From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Aklat ni Habacuc[1][2], Aklat ni Habakkuk[3], o Aklat ni Habakuk[4] ay isang aklat na isinulat ng mga propeta na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Isinulat ito ng propetang si Habakuk. Sinasabing nilalaan ang aklat na ito para sa mga taong may katanungan kung nakikinig ba ang Diyos sa mga panalangin.[5] Katulad ng Aklat ng mga Salmo, ginagamit ito ng mga Hudyo para sa kanilang mga pagdiriwang na pampananampalataya.[1]
Lumang Tipan ng Bibliya |
---|
|
Tinatayang isinulat ni Habakuk ang kaniyang aklat noong mga panahon nang malapit na ang pagtatapos ng ika-6[6] o ika-7[2] daantaon bago dumating si Kristo, kung kailan nasakop ng mga Caldeo (mga Babilonio) ang Asiria at pinagbabantaan ding sakupin ang Juda.[2][6] Partikular na sinasabing bumigkas ng mga hula si Habakuk noong mga 608 BK, ang panahon bago mamatay si Josias.[1]
Tinatalakay ng aklat ang matandang suliranin hinggil sa paggagawad ng katarungan ng Diyos, na nakapaloob sa patanong na katagang: "Bakit ka nananahimik gayong nililipol nila ang mga taong mas matuwid kaysa kanila?", isang tanong na namutawi sa mga bibig ng propetang si Habakuk habang kinakausap niya ang Diyos, at matatagpuan sa Habakuk: 1:13.[2][6] Tinugon ito ng Diyos sa ganitong paraan at kasagutang makatwiran kailanman: na makapangyarihan pa rin ang Diyos at gagawin niya ang naaangkop na kilos pagsapit ng takdang panahon. Tiniyak niya kay Habakuk na "ang matuwid ay mabubuhay sa kanyang katapatan," na nasa Habakuk 2:4.[2][6] Ginamit ni San Pablo ang Alagad ang pangungusap na ito ng Diyos, kaya't naging mahalaga ito sa kaisipang Kristiyano at nagsilbing panimula ng tinatawag na "diwang teolohiko (makateolohiya) ng pananampalataya."[6] Matutunghayan ang mga paghalaw na ito ni San Pablong Alagad sa mga sinulat ni Habakuk mula sa Sulat sa mga taga-Galacia (nasa Galacia 3, 11) at mula sa Sulat sa mga Hebreo (nasa Hebreo 10, 37-38).[1] Batay sa paliwanag, kinasangkapan ng Diyos ang mga taga-Caldeang manlulupig (mga Caldeo) para parusahan ang mga kababayan ni Habakuk dahil sa kanilang mga kamalian, isang bagay na ikinabahala ni Propeta Habakuk. Subalit dinagdag naman na parurusahan ng Diyos ang pagkatampalasan ng mga Caldeo.[1][2]
Nagsisimula ang Aklat ni Habakuk ng may isang katanungang may pagkakatulad sa mga damdamin nakalahad sa Aklat ng mga Salmo, partikular na ang nasa Salmo 6 at Salmo 10.[6] Ganito ang mga pananalita ni Habakuk: "Yahweh, hanggang kailan ako daraing sa iyo, at di mo diringgin? Hanggang kailan mo babayaang mamayani ang karahasan?."[2][6] Naririto ang isa pang anyo ng pangungusap na patanong: "Hanggang kailan ako magmamakaawa, O Panginoon, at di ka makikinig, dadaing sa iyo laban sa pandadahas at di ka magliligtas?"[1][6][7] Matatagpuan sa huling bahagi ng Aklat ni Habakuk ang isang huli ni Habakuk kaugnay na kapahamakang sasapit sa mga gumagawa ng kamalian. Nasa wakas ng aklat ang isang awiting paukol sa Diyos na nagmamahal, makatarungan, at maawain; sa pagdakila sa Diyos na ito; at sa pamamahayag ng "walang maliw na pagtitiwala."[1][2]
Ipinaliliwanag ang pananaghili o katanungan ni Habakuk na "Hanggang kailan ako magmamakaawa, O Panginoon, at di ka makikinig, dadaing sa iyo laban sa pandadahas at di ka magliligtas?"[1][6][7], na katumbas ng Sino ba ang nakikinig sa aking mga panalangin?, sa pamamagitan ng isang naaangkop na kasagutan: na kalooban ng Diyos ang paghintayin ang tao, at pakikinggan at sasagutin lamang ng Diyos ang mga dalangin ayon sa sarili niyang panahon, isang kagustuhang hindi nararapat husgahan ng sinuman. Sapagkat may pagkakaiba at hindi palaging katugma ng kaisipang pantao ang diwa ng Diyos kapag panahon o oras ang pag-uusapan. Hindi pagkaantala sa Diyos ang pinaniniwalaang pagkakaroon ng antala para sa isang tao. Bilang karagdagan, sinasabi pa rin na isang pagpapakita ng katapatan sa pananampalataya ang mismong reklamo ni Habakuk sa Diyos.[6]
Isa pa sa mga piling taludtod sa Aklat ni Habakuk na binigyan ng paliwanag ang Habakuk 2:14, na naglalaman ng ganitong pangungusap: "Sapagkat kung paanong natatakpan ng tubig ang karagatan, ang sanlibutan ay matitigib ng kaalaman, lalaganap sa daigdig ang pagkilala sa kadakilaan ni Yahweh."[6] Mayroon din itong ganitong anyo ng pagkakasalin: "Sapagkat sa lupa'y lalaganap ang pagkaalam sa kaluwalhatian ng Panginoon katulad ng pagpuno ng mga tubig sa dagat."[1] Nagbunga ng isa ring katanungan ang taludtod na ito: ang Nadungisan ba ang pangalan ng Diyos nang nagapi at napahiya ang mga Israelita dahil sa kagagawan ng ibang mga bansa? Sinagot ito ng ganitong paliwanag: na bagaman nakaugma ang malinis na pangalan ng Diyos sa pangalan ng Israel, layunin ng Diyos sa pagpili ng isang pangkat ng mga mamamayan ang maabot ang kabuoan ng daigdig. Namamayani ang layuning ito ng Diyos sa mga pag-angat at pagbagsak ng lahat ng mga bansang nalahad sa kasaysayan. Maaaring nadumihan ang banal na pangalan ng Diyos, kaugnay ng budhi at ng pagiging kapanipaniwala, ngunit sinasabing pinalakas pa rito ang kawagasan ng pangalan ng Diyos. Sapagkat pinarusahan muna at hinusgahan ng Diyos ang pinili niyang bayan, ang Israel na nagkaroon ng sariling mga pagkukulang sa kanilang pananampalataya, bago hatulan ng Diyos ang iba pang mga bayang naging tampalasan.[6]
Taliwas sa isang paksang nasa Aklat ni Habakuk ang ipinakilalang bagong kaisipan ni Hesus na nakalahad sa Bagong Tipan ng Bibliya. Sa halip na bigyang kahalagahan ni Hesus sa kaniyang mga pagtuturo ang pagkakahilig sa pagkakaroon ng kagitingan ng isang bansa, mas minabuti ni Hesus ang pagkakaroon ng isang makapangkaluluwang kaharian o sambayanang nagbabalik-loob sa Diyos.[6]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.