Haribon
nanganganib na espesye ng agila sa Pilipinas From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang haribon (Pithecophaga jefferyi) ay isang espesye ng agila na kritikal na nanganganib sa pamilyang Accipitridae na endemiko sa mga kagubatan ng Pilipinas. Mayroon itong kayumanggi at puting balahibo, malagong palong, at karaniwang sumusukat ng 86 hanggang 102 cm (2.82 hanggang 3.35 tal) sa haba at tumitimbang ng 4.04 hanggang 8.0 kg (8.9 hanggang 17.6 lb).
Kinokonsidera ang haribon bilang pinakamalaki ng mga buhay na agila sa mundo ayon sa haba at lawak ng pakpak. Mas malaki o mabigat lang ang Steller's sea eagle (haliaeetus pelagicus) at agilang harpiya (harpia harpyja).[1][2] Idineklara ito bilang pambansang ibon ng Pilipinas.[3][4] Ang pinakamalaking banta sa espesye ang pagkawala ng tirahan nito, dahil sa pagkakalbo sa mga kagubatan sa saklaw nito.
Ang pangangaso ng haribon ay isang kriminal na pagkakasala, mapaparusahan ng batas na may hanggang 12 taong pagkakakulong at mabigat na multa.[5]
Remove ads
Pangalan
Marami ang mga katutubong pangalan ng haribon sa mga wikang Pilipino. Kabilang dito ang banoy at agila (hiniram mula sa Kastila) sa Tagalog; manaul o manaol sa mga wikang Bisaya; manaol o garuda sa Maranao at Maguindanao; tipule sa Subanon; at mam-boogook o malamboogook sa mga wikang Manobo, Bagobo, Tagabawa, Mandaya, at Kalagan. Ginagamit din ang ilan sa mga pangalang ito para sa mga ibang malalaking agila, tulad ng white-breasted sea eagle (tinatawag ding manaul sa Bisaya). Sa modernong Filipino, karaniwan itong tinutukoy bilang haribon (pinagsamang "haring ibon”).[3][6]
Remove ads
Taksonomiya
Ang unang Europeo na nag-aral tungkol sa espesye ay ang Ingles na eksplorador at naturalista na si John Whitehead noong 1896, na nagmasid sa ibon at pagkaraan ng ilang linggo, kinolekta ng kanyang katulong na si Juan ang unang ispesimen.[7] Ipinadala ang balat ng ibon kay William Robert Ogilvie-Grant sa Londres noong 1896, na unang nagpakita nito sa isang lokal na restawran at inilarawan ang espesye pagkatapos ng ilang linggo.[8]
Sa siyentipikong pagtuklas nito, unang tinawag na monkey-eating eagle ("agilang kumakain ng unggoy") ang haribon dahil sa mga ulat mula sa mga katutubo ng Bonga, Samar, kung saan unang natuklasan ang espesye, na unggoy lamang ang sinisila nito.[9] Hango sa mga ulat na ito ang pangalan ng genus nito, mula sa Griyegong pithecus (πίθηκος, "unggoy") at phagus (-φάγος, "kumakain ng").[10] Ginugunita ng pangalan ng espesye si Jeffery Whitehead, ang ama ni John Whitehead.[8] Subalit, isiniwalat ng mga kalaunang pag-aaral na kumakain ang diumano'y agilang kumakain ng unggoy ng mga iba pang hayop, tulad ng mga kagwang, malalaki na ahas, bayawak, at kahit mga malalaking ibon tulad ng mga kalaw. Dahil dito, pati ang katotohanan na magkapangalan ito sa agilang koronado ng Aprika at agilang arpiya ng Gitna at Timog Amerika, pinalitan ang pangalan nito ng "Philippine eagle" ("agila ng Pilipinas") sa isang proklamasyon noong 1978 ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Noong 1995, idineklara itong pambansang sagisag ni Pangulong Fidel V. Ramos. Walang kilalang subespesye ang espesyeng ito.[11]
Remove ads
Distribusyon at tirahan

Endemiko sa Pilipinas ang haribon, at matatagpuan ito sa apat na malaking pulo: silangang Luzon, Samar, Leyte, at Mindanao. Pinakamarami ang mga agila sa Mindanao, na may mula 82 hanggang 233 pares ng pag-aanak. Anim na pares lang ang matatagpuan sa Samar, dalawa sa Letye, at iilan lang sa Luzon. Matatagpuan ito sa Pambansang Parke ng Hilagang Sierra Madre sa Luzon at Mga Pambansang Parke ng Bundok Apo, Bundok Malindang, at Bundok Kitanglad sa Mindanao.[8][12]
Matatagpuan itong agila sa mga kagubatan ng lawan at gitnang montano, lalo na sa mga matarik na lugar. Ang taas ng tirahan nito ay mula sa mababang lupain hanggang sa mga bundok na mahigit 1,800 m (5,900 tal). Tinantiya na 9,220 km2 (2,280,000 akre) ng lagong-lumang kagubatan ang nananatili sa saklaw ng ibon.[8] Subalit, 146,000 km2 (56,000 mi kuw) ang kabuuang tinantiyang saklaw nito.[13]
Ekolohiya at pag-uugali
Dahil walang ibang maninila sa tirahan ng haribon, ito ang nangibabaw sa mga kagubatan ng Pilipinas. Samu't sari ang kinakain nito, kabilang dito ang mga ibon, reptilya at mamalya (pangunahin, ang mga musang at kagwang).[14] Kailangan ng mga magulang ng malawak na lugar upang mapalaki nang maayos ang kanilang sisiw, kaya madaling tablan ang espesye ng pagkakalbo ng kagubatan. Dati, tinantiya na 100 km2 (39 mi kuw) ang teritoryo nito, ngunit ayon sa isang pag-aaral sa Mindanao, ang pinakamalapit na distansiya sa pagitan ng mga pares ng magulang ay halos 13 km (8.1 mi) sa karaniwan, na nagreresulta sa 133 km2 (51 mi kuw) na terenong pabilog.[15]
Ang paglipad ng espesye ay mabilis at maliksi, mas katulad sa mga mas maliliit na lawin kaysa sa mga kahawig na malalaking ibong maninila.[16]
Naobserbahan ang mga kabataang naglalaro na humahawak sa mga buhol sa mga puno gamit ang kanilang mga kuko, at nagbabalanse na sarili gamit ang kanilang buntot at pakpak habang ipinapasok ang kanilang mga ulo sa mga butas ng punungkahoy.[17] Bukod pa rito, napag-alaman na umaatake ang mga ito ng mga bagay na walang buhay para sa pagsasanay, at sinusubukang sumabit nang nakabaliktad para mapraktis ang kanilang pagbabalanse.[17] Dahil hindi malapit ang mga magulang kapag nangyayari ito, mukhang wala silang papel sa pagtuturo sa mga kabataan ng pangangaso.[17]
Tinatantiya na mula 30 hanggang 60 taon ang inaasahang haba ng buhay ng isang ligaw na agila. Nabuhay nang 41 taon ang isang bihag na haribon sa Rome Zoo, at nasa hustong gulang na ito nang dumating ito sa zoo.[17] Nabuhay nang 46 taon ang isa pang bihag na haribon sa Philippine Eagle Center sa Lungsod ng Dabaw.[18] Gayunpaman, pinaniniwalaan na mas maikli ang buhay ng mga ligaw na ibon kumpara sa mga bihag na ibon.[17]
Remove ads
Representasyon

Idineklara ang haribon bilang pambansang ibon ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1995 ni Pangulong Fidel V. Ramos sa Proklamasyon Blg. 615, serye ng 1995.[19][20] Dahil sa laki at pagkabihira nitong agila, isa itong hinahangad na espesye ng mga tagamasid ng ibon.[16]
Naitampok ang haribon sa 12 o higit pang mga selyo mula sa Pilipinas, na may petsa mula 1967 hanggang 2007. Inilarawan din ito sa mga baryang 50-sentimo na inilikha mula 1983 hanggang 1994; noong 2018, sa 500-Pisong panggunitang barya na yaring-pilak, upang ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng Bangko Sentral ng Pilipinas;[21] noong Enero 18, 2021, at sa di-umiikot na 5,000 Pisong salaping papel na panggunita kay Lapulapu.[22] Noong Disyembre 11, 2021, inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang disenyo ng bagong 1,000-Pisong salaping papel na yaring-polimer na nagtatampok sa ibon bilang pangunahing larawan, na naging kontrobersiyal sa pagpalit nito sa tatlong martir ng Ika-2 Digmaang Pandaigdig: Punong Mahistradong José Abad Santos, suprahistrang Josefa Llanes Escoda, at Heneral Vicente Lim.
Sa kasaysayan, mga 50 haribon ang nakakulong sa mga zoo sa Europa (Inglatera, Alemanya, Belhika, Italya at Pransiya), Estados Unidos, at Hapon.[23] Ang una ay isang babae na dumating sa Zoo ng London noong Agosto 1909[23] at namatay roon noong Pebrero 1910.[24] Dumating sa mga zoo ang karamihan mula 1947 hanggang 1965.[23] Namatay ang huling nasa labas ng Pilipinas noong 1988 sa Zoo ng Antwerp, kung saan ito nakatira mula noong 1964 (maliban sa isang yugto sa Zoo ng Planckendael sa Belhika).[23] Nakamtan lang ang pagpaparami sa pagkabihag noong 1992 sa pasilidad ng Philippine Eagle Foundation sa Lungsod ng Davao, Pilipinas, kung saan ito nang-anak nang iilang beses mula noon.[7][25]
Ginawang maskot din ang haribon sa mga palaro, pinakakapansin-pansin ang haribon sa Palaro ng Timog Silangang Asya 2005 na ginanap sa Maynila na kilala bilang "Gilas". Haribon din ang hayop na ginamit sa logo ng Gilas Pilipinas, ang pambansang koponan ng basketbol ng Pilipinas.
Remove ads
Mga sanggunian
Mga link sa labas
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads
