Ang Biyetnam (Biyetnames: Việt Nam), opisyal na Sosyalistang Republika ng Biyetnam, ay bansang matatagpuan sa Tangway ng Indotsina sa Timog-Silangang Asya. Pinapaligiran ito ng Tsina sa hilaga, Laos sa hilagang-kanluran, Kambodya sa timog-kanluran, at Dagat Timog Tsina sa silangan. Sumasaklaw ito ng lawak na 331,344 km² at may populasyon na tinatayang 100 milyon. Ang kabisera nito ay Hanoi habang ang pinakamalaking lungsod nito ay Lungsod Ho Chi Minh.
Sosyalistang Republika ng Vietnam | |
---|---|
Salawikain: Độc lập – Tự do – Hạnh phúc "Kasarinlan – Kalayaan – Kaligayahan" | |
Kabisera | Hanoi 21°2′N 105°51′E |
Pinakamalaking lungsod | Lungsod Ho Chi Minh 10°48′N 106°39′E |
Wikang opisyal at pambansa | Biyetnames |
Katawagan | Biyetnames Viet (kolokyal) |
Pamahalaan | Unitaryong Marxista–Leninistang unipartidistang sosyalistang republika |
Tô Lâm | |
• Pangulo | Lương Cường |
• Pangalawang Pangulo | Võ Thị Ánh Xuân |
Phạm Minh Chính | |
Lehislatura | Pambansang Asembleya |
Kasarinlan | |
• Deklarasyon | 2 Setyembre 1945 |
• Partisyon | 21 Hulyo 1954 |
• Reunipikasyon | 2 Hulyo 1976 |
Lawak | |
• Kabuuan | 331,344.82 km2 (127,932.95 mi kuw) (ika-66) |
• Katubigan (%) | 6.38% |
Populasyon | |
• Pagtataya sa 2023 | 100,300,000 (ika-15) |
• Senso ng 2019 | 96,208,984 |
• Densidad | 298.0/km2 (771.8/mi kuw) (ika-49) |
KDP (PLP) | Pagtataya sa 2024 |
• Kabuuan | $1.559 trilyon (ika-26) |
• Bawat kapita | $15,470 (ika-106) |
KDP (nominal) | Pagtataya sa 2024 |
• Kabuuan | $465.814 bilyon (ika-33) |
• Bawat kapita | $4,623 (ika-119) |
Gini (2020) | 36.8 katamtaman |
TKP (2022) | 0.726 mataas · ika-117 |
Salapi | Đồng (₫) (VND) |
Sona ng oras | UTC+07:00 (VST) |
Kodigong pantelepono | +84 |
Kodigo sa ISO 3166 | VN |
Internet TLD | .vn |
Tinahanan na ang Biyetnam mula pa sa panahong Paleolitiko, simula sa mga estado ng Van Lang at Au Lac na itinatag noong unang milenyo BK sa rehiyon ng Ilog Pula. Sa pananakop ng dinastiyang Trieu ay naipasailalim ang bansa sa higit sanlibong taon ng panlulupig ng Tsinang Imperyal mula 111 BK hanggang 938 AD. Naipanumbalik ang malayang monarkiya sa tagumpay ni Ngo Quyen sa Hilagang Han noong Labanan sa Bach Dang. Ganap itong winakasan sa pag-aalsang Lam Son kontra sa dinastiyang Ming. Inimpluwensiyahan pa rin ang Vietnam ng kulturang Tsino sa pamamagitan ng Confucianismo at Buddhismo, ngunit natutulan na nito ang mga banta ng atake mula sa hilaga habang ginapi ang Champa at nagpalawak patimog hanggang Sabangang Mekong. Sa karamihan ng ika-17 at ika-18 siglo, epektibong nahati ang bansa sa dalawang dominyon ng Dang Trong at Dang Ngoai. Pinagkaisa ang dalawa ng huling dinastiyang Nguyen noong 1802, subalit pinagsama ang teritoryo sa Indotsinang Pranses noong 1887 bilang tatlong magkakahiwalay na rehiyon. Sa pagtatapos ng okupasyong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, inilunsad ng makabansang koalisyon na Viet Minh ang Himagsikang Agosto sa pangunguna ni Ho Chi Minh, na nagdeklara ng kasarinlan noong 1945.
Dumaan ang Biyetnam sa matagalang pakikidigma noong ika-20 siglo. Bumalik ang Pransiya upang bawiin ang kolonyal na kapangyarihan nito sa Unang Digmaang Indotsina, kung saan nagwagi ang Vietnam noong 1954. Dumulot ito sa pagganap ng Kumperensiya sa Ginebra at sa paggawa ng dalawang sonang militar na nahati sa ika-17 hilera. Humantong ang politikal na tensyon sa Digmaang Vietnam sa pagitan ng komunistang Hilaga at kapitalistang Timog. Sa pagbagsak ng Saigon noong 1975, muling nagkaisa ang bansa bilang sosyalistang estado noong 1976. Nasangkot ito muli sa bakbakan laban sa Kampuchea at Tsina bunga ng mga ideolohikal na pagkakaiba. Patuloy na humarap ng pagsubok ang Vietnam sa pagbagsak ng Unyong Sobyetiko at embargong pangkalakalan ng Estados Unidos, kaya noong 1986 ay tinahak nito ang repormistang landas sa polisiyang Doi Moi, na binago ang bansa sa isang ekonomiyang pamilihan na nakatuon sa sosyalismo. Pinadali nito ang muling pagsali ng Vietnam sa pandaigdigang larangan.
Pinapamahalaan ang Vietnam bilang unitaryong sosyalistang republika na pinamumunuan ng Partido Komunista. Itinatagurian itong bansang umuunlad, at ang ekonomiya nito'y itinala na isa sa mga pinakamabilis na lumalago sa mundo. Gayunpaman, humaharap ito ng mga suliraning panlipunan tulad ng mataas na antas ng katiwalian at mababang sukat ng mga kalayaang sibil. Bahagi ito ng mga intergubernamental at internasyonal na organisasyon kabilang ang ASEAN, EKAP, KPKTPP, OIF, POP, mga Nagkakaisang Bansa at Kilusang Di-Nakahanay.
Etimolohiya
Maraming ginamit na pangalan upang tukuyin ang teritoryo ng Vietnam, batay sa panahon ng kasaysayan. Tinawag itong Văn Lang noong dinastiyang Hồng Bàng, Âu Lạc noong dinastiyang Thục, Nam Việt noong dinastiyang Triệu, Vạn Xuân noong maagang dinastiyang Lý, Đại Cồ Việt noong mga dinastiyang Đinh at maagang Lê. Simula 1054 ay binansagan ang Vietnam na Đại Việt. Panandalian itong tinawag na Đại Ngu noong dinastiyang Hồ. Ang kasalukuyang Việt Nam ay literal na isinasaling "Timog Viet" o "Viet ng Katimugan" na hango sa katawagan sa mga bayan ng timog Tsina.[1]:27
Isinulat ang salitang Việt (Tsino: 越, pinyin: Yuè) noong 1200 BK sa Maagang Gitnang Tsino gamit ang logograpong "戉" (kalauna'y "越") para sa isang palakol, at nilagay sa mga butong orakulo at inskripsyong tanso ng dinastiyang Shang.[2]:274–301 Tinukoy nito ang isang grupo o pinunong katutubo sa hilagang-kanluran ng Shang. Noong unang bahagi ng ika-8 siglo BK, may binanggit na tribo sa gitnang Ilog Yangtze na pinangalanang Yangyue, na nagmarka ng simula ng paggamit nito para sa mga bayan sa katimugan. Sa pagitan ng ika-7 at ika-4 na siglo BK ay naging katawagan ang Yue o Việt para sa Estado ng Yue at mga tao nito sa ibabang bana ng Yangtze. Mula ika-3 siglo BK ay ginamit din ito sa mga di-Tsinong populasyon ng timog-kanlurang Tsina at hilagang Vietnam, partikular na sa mga pangkat-etnikong tulad ng Minyue, Ouyue, at Luoyue na kolektibong tinawag na Baiyue (Biyetnames: Bách Việt; Tsino: 百越, pinyin: Bǎiyuè).[3]:93–100 Unang lumabas ang Bǎiyuè o Bách Việt sa aklat na Lüshi Chunqiu na pinagsama-sama noong 239 BK.[4]:501
Noong 207 BK, itinayo ng dating heneral ng dinastiyang Qin na si Zhao Tuo (Biyetnames: Triệu Đà) ang Nanyue o Nam Việt ("timog Yue o Việt"), kung saan ang kabisera nito'y naging Panyu (kasalukuyang Guangzhou). Itinagurian ang estadong ito na "timog" sa diwa na ito ay matatagpuan sa ibaba ng iba pang reynong Baiyue na natagpuan sa mga lugar na ngayo'y Fujian at Zhejiang. Sinunod ng mga humaliling dinastiyang Biyetnames ang nomenklaturang ito kahit marami nang bayan sa hilaga nila na pinagsama sa Tsina. Noong 968, itinatag ng pinunong Biyetnames na si Đinh Bộ Lĩnh ang malayang kaharian ng Đại Cồ Việt, maaaring nangangahulugang "Dakilang Viet ng Gautama" dahil ang transpriksyong Chữ Hán ni Gautama (瞿曇) ay binasa na Cồ Đàm sa Sino-Biyetnames.[5] Noong 1054, pinaikli ni Emperador Lý Thánh Tông ang pangalan ng bansa sa Đại Việt ("Dakilang Viet").[6]:353 Gayunpaman, mas kinilala ang mga pangalang Giao Chỉ at An Nam ng mga dayuhan noong medyebal at maagang makabagong panahon. Makikita ito sa mga sumusunod na pre-modernong termino mula sa ibang wika: Caugigu sa Italyano; كوة ك (Kafjih-Guh) sa Arabe; Koci sa Malay; Cauchy sa Portuges; Cochinchina sa Ingles; at Annam sa Olandes, Espanyol, at Pranses. Noong 1787, tinukoy ng politikong Amerikano na si Thomas Jefferson ang Vietnam bilang Cochinchina para sa layunin ng pangangalakal sa bigas.[7]:9
Unang naitala ang anyong Việt Nam (越南) ika-16 na siglong tulang orakular na Sấm Trạng Trình, na iniuugnay sa opisyal at makatang Nguyễn Bỉnh Khiêm. Sa panahong ito, nahati ang bansa sa pagitan ng mga poong Trịnh ng Đông Kinh at poong Nguyễn ng Thừa Thiên. Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng ilang umiiral na mga pangalan: Nam Việt, Annam (Pasipikadong Timog), Đại Việt, at Nam quốc (Bansang Timog); lumikha ang may-akda ng bagong pangalan na tumutukoy sa isang mithing nagkakaisang estado.
Kasaysayan
Bago ang panahon ng mga dinastiya
Ang lupain na ngayon ay kilala bilang Biyetnam ay tinitirahan na simula pa noong panahong ng Paleolitiko, at ilang mga pook arkeolohiko sa Lalawigan ng Thanh Hoa ay sinasabing nabuo mga ilang libong taong na ang nakalipas. Ang mga arkeolohista ay naidugtong ang simula ng kabihasnang Biyetnam noong huling bahagi ng panahong Neolitiko, Simulang Panahon ng Tanso, kulturang Phung-nguyen, na nabuo sa Lalawigan ng Vinh Phuc noong 2000 BCE hanggang 1400 BCE. Noong 1200 BCE ang pagkatuklas sa pagtatanim ng palay at pagmimina ng tanso sa kapatagan ng paligid ng Ilog Ma at Ilog Pula ang naging dahilan sa pagkabuo ng Kulturang Dong Son, na tanyag sa marangyang tambol na taso nito. Ang mga armas na tanso, mga kagamitan, at ang mga tambol ng Dong Son sa mga pook nito ay nagpapakita ng mga impluwensiya sa teknolohiya ng pagkuha ng tanso mula sa Timog Silangang Asya. Ang ilang pagkakahalintulad sa pagitan ng kulturang Dong Son sa Timog Silangang Asya ay ang pagkakaroon ng mga kabaong na hugis bangka at ang paglilibing sa mga banga, at kinakitaan ng katunayan ng paggamit ng banga.
Panahon ng mga dinastiya
Ang maalamat na Dinastiyang Hồng Bàng ng mga haring Hùng ay sinasabi ng maraming taga-Vietnam na pinakaunang estadong Vietnames, na kilala bilang Văn Lang. noong 257 BCE, Ang huling haring Hùng ay natalo ni Thục Phán, na sinama ang mga tribong Lạc Việt sa kanyang tribong Âu Việt, upang mabuo ang Âu Lạc at inihayag niya ang kanyang sarili bilang An Dương Vương. Noong 207 BCE, isang heneral na Intsik na nagngangalang Zhao Tuo ang tumalo kay An Dương Vương at pinag-isa ang Âu Lạc sa Nanyue. Noong 111 BCE, ang Dinastiyang Han ay isinama ang Nanyue sa emperyo nito.
Sa mga sumunod na mga libong taon, ang Vietnam ay pinamunuan ng mga Tsino.[8] Ang mga Sinaunang mga kilusang pangkalayaan gaya ng sa magkapatid na Magkapatid na Trưng at kay Lady Triệu ay panandalian lamang ang naging tagumpay. Ito ay naging malaya at naging Vạn Xuân sa ilalim ng Dinastiyang Anterior Ly sa pagitan ng panahon ng 544 at 602. Sa simula ng ika-10 dantaon, natamasa ng Vietnam ang pagsasarili, subalit hindi ang kalayaan, sa ilalim ng pamilyang Khúc.
Noong 938 CE, isang panginoong taga-Vietnam na nagngangalang Ngô Quyền ang tumalo sa hukbong Intsik sa Ilog Bạch Đằng at natamasa ang kalayaan pagkatapos ng 10 dantaon pamumuno ng mga Tsino.[9] Ang pangalan ay binago bilang Đại Việt, ang bansa ay naging maunlad noong panahon ng Dinastiyang Ly at ng Dinastiyang Trần. Noong panahon ng pamamahalang Tran, ang Đại Việt ay tatlong beses na lumaban sa pananakop ng mga Mongol sa Vietnam.[10] Ang Budhismo sa Vietnam ay lumaganap at naging relihiyon ng estado. Pagkatapos ng sandaling Dinastiyang Hồ, panandaliang nahinto ang kalayaan ng Vietnam ng mga Tsino, subalit naibalik din ni Lê Lợi, ang pinuno ng Dinastiyang Le. Naabot ng Vietnam ang antas ng tugatog sa Dinastiyang Le noong ika-15 dantaon, lalo na nang mamuno si Emperador Lê Thánh Tông (1460–1497). Sa pagitan ng ika-11 at 18-dantaon, pinalawak ng mga taga-Vietnam ang kanilang sakop patimog bilang nam tiến (Patimog na pagkapapalawak).[11] Doon ay nagapi nila ang Kaharian ng Champa at ilang bahagi ng Imperyong Khmer.[12][13]
Hanggang sa huling bahagi ng Dinastiyang Lê, Ang mga kaguluhang sibil ay lumaganap sa kalakhang bahagi ng Vietnam. Una, ang sinusuportan ng mga Tsinong Dinastiyang Mạc ay hinamon ang kapangyarihan ng Dinastiyang Lê, Pagkatapos matalo ng Dinastiyang Mạc, muling nanumbalik ang Dinastiyang Lê, subalit wala nang aktuwal na kapangyarihan. Ang kapangyarihan ay nahati sa pagitan ng mga Panginoong Trịnh na kasali sa digmaang sibil nang mahigit sa apat na dekada. Sa mga panahong ito, ang mga Nguyễn ay nagpalawak sa katimugang Vietnam hanggang sa Mekong Delta, at isinama ang Champa sa gitnang kabundukan at mga lupain ng Khmer sa Mekong. Ang digmaang sibil ay nagwakas nang ang magkapatid na Tây Sơn ay magapi ang dalawang naglalaban partido at sila ay nagtayo ng kanilang bagong dinastiya. Subalit, ang kanilang pamumuno ay hindi nagtagal nang ganun kahaba nang sila ay matalo ng mga natitirang paksiyon ng mga Panginoong Nguyễn na pinamunuan ni Nguyen Anh sa tulong ng mga Pranses. Pinag-isa ni Nguyen Anh ang Vietnam, at nagtatag ng Dinastiyang Nguyễn, na namuno sa pangalang Gia Long.
Panahon ng Kolonyang Kanluranin
Ang kalayaan ng Biyetnam ay unti unting sinira ng mga Pranses sa mga sunod sunod na pagsakop ng mga sandatahan nito mula 1859 hanggang 1885 nang ang buong bansa ay naging bahagi ng Pranses na Indotsina. Ang administrasyong Pranses ay nagpatupad ng mga mahahalagang pagbabagong pampolitika at kultural sa lipunang Biyetnam. Isang sistemang kanluranin ng makabagong edukasyon ang binuo, at ang Kristiyanismo ay pinalawak sa lipunan. Sa pagbubuo ng ekonomiyang plantasyon upang mapalakas ang eksport ng tabako, indigo, tsaa at kape, hindi gaano binigyang pansin ang mga panawagan ng mga lokal sa pagkakaroon ng sariling pamahalaan at sa mga karapatang pantao. Isang kilusang nasyunalistang pampolitika ang lumaong nabuo, na may mga pinunong gaya nina Phan Boi Chau, Phan Chu Trinh, Phan Dinh Phung, Emperador Ham Nghi at Ho Chi Minh na nananawagan ng kanilang kalayaan. Subalit, pinanatili ng mga Pranses ang kanilang pamumuno sa kaniyang mga kolonya hanggang noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang ang mga Hapones ay nagpasimula nang pananakop sa Indotsinang Pranses noong 1941. Ang kaganapang ito ay sinundan ng pagkakabuo ng administrasyong Pransiyang Vichy, isang estadong papet ng Alemanyang Nazi at alyado ng Emperyong Hapon. Ang mga likas na yaman ng Vietnam ay labis na naabuso para sa kapakanan ng kampanyang militar ng Emperyong Hapones sa mga kolonyang Briton na Indotsina na Burma, ang Tangway ng Malay at ang India.
Noong Hulyo 1945, nagpasya ang Kapangyarihang Alyados na hatiin ang Indochina sa ika-16 na parallel upang payagan si Chiang Kai-shek ng Republika ng Tsina na tanggapin ang pagsuko ng mga Hapones sa hilaga habang tinanggap ni Lord Louis Mountbatten ng Britanya ang kanilang pagsuko sa timog. Sumang-ayon ang Kapangyarihang Alyados na pagmamay-ari pa rin ng Pransiya ang Indotsina.[14]
Pamahalaan at Politika
Ang Biyetnam ay isang unitaryong Marxisat-Leninistang isahang-partidong sosyolistang republika, isa sa dalawang estadong komunista (na ang isa pa ay ang Laos) sa Timog-silangang Asya.[15] Bagaman nananatiling opisyal na nakatuon ang Biyetnam sa sosyalismo bilang kanilang tinutukoy na kredo, unti-unting lumago ang kanilang polisiyang pang-ekonomiya bilang kapitalista,[16][17] na sinasalarawan ng The Economist ang pamunuan bilang mga "masigasig na komunistng kapitalista".[18] Sa ilalim ng konstitusyon, ginigiit ng gampanin ng Partido Komunista ng Biyetnam sa lahat ng sangay ng politika at lipunan ng bansa.[15] Nahahalal ang pangulo bilang pinuno ng estado at ang punong kumander ng militar, na nagsisilbing tagapangulo ng Konseho ng Kataas-taasang Tanggulan at Seguridad, at hinahawakan ang ikalawang pinakamataas na tanggapan sa Biyetnam at gayon din, ginagampanan ang mga tungkuling tagapagpaganap at mga paghirang at paggawa ng polisiya.[15]
Pagkakahating Administratibo
Ang kabisera ng Vietnam ay Hanoi (na nagsilbi rin bilang kabisera ng French Indochina at ng Hilagang Vietnam), at ang pinakamalaking at pinakamataong lungsod ay ang Lungsod ng Ho Chi Minh (na dating kilala bilang Saigon). Ang Vietnamay nahahati sa 59 na mga lalawigan at limang lungsod na kasing-antas ng lalawigan, na hinati pa sa mga distrito at mga munisipalidad. Ang pamahalaang panlalawigan ay nasa ilalim ng pamahalaang sentral. Kadalasan, ang pamahalaang Vietnamese ay pinapangkat ang mga lalawigan na ito sa walong mga rehiyon: ang Hilagang Kanluran, Hilagang Silangan, Delta ng Ilog Pula, Baybayin ng Gitnang Hilaga, Baybayin ng Gitnang Timog, Gitnang Kabundukan, Timog Silangan, at ang Delta ng Ilog Mekong. Ang mga rehiyon na ito ay hindi kadalasang ginagamit.
Mga Lalawigan ng Biyetnam Mga pulong lugar: -Isla ng Bạch Long Vĩ (Munisipalidad ng Haiphong [3]) -Mga isla ng Paracel (Distrito ng Hoàng Sa, Munisipalidad ng Đà Nẵng [4]) -Mga isla ng Phú Quý (Distrito ng Phú Quý, Lalawigan ng Bình Thuận [46]) -Isla ng Phú Quốc (Lungsod ng Phú Quốc, Lalawigan ng Kiên Giang [58]) -Mga isla ng Thổ Chu (Lungsod ng Phú Quốc, Lalawigan ng Kiên Giang [58]) -Mga isla ng Côn Đảo (Distrito ng Côn Đảo, Lalawigan ng Bà Rịa–Vũng Tàu [51])
|
|
Hilagang Silangan 7. Điện Biên 23. Hòa Bình 8. Lai Châu 9. Lào Cai 17. Sơn La 13. Yên Bái |
Hilagang Silangan
21. Bắc Giang 15. Bắc Kạn 11. Cao Bằng 10. Hà Giang 12. Lạng Sơn 18. Phú Thọ 22. Quảng Ninh 16. Thái Nguyên 14. Tuyên Quang |
Delta ng Ilog Pula
1. Hà Nội (munisipalidad) 3. Hải Phòng (munisipalidad) 20. Bắc Ninh 27. Hà Nam 25. Hải Dương 24. Hưng Yên 28. Nam Định 29. Ninh Bình 26. Thái Bình 19. Vĩnh Phúc |
Baybayin ng Gitnang Hilaga
6. Thừa Thiên Huế 32. Hà Tĩnh 31. Nghệ An 33. Quảng Bình 34. Quảng Trị 30. Thanh Hóa |
Gitnang Kabundukan
41. Đắk Lắk 42. Đắk Nông 38. Gia Lai 37. Kon Tum 44. Lâm Đồng |
Baybayin ng Gitnang Timog
4. Đà Nẵng (munisipalidad) 39. Bình Định 46. Bình Thuận 43. Khánh Hòa 45. Ninh Thuận 40. Phú Yên 35. Quảng Nam 36. Quảng Ngãi |
Timog-Silangan
2. Hồ Chí Minh City (munisipalidad) 51. Bà Rịa–Vũng Tàu 49. Bình Dương 47. Bình Phước 50. Đồng Nai 48. Tây Ninh |
Delta ng Ilog Mekong
5. Cần Thơ (munisipalidad) 56. An Giang 62. Bạc Liêu 55. Bến Tre 63. Cà Mau 53. Đồng Tháp 59. Hậu Giang 58. Kiên Giang 52. Long An 61. Sóc Trăng 54. Tiền Giang 60. Trà Vinh 57. Vĩnh Long |
Transportasyon
Ang makabagong transportasyon sa Vietnam ay orihinal na binuo sa ilalim ng pamumunong Pranses upang makakuha ng mga materyales sa pag-aani, at inayos at ginawang makabago pagkatapos ng Digmaang Vietnam. Ang sistema ng kalsada ang pinakatanyag sa lahat ng uri ng transportasyon sa bansa. Ang sistema ng mga kalsada sa Vietnam ay kinabibilangang ng Pambansang daanan na pinamamahalaan ng Sentral na Pamahalaan; mga daang panlalawigan na pinamamahalaan ng panglalawigang pamahalaan; at ang mga daang pangdistrito na pinamamahalaan ng pangdistritong pamahahalaan; ang mga daang urban ay pinamamahalaan ng mga lungsod at mga bayan; ang mga daan sa mga barangay ay pinamamahalaan ng mga barangay.
Ang bisikleta at mga motorsiklo ay nananatiling pinakasikat na uri ng transportasyon sa mga lungsod, bayan at mga barangay sa Vietnam. Ang mga pampublikong mga bus na pinapatakbo ng mga pribadong mga kompanya ay ang pangunahing transportasyong pangmalayuan ng mga tao. Ang labis na trapiko ay isang malalang suliranin sa Hanoi at sa Ho Chi Minh dahil na rin sa mabilis na paglaki ng bilang ng mga sasakyan sa mga daanan. Mayroon ding 17,000 kilometrong layong daang tubig, na isang mahalagang bahagi ng mga buhay sa mga nayon.
Mga Sanggunian
Wikiwand in your browser!
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.