Statistics Indonesia ay tinaya ang populasyon na nasa 222 milyon noong 2006.[59] 130 milyon katao ang nakatira sa Java, ang pinakamataong pulo sa buong daigdig.[60] Kahit na medyo epektibo ang programang pagpaplano ng pamilya na ginawa pa noong dekada '60, ang populasyon ay inaaasahang lalago sa humigit kumulang 315 milyong sa taong 2035, batay sa kasalukuyang taya ng taunang pagtaas na 1.25%.[61]
Karamihan sa mga Indones ay mula sa mga Austronesyo mga tao na mula sa Taiwan. Ang iba pang pangunahing pangkat ay ang mga Melanesiano, na naninirahan sa silangang Indonesia.[62] Mayroong 300 na natatanging mga katutubong lahi sa Indonesia, at 742 na iba't ibang wika at diyalekto.[63] Ang pinakamalaki ay ang mga Habanes, na bumubuo sa 42% ng populasyon, at pampolitika at kultural na dominante sa bansa.[64] Ang mga Sundanes, mga etnikong Malay, at mga Madures naman ay ang ibang malalaking pangkat na sunod sa mga Habanes.[65] A sense of Indonesian nationhood exists alongside strongly maintained regional identities.[66] Pangkalahatang maayos ang lipunan, subalit ang mga tensiyong panlipunan, panrelihiyon at etniko ay nagpapasimula ng matinding kaguluhan.[67] Ang mga Tsinong Indones ay isang etnik maynoriting may-impluwensiya sa Indonesia. Mas konti sa 5% sila ng populasyon. Ang mga Tsinong Indones ay nag-aari ng maraming pribadong kayamanan at kanegosyohan,[68] kaya may hinanakit sa kanila; nangyaring nagkaroon ng karahasan laban sa mga Tsinong Indones.[69]
Ang opisyal na pambansang wika, ang wikang Indones, ay tinuturo sa lahat ng mga paaralan, at sinasalita ng halos lahat ng mga Indones. Ito ang wika ng kalakalan, politika, pambansang medya, edukasyon, at akademya. Ito ay binuo mula sa lingguwa prangka na malawak na ginagamit sa rehiyon, at may malaking ugnayan sa wikang Malay na opisyal na wika ng Malaysia, Brunei at Singapore. Ang wikang Indones ay unang itinaguyod ng mga makabansa noong dekada '20, at inihayag bilang opisyal na wika noong pagpapahayag ng kalayaan noong 1945. Karamihan sa mga Indones ay nakakapagsalita ng isa o higit pa sa mahigit isang daan lokal na mga wika (bahasa daerah), na madalas ay ang kanilang unang wika. Sa mga ito, ang wikang Habanes ang pinamalawak na sinasalitang wika ng pinakamalaking pangkat etniko.[70] Sa kabilang banda, ang Papua ay may mahigit 270 katutubong wika at wikang Austronesyo,[71] sa rehiyon na may 2.7 milyong katao. May mangilan-ngilan ding dami ng tao na nag-aral bago ang kalayaan ang maalam manalita ng wikang Olandes.[72]
Ang sukat, klimang tropikal, at heograpiyang kapuluan ng Indonesia, ang naging dahilan para maging ikalawang pinaka biodiverse na bansa ito sa buong mundo, pangalawa sa Brazil,[73] at flora at fauna nito ay maghalong mga specie na Asyano at Australyano.[74] Minsan naging bahagi ng kalupaang Asyano, ang mga pulo ng Sunda Shelf (Sumatra, Java, Borneo, at Bali) ay may mga yaman ng fauna ng Asya. Ang mga malalaking species gaya ng Tigreng Sumatra, rhinoceros, orangutan, Elepanteng Asyano, at leopard, ay minsang naging laganap hanggang sa dulong silangan sa Bali, subalit ang bilang nito ay mabilis ding bumaba. Ang sakop ng mga kagubatan ay umaabot sa tinatayang 60% ng bansa.[75] Sa Sumatra at Kalimantan, ay katatagpuan halos ng mga species na Asyano. Subalit, ang mga kagubatan ng mga maliliit, at mas mataong pulo ng Java, ay malawakang inalis para sa paninirahan ng mga tao at pansakahan. Ang Sulawesi, Nusa Tenggara, at Maluku—na matagal nang nakahiwalay sa kontinenteng Asya—ay nakabuo ng sariling bukod tanging flora at fauna.[76]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.