Remove ads
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang One Direction (kadalasang dinadaglat bilang 1D) ay isang pop na bandang Ingles-Irlandes na puro lalaki na nakabase sa Londres, at binubuo nina Niall Horan, Liam Payne, Harry Styles at Louis Tomlinson. Kasapi si Zayn Malik sa banda mula nang ito'y mabuo noong 2010 hanggang sa kanyang pag-alis noong 25 Marso 2015. Nakapirma sila sa tatak panrekord ni Simon Cowell na Syco Records[1] matapos na mabuo at makamit ang ikatlong puwesto sa ikapitong serye ng programang pantelebisyon sa Britanya, ang The X Factor. Bunsod ng social media kaya naging matagumpay sa iba't-ibang bansa, ang apat na album ng One Direction, ang Up All Night (2011), Take Me Home (2012), Midnight Memories (2013) at Four (2014) ay nakabura ng mga dating rekord, na nanguna sa mga talaan sa malalaking merkado, at nakagawa ng mga patok na awitin kabilang ang "What Makes You Beautiful", "Live While We’re Young", "Story of My Life", at "Steal My Girl". Ang kanilang ikalimang album, ang Made in the A.M., ay inilabas noong Nobyembre 2015.
One Direction | |
---|---|
Kabatiran | |
Kilala rin bilang | 1D |
Pinagmulan | Londres, Inglatera |
Genre | Pop, Rock |
Taong aktibo | 2010–2016 |
Label |
|
Miyembro | Niall Horan Harry Styles Louis Tomlinson |
Dating miyembro | Zayn Malik Liam Payne (namatay 2024) |
Website | onedirectionmusic.com |
Kabilang sa kanilang mga nakamit ang apat na Gantimpalang Brit (Brit Awards), apat na MTV Gantimpala sa Musikang-Bidyo (MTV Video Music Awards), 11 MTV Gantimpala sa Musika sa Europa (MTV Europe Music Awards), 19 na Gantimpala sa Pinili ng Kabataan (Teen Choice Awards), at marami pang iba. Ayon kay Nick Gatfield, tagapangulo at punong ehekutibo ng Sony Music Entertainment UK, kinatawan ng One Direction ang $50 milyong imperyong pang-negosyo noong Hunyo 2012. Ipinroklama silang "Nangungunang Bagong Mang-Aawit" ng 2012 ng Billboard.[2] Ayon sa Sunday Times Rich List, nitong Abril 2013, ang banda ay tinatayang may kabuuang pinagsama-samang personal na yaman na £25 milyon ($41.2 milyon), dahilan upang sila'y maging pangalawang pinakamayayamang musikero sa Nagkakaisang Kaharian na nasa edad na mas mababa sa 30.[3] Noong 2014, itinala sila ng Forbes bilang ikalawang may pinakamalaking kinitang artista na nasa gulang na mababa sa 30, na nakapagtala ng kitang tinatayang nasa $75 milyon mula Hunyo 2013 hanggang Hunyo 2014.[4] Noong Hunyo 2015, itinala ng Forbes ang kanilang kita na nasa $130 milyon sa loob ng nakalipas na 12 buwan,[5] at inihanay sila bilang ikaapat na artistang may pinakamalaking kita sa buong mundo.[6]
Matapos ilabas ang Four, ang One Direction ang naging unang banda sa kasaysayan ng Billboard 200 ng Estados Unidos na nagkaroon ng unang apat na album na nag-umpisang numero uno.[7] Ang kanilang ikatlong album na Midnight Memories ang naging pinakamabiling album sa buong mundo noong 2013 bagaman at inilabas lamang ito noong huling bahagi ng Nobyembre 2013.[8] Ang Where We Are Tour upang itaguyod ang Midnight Memories at Four ang may pinakamalaking kinitang konsiyerto noong 2014, at pinakamalaki sa lahat ng mga grupong mang-aawit, na kumita ng $282 milyon. Noong 2014, pinangalanan ng Billboard ang One Direction bilang nangungunang mang-aawit ng taon.[9] Kasalukuyang nakapahinga (hiatus) ang banda, na kanilang inanunsiyo noong 2016 at nag solo career.[10]
Noong 2010, sina Niall Horan, Zayn Malik, Liam Payne, Harry Styles at Louis Tomlinson ay sumali bilang mga solong kalahok para sa ikapitong serye ng programang pantelebisyon sa Inglatera, ang The X Factor.[11] Hindi sila nagtagumpay na umusad sa kategorya ng mga "Lalaki" (Boys) sa "bahay ng mga hurado", at sa mungkahi ni Nicole Scherzinger, isang panauhing hurado, pinagsama-sama sila upang bumuo ng limahang banda (five-piece boy band) sa Tanghalang Wembley (Wembley Arena), sa Londres, Inglatera, noong Hulyo 2010, sa bahaging bootcamp ng kompetisyon,[12] kaya't nagkuwalipika sila sa kategorya ng mga Grupo (Groups). Kasunod nito, nagsama-sama ang grupo sa loob ng dalawang linggo upang magkakila-kilala at magpraktis. Binuo ni Styles ang pangalan ng grupo, One Direction.[13] Para sa kanilang awit upang makausad sa "bahay ng mga hurado", at sa kanilang unang awit bilang isang grupo, kinanta ng One Direction ang kanilang bersiyong akustiko ng awiting "Torn".[14] Kinalauna'y nagsabi si Simon Cowell na ang kanilang pagtatanghal ay nagkumbinsi sa kanya na ang grupo'y "kumpiyansa, masaya, tulad ng isang magkakabarkada, at tipong walang kinatatakutan".[15] Sa loob ng unang apat na linggo ng mga live shows, sila ang huling alaga ni Cowell sa kompetisyon.[16] Madaling naging popular ang grupo sa UK.[15]
Nagtapos sa ikatlong puwesto ang One Direction at pagkatapos na pagkatapos ng pinal na pagtatanghal, ang kanilang bersiyon ng kantang Forever Young, na ilalabas sana kung sila ang nagwagi sa The X Factor, ay kumalat sa internet.[17] Ilang araw lang makalipas nito'y nakumpirmang lumagda ang One Direction kay Cowell sa isang kontratang nagkakahalaga ng £2 milyon sa Syco Records.[18] Nagsimula ang kanilang pagrerekord ng pinakaunang album noong Enero 2011, nang sila'y lumipad patungong Los Angeles upang magtrabaho sa RedOne, isang prodyuser ng mga rekord.[19] Isang aklat na binigyang-lisensiya ng One Direction, ang One Direction: Forever Young (Our Official X Factor Story), ang inilathala ng HarperCollins noong Pebrero 2011,[20] at kagyat na nanguna sa listahan ng Pinakamabenta (Best Seller) ng The Sunday Times.[21] Sa parehong buwan, ang banda at iba pang mga kalahok ay naging bahagi ng X Factor Live Tour.[22] Sa kanilang paglilibot ay nakapagtanghal sila sa harap ng mahigit 500,000 katao sa buong UK. Nang magtapos ang nasabing paglilibot noong Abril 2011, nagpatuloy ang grupo sa paggawa ng kanilang unang album. Naganap ang rekording sa Stockholm, London o Londres, at Los Angeles, at nakipagtrabaho sila sa mga prodyuser tulad nina Carl Falk, Savan Kotecha, Steve Mac, Rami Yacoub, at iba pa.[23]
Inilabas noong Setyembre 2011, ang pinakaunang isahang awit ng One Direction, ang What Makes You Beautiful, ay nag-numero uno sa Talaan ng mga Isahang Awit sa UK (UK Singles Chart), matapos maging pinakamabiling di-pa-nailalabas (pre-ordered) na isahang awit sa kasaysayan ng Sony Music Entertainment.[24][25] Ang mga sumunod na mga isahang awit, ang Gotta Be You at One Thing, ay umakyat din sa UK Singles Chart Top Ten.[26][27] Noong Nobyembre 2011, lumagda sila ng kontrata sa Columbia Records sa Hilagang Amerika.[28] Ayon kay Steve Barnett, ang kasamang tagapangulo ng Columbia Records, hindi naging mahirap na desisyon ang palagdain ang One Direction. "Sa tingin ko kasi'y may kulang, at marahil kaya nilang kunin at hawakan iyon."[29] Inilabas ang What Makes You Beautiful sa Estados Unidos noong Pebrero 2012,[30] kung saa'y nagsimula itong numero 28 sa Billboard Hot 100, na naging pinakamataas na umpisa para sa isang mang-aawit na Ingles mula 1998.[31] Nakapagbenta ito ng higit 4 na milyong kopya sa Estados Unidos.[32] Sa pagdating nila sa Amerika noong Pebrero 2012, umikot sila sa mga estasyon ng radyo upang itaguyod ang kanilang album, maging ang kanilang unang paglibot sa Hilagang Amerika bilang pambukas na akto (opening act) para sa Big Time Rush.[33][34] Isinagawa rin ang kanilang unang paglabas sa telebisyon sa Amerika sa The Today Show, sa Rockefeller Center, kung saan mahigit 15,000 katao ang dumagsa sa plasa.[35] Inilabas sa buong mundo ang unang studio album ng One Direction, ang Up All Night nitong unang bahagi ng 2012, kung saan ito'y pinuri dahil sa datíng nito sa mga kabataang tagapakinig.[36] Naging pinakamabilis mabentang paunang album ito sa UK noong 2011,[37] at nanguna sa mga talaan sa 16 na bansa.[38] Hindi lang ito, ang album ay nag-numero uno sa Billboard 200 ng Estados Unidos, na naglagay sa One Direction bilang kauna-unahang grupong Ingles sa kasaysayan ng listahan ng Amerika na pumasok sa numero uno sa unang album pa lamang,[39] na nagresulta sa pagkakaluklok nila sa Guinness World Records.[40] Ang Up All Night din ang naging unang album ng boyband na nakapagbenta ng 500,000 kopyang digital sa Amerika, at noong Agosto 2012, ay nakapagbenta ng mahigit 3 milyong kopya sa buong mundo.[41][42]
Noong Abril 2012, isang bandang Amerikano na nagtaglay rin ng parehong pangalan ang naghain ng kasong paglabag sa paggamit ng tatak (trademark infringement lawsuit) laban sa grupong Ingles.[43] Ayon sa sakdal, ginagamit na diumano ng bandang Amerikano ang pangalang One Direction mula pa noong 2009, nakapagrekord na ng dalawang album, at naghain na ng aplikasyon upang ipatala ang pangalan ng gupo sa Estados Unidos noong Pebrero 2011.[43] Sinabi rin ng Amerikanong banda na may karapatan sila sa tatlong beses na laki ng kinita ng bandang Ingles, maging sa danyos (compensatory damages) na hihigit sa $1 milyon.[43] Inaangkin din ng sakdal na ang Syco at Sony Music ay “piniling balewalain ang karapatan ng nagsakdal at sinadyang lumabag sa mga ito” matapos nilang mapagtanto noong unang bahagi ng 2011 na gumagamit ng parehong pangalan ang dalawang banda.[43] Kasunod nito’y naghain ng kontra-demanda ang Syco Records, na nagmumungkahing sinusubukan lamang ng bandang Amerikano na kumita ng salapi mula sa tagumpay ng One Direction at ang bandang Ingles ay nauna sa paggamit ng pangalan sa komersiyong inter-estado (interstate commerce) sa Estados Unidos.[44] Iniulat ng BBC noong Setyembre 2012 na ang grupong Ingles ay nagwagi sa labang legal sa karapatang patuloy na gamitin ang kanilang pangalan; samantalang pinalitan naman ng bandang Amerikano ang kanilang pangalan bilang Uncharted Shores.[44] Ang pagpapalit ay inanunsiyo sa isang magkatuwang na pahayag (joint statement) na nagsabi ring parehong masaya ang magkabilang panig sa kinahinatnan ng mga pangyayari.[44]
Noong Disyembre 2011, nag-umpisa na ang One Direction sa kanilang unang solong lakbay-konsiyerto (concert tour) sa UK, ang Up All Night Tour.[45] Noong unang bahagi ng 2012, inanunsiyo nilang bahagi rin ng kanilang paglibot ang Australasya at Hilagang Amerika, na may mga petsa mula Abril hanggang Hulyo 2012.[46][47] Ang paglibot, na binuo ng 62 palabas, ay positibong tinugon ng mga kritiko at ng industriya.[48][49] Ang rekording ng kanilang konsiyerto sa kanilang paglibot, ang Up All Night: The Live Tour, ay inilabas noong Mayo 2012.[50] Bilang dagdag sa DVD na nanguna sa mga talaan sa dalawampu’t limang bansa, ang benta nito sa buong mundo’y lumampas ng 1 milyong kopya noong Agosto 2012.[51] Ang unang aklat ng One Direction na binigyang-lisensiya sa Amerika, ang Dare to Dream: Life as One Direction na inilathala sa Estados Unidos noong Mayo 2012, ay nanguna sa listahan ng Pinakamabenta ng The New York Times.[52] Noong Hunyo 2012, si Nick Gatfield, ang tagapangulo at punong ehekutibo opisyal ng Sony Music Entertainment UK, ay nagpahayag kung paano niya inaasahan ang One Direction na kumatawan sa $100 milyong imperyong pangnegosyo sa taong 2013. Sinipi mula kay Gatfield na “Ang maaaring hindi natin alam tungkol sa One Direction ay kinakatawan na nila ang $50 milyong halaga ng negosyo at iyon ang halagang inaasahan naming dodoble sa susunod na taon.”[53] Noong Agosto 2012, ang bentang rekord (record sales) ng grupo ay lumampas na ng 8 milyong single, 3 milyong album, at 1 milyong DVD, at inawit nila ang What Makes You Beautiful sa seremonya ng pagtatapos ng Palarong Olimpiko sa Tag-init 2012 (2012 Summer Olympics), kung saan isinagawa ang paglilipat mula Londres patungong Rio de Janeiro bilang punong-abala para sa Palarong Olimpiko sa Tag-init 2016 (2016 Summer Olympics).[54] Ang One Direction ang may pinakamalaking napagwagian sa MTV Gantimpalang Awit-Bidyo ng 2012 (2012 MTV Video Music Awards), kung saan napanalunan nila ang kanilang tatlong nominasyon noong 6 Setyembre 2012, kasama na ang Pinakamahusay na Bagong Mang-Aawit (Best New Artist).[55]
Ang ikalawang studio album ng One Direction, ang Take Me Home, ay inilabas noong Nobyembre 2012.[56] Ang Take Me Home ay isinulat nang grupo-grupo at may humigit-kumulang na limang manunulat kada awit. Sina Savan Kotecha, Rami Yacoub, at Carl Falk, na silang sumulat ng mga pinakasikat ng One Direction na What Makes You Beautiful at One Thing, ay nanatili ng anim na buwan sa Stockholm upang bumuo ng mga awit para sa album, at naghulma ng melodiya sa mga tono nito.[57] Nagsimula ang pagrerekord ng album ng One Direction noong Mayo 2012, sa Stockholm sa Kinglet Studios.[58][59] Nakakuha ng magkakahalong reaksiyon ang Take Me Home mula sa mga kritiko ng musika. May mga pagpuri dahil sa kalidad ng produksiyon, samantalang pinuna ito dahil sa nagmukha itong pangkaraniwan at minadali.[60][61][62][63][64][65] Ang pangunahing single nito, ang Live While We’re Young, na inilabas noong Setyembre 2012, ay pumasok sa sampung nangunguna sa halos lahat ng bansa kung saan ito naitala, at nairekord bilang may pinakamalaking benta sa unang linggo para sa isang kantang mula sa isang mang-aawit na hindi taga-Amerika sa Estados Unidos.[66] Noong Setyembre 2013 ay iniulat sa opisyal na sityo web (website) ng Guinness World Records na nakuha ng nasabing awit ang pinakamataas nitong pagsisimula sa US Singles Chart, isang parangal muli sa bandang Ingles.[67] Ang nasabing album at ang ikalawa nitong single, ang Little Things, ay sabay na nag-umpisa sa numero uno sa UK; bagay na tanging One Direction lamang ang nagkamit bilang pinakabatang mang-aawit sa kasaysayan ng listahang Ingles.[68] Nakapagbenta ang Take Me Home ng 540,000 kopya sa unang linggo nito sa Estados Unidos, nag-umpisa ring numero uno sa Billboard 200, at nanguna sa mga listahan sa mahigit tatlumpu’t apat na iba pang mga bansa.[69][70] Dagdag nito, ang Up All Night at Take Me Home ay pangatlo at pang-apat sa mga pinakamabentang album ng taong 2012 sa buong mundo, na nakapagbenta ng 4.5 milyon at 4.4 na milyong yunit, ayon sa pagkakasunud-sunod.[71]
Inawit ng One Direction ang Little Things sa 2012 Royal Variety Performance sa harap ni Reyna Elizabeth II ng UK at bumandera sa isang napakyaw (sold-out) na palabas sa Plasang Hardin ng Madison (Madison Square Garden) ng Lungsod ng New York noong ikatlo ng Disyembre 2012.[72][73]
Noong Pebrero 2013, inilabas ng One Direction ang sariling bersiyon nito ng One Way or Another at Teenage Kicks, ang One Way or Another (Teenage Kicks), bilang single ng 2013 Comic Relief, isang institusyon sa kawanggawa.[74] Bilang bahagi ng kanilang pakikipagtulungan sa kawanggawang ito sa UK, naglakbay ang One Direction patungong Ghana upang maging mga boluntaryo sa isang ospital ng mga bata, bumisita sa isang paaralan at magbigay ng mga donasyon.
Dagdag dito, isiniwalat ng Official Charts Company na nakapagbenta ang One Direction ng 2,425,000 rekord sa UK noong Pebrero 2013.[75] Lumarga ang One Direction sa kanilang ikalawang ronda ng konsiyerto noong Pebrero 2013, ang Take Me Home Tour.[76] Binubuo ang nasabing konsiyerto ng higit sa 100 mga palabas sa Europa, Hilagang Amerika, at Australasya. Umabot ng 300,000 ang benta ng mga tiket sa loob lamang ng isang araw ng paglalabas nito sa UK at Irlanda, kung saan kasama ang anim na araw na napakyaw na palabas sa The O2 Arena sa London.[77] Sa bentahan sa Australya at New Zealand, nagkahalaga ang mga tiket ng US$15.7 milyon, na kung saan nabenta ang lahat ng 190,000 tiket para sa gaganaping 18 palabas.[78] Nakatanggap ang paglalakbay ng mga papuri mula sa mga kritiko, na pinuri ang husay ng banda sa pag-awit nang live at sa kanilang mga kakayahan sa pagtatanghal, at naging isang malaking tagumpay sa komersiyo, na nakapagbenta ng 1,635,000 mga tiket mula sa 134 nitong palabas.[79]
Ang One Direction: This Is Us, isang biopic na pelikulang 3D tungkol sa banda, ay idinirehe ni Morgan Spurlock, at ipinrodyus nina Spurlock, Ben Winston, Adam Milano, at Simon Cowell, at inilabas ng TriStar Pictures noong 30 Agosto 2013.[80] Ang pelikula’y nakatakda ring maging lunsaran ng awiting Best Song Ever na inilabas noong 22 Hulyo 2013 at itinakdang magsilbi bilang pangunahing single ng paratíng na ikatlong studio album ng grupo.[81] Naging isang malaking tagumpay ang nasabing pelikula, na nanguna sa mga takilya ng Estados Unidos at Inglatera, at kumita ng mahigit $60 milyon sa buong mundo.[82] Kasalukyang hawak nito ang ikaapat na puwesto sa mga pelikula-konsiyertong may pinakamalaking kinita sa buong mundo.[83]
Noong 16 Mayo 2013, inanunsiyo ng banda ang kanilang unang lakbay-estadyo (stadium tour), ang Where We Are Tour, na nagsimula noong Abril 2014. Pinlano nilang magbigay ng £200,000 ng benta ng tiket bilang donasyon sa kawanggawang Stand Up to Cancer.[84]
Inanunsiyo naman noong 22 Mayo 2013 na muling maglalabas ng panibagong aklat ang banda, na pinamagatang One Direction: Where We Are (Our Band, Our Story) at ilalathalang muli ng HarperCollins; ito ay opisyal na inilabas sa publiko noong 27 Agosto 2013.[85]
Noong 23 Nobyembre 2013 at bilang pagtataguyod sa Midnight Memories, nakiisa ang banda sa "Araw ng 1D" (1D Day),[86][87] isang araw na handog para sa mga tagahanga ng One Direction. Binuo ang araw ng isang makasaysayang 7.5 oras na pakikipagtalamitam sa pamamagitan ng livestream sa YouTube na nagtampok sa mga pagtatanghal ng banda nang live, mga sikat na panauhin kasama sina Simon Cowell, Cindy Crawford, Piers Morgan, Jerry Springer at marami pang iba. Natatangi ang kaganapan hindi lang dahil sa mahabang oras na itinakbo nito kundi dahil din sa ngayon pa lang nagamit ang midya sosyal (social media) kung saan ang mga tagahangang nagawang makisali sa palabas ay direktang nakaugnayan ang banda sa pamamagitan ng Google+ Hangout.
Inilabas sa buong mundo ang Midnight Memories noong 25 Nobyembre 2013.[88] Inilarawan ng banda ang album bilang edgier at nagtataglay ng tonong slightly rockier kaysa sa mga nagdaang album nila.[89][90][91] Ibinunyag din ng grupo na ang awiting may pamagat na Story of My Life ang magiging ikalawang single ng album, at itinaguyod nila ito sa pamamagitan ng paglalabas sa Twitter ng kani-kanilang larawan noong sila ay bata pa. Matapos nito'y inilabas ang pabalat ng single sa opisyal na akawnt ng One Direction.[92][93] Noong 11 Oktubre 2013, inilabas ng One Direction ang opisyal na pabalat ng album maging ang talaan ng mga pamagat ng awitin nito, at kanila itong ibinunyag isa-isa sa pamamagitan ng kanilang mga twit gamit ang hashtag na #MidnightMemoriesTrackQuiz.[94][95] Kinumpirma ring magtatanghal ang banda sa edisyong UK at US ng The X Factor upang itaguyod ang kanilang parating na album.[96]
Pumasok ang album bilang numero uno sa UK at sa Estados Unidos, na naggawad sa kanila bilang unang grupong nakapasok bilang numero uno sa Billboard 200 sa unang tatlong album nito, at ikalawa namang nakaabot sa itaas pagkatapos ng The Monkees noong 1967.[97]
Noong Disyembre 2013, muling nakabura ng panibagong rekord ng benta sa UK ang One Direction sa inilabas na DVD at Blu-Ray ng 3-D na pelikula-konsiyerto nilang "This is Us." Batay sa ulat, halos 270,000 kopya ng pelikula ang nabenta sa UK sa loob lamang ng tatlong araw na labas nito, at tumalo sa rekord na dating inilagay ng This is It ni Michael Jackson noong 2010 ng 10,000 kopya.[98] Pinangalanan ang grupo bilang Nangungunang Mang-Aawit sa Buong Mundo ng 2013 ng IFPI dahil sa lakas ng mga digital downloads, mga pisikal na album, on-demand streams at mga bidyo-awit.[99]
Noong 27 Abril 2014, nakumpirmang ginagawa na ng One Direction ang kanilang ikaapat na studio album.[100] Nabalitang nakipagtrabaho ang Good Charlotte kina Payne at Tomlinson sa pagsusulat ng mga kanta.[101] Inangkin ni Payne na ang album ay magiging "edgier" at karamihan sa mga kanta'y isinulat ng grupo.[102] Noong 21 Hulyo, inanunsiyo ng One Direction ang parating nitong pelikula-konsiyertong pinamagatang Where We Are, na nagdodokumentaryo sa konsiyertong ginanap sa Estadyo ng San Siro noong kanilang Where We Are Tour.[103] Noong 24 Hulyo, isang aklat ng talambuhay na isinulat nila mismo, ang Who We Are ay inanunsiyong ilalabas sa 25 Setyembre.[104]
Noong 8 Setyembre, inanunsiyo ng One Direction na ang kanilang ikaapat na studio album ay pinamagatang Four, na nakatakdang ilabas sa 17 Nobyembre.[105] Bilang bahagi ng kanilang anunsiyo, isa sa kanilang mga awitin mula sa nasabing album, ang Fireproof, ay inilabas upang libreng madiskarga (download) sa loob ng 24 oras mula sa kanilang opisyal na sityo.[105] Noong 14 Setyembre naman, inanunsiyo nilang ang unang opisyal na isahang awit ng album na "Steal My Girl" ay ilalabas sa 29 Setyembre.[106] Ang bidyo-awit ay inilabas noong 24 Oktubre. Noong 28 Oktubre, naiulat na isa pang bidyo-awit ng One Direction ang isinasagawa, na nagpapahiwatig na isang panibagong isahang awit ang ilalabas.[107][108] Kinalauna'y nakumpirmang ang ikalawang isahang awit ng album ay ang Night Changes.[109] Inilabas ang nasabing awit noong 14 Nobyembre, tatlong araw bago ang paglabas ng album. Inilabas ang album noong 17 Nobyembre, at nangunang muli sa Billboard200 at Talaan ng Album sa UK.[110][111]
Noong 22 Nobyembre, naibalitang ang kanilang tagapamahala sa paglalakbay (tour manager) na si Paul Higgins, na kasama na ng grupo mula nang ito'y mabuo, ay umalis na at iniwan ang banda.[112] Sa isang artikulo ng E! News na ipinaskil noong 04 Disyembre, itinalá ang tambalang Styles at Tomlinson bilang ikatlong pinakatampok na paksa tungkol sa shipping o inaakalang pag-uugnay sa kanila ng mga tagahanga sa mga nagsasagawa ng reblogging sa Tumblr, katuwang ang tambalang Styles at Horan sa ikasiyam na puwesto, at Payne at Malik naman sa ikalabing-lima.[113] Kinumpirma ng banda sa Parangal ng Musika ng BBC (BBC Music Awards) na kasunod ng tagumpay ng Four, umaasa silang magpatuloy patungo sa "ibang lugar" ang kanilang musika sa ikalima nilang album.[114]
Noong 25 Marso 2015, nagpalabas ng opisyal na pahayag ang One Direction na nagsabing lumisan na si Malik mula sa banda.[115][116] Nagpapatuloy ang apat na natitirang kasapi bilang bahagi ng banda.[117][118] Ginawa ng grupo ang kanilang unang opisyal na paglabas sa publiko bilang apat na miyembrong banda sa programang The Late Late Show with James Corden noong 14 Mayo, kung saan sinabi nilang sa simula'y nagalit sila kay Malik, at kinumpirma nilang magpapatuloy sila bilang grupo nang walang ikalimang kasapi.[119]
Noong 31 Hulyo 2015, inilabas ng grupo ang Drag Me Down nang walang kahit anong patalastas o anunsiyo. Ito ang unang isahang awit mula sa kanilang ikalimang album na Made in the A.M., at kanilang unang materyal na inilabas matapos ang paglisan ni Malik.[120] Matapos nito'y ibinunyag na pansamantalang magpapahinga ang grupo sa 2016.[121] Noong 22 Setyembre, ang pangalan ng kanilang ikalimang album na Made in the A.M. ay opisyal na ipinahayag kasabay ng pagtataguyod ng kanilang isahang awit na Infinity. Sinimulan ng grupo na ibunyag ang nilalaman ng album at tuluyang nakumpirma sa iTunes.[122] Inilabas ang album noong 13 Nobyembre 2015.[123] Sa ginanap na 2015 American Music Awards noong 22 Nobyembre, muling nagwagi ang One Direction bilang Mang-aawit ng Taon, ang ikalawang magkasunod na taon ng kanilang pagwawagi sa parangal.[124] Kinumpirma kinalaunan ni Louis Tomlinson na ang kanilang pamamahinga ay magtatagal ng 18 buwan. Noong 13 Disyembre nagtanghal ang One Direction sa huling palabas ng The X Factor. Ang kanilang huling pagtatanghal bilang grupo bago ang kanilang pamamahinga na ipinalabas sa telebisyon ay sa New Year's Rocking Eve noong 31 Disyembre 2015.[125]
Musikang pop ang dominanteng rekord ng paunang studio album ng One Direction, ang Up All Night (2011), na naglalaman ng mga elemento ng teen pop, dance-pop, pop-rock, at power pop, na may mga impluwensiya ng electropop at rock.[126][127][128][129] Inilarawan ni Robert Copsey ng Digital Spy ang album bilang “koleksiyon ng pop rock na may pamatay na mga koro,”[130] habang itinuring ito ng The New York Times na “punó ng pop na may datíng ng rock, masaya, at minsa’y magaling.”[131] Kinilala ni Jason Lipshutz ng Billboard ang album na nagpapakita ng pagka-orihinal nito sa tunog na “kailangan para sa pagpapasiglang muli ng kilusang boyband.”[129] Partikular na tinukoy ang mga awiting “One Thing” at “What Makes You Beautiful” para sa mga uri ng power pop at pop rock, para sa kanilang powerhouse guitar riff at mga korong “mapuwersa” (forceful).[126][132][133][134]
Ang kanilang ikalawang studio album, ang Take Me Home (2012), ay nagtataglay naman ng rock-inherited pop, prominenteng electric guitar riff, maliwanag na synthesizer, dobleng-kahulugan para sa pakikipagtalik, isang magkakabagay (homogeneous) na tunog at mensahe, at ng software upang itama ang tinis ng boses, ang AutoTune.[57][63][64][65][135] Ipinaliwanag ni Alexis Petridis ng The Guardian ang lagdang-tunog (signature sound) nito bilang “peppy, synth-bolstered na atake sa new-wave pop ng unang parte ng dekada 80, mabigat sa clipped rhythms at chugging guitars,” kung saan, aniya, kahit papaano’y isang pag-unlad sa substitute R&B “na minsa’y naging kailangan ng mga boyband kahit ‘di maganda.”[64] Inakala naman ni Jon Caramanica, nagsusulat sa The New York Times, na ang album ay “higit na mekanikal ang datíng” kaysa sa paunang album nito, bagaman at mapapansing magkakahawig ito sa tunog at sa letra.[63] Nagpapahayag ang mga linya ng awitin sa album hinggil sa pagkahulog sa pag-ibig, di-nasusukliang pag-ibig, ang pagpipilit na ang mga kakulangan ng tao’y dahilan upang ito’y maging natatangi, mga pangako sa isa’t isa, pagseselos, at pangungulila sa mga mahalagang tao ng nakaraan.[63][64][65][136]
Pinaboran naman ni Erica Futterman para sa Rolling Stone ang live na akustikong mga pagtatanghal ng banda na parehong nagpapakita ng “kakayahan ni Horan na maggitara, maging ang kabigha-bighaning live na tinig ng One Direction. Walang dapat ipag-alala tungkol sa mga pantulong na tugtog (backing track) o kaya mga notang paulit-ulit (bum note), isang magandang bagay para sa isang palabas na pop.”[137] Opinyon naman ni Cameron Adams ng Herald Sun na ang One Direction ay may "matitibay na boses-pop."[138] Isinulat naman ni Melody Lau ng National Post na “Madaling magpatianod sa karisma ng kanilang mga konyong estilo at gawain subalit sa gitna ng mga tili ng mga tinamaan sa pag-ibig na mga kabataang babae ay yaong mga lalaking marunong talagang kumanta, at kahit papaano’y magpasaya.”[139] Sinang-ayunan naman ni Jane Stevenson ng sityo portal (portal site) na Canoe na: “Ang hindi ko talaga napaghandaan ay kaya nilang lahat kumanta sa konsiyerto.”[140] Si Chris Richards, na nagsusulat sa The Washington Post, ay kumontra sa normal na paniniwala: “Bilang limang mang-aawit, mahirap alamin ang susunod na magiging Justin Timberlake, Ricky Martin, o Bobby Brown mula sa pangkat. Walang boses ang nakahihigit kaninuman sa kanila.”[141] Naramdaman ni Mike Wass ng Idolator na ang “nakasosorpresang pagsisikap” ng grupo na maawit ang Use Somebody ng Kings of Leon ay patunay na ang One Direction ay may “higit pang kakayahan” na paunlarin ang kanilang tunog.[142]
Ang kanilang ikatlong album na Midnight Memories (2013) ay isang pop-rock na rekord, isang bahagyang paglisan mula sa orihinal na tunog teen pop ng banda. Tinawag ni Liam Payne ang Midnight Memories na "slightly rockier and edgier" na album kaysa sa kanilang dating materyal. Ang album ay may malaking impluwensiya ng 80s rock[143] at musikang folk at maikling sinamahan ng mga elemento ng dubstep, na mapupuna sa "Little White Lies". Ang lirikal na tema ng album ay pangunahing umiikot sa pag-ibig, pagkabigo at pakikipagtalik. Maraming kritiko ang pumuri sa lirikal na lalim at komposisyong pangmusika ng nasabing album.[144]
Ang kanilang ikaapat na album na Four (2014) ay inilabas noong 17 Nobyembre 2014. Muling inangkin ni Payne na ang album ay magiging "edgier" at karamihan sa mga awitin ay isinulat mismo ng grupo; si Horan ang umisip ng pamagat ng album, upang alalahaning ito na ang kanilang ikaapat na rekord noong ginawa nila ito, at apat na taon na rin ang nakalipas mula noong mabuo ang banda.[145] Taglay ang katangian ng pagkahinog (maturity) ng kanilang tunog-pop, ang unang isahang awit ng album, ang Steal My Girl, ay tinawag ng Billboard na "walang bahid-What Makes You Beautiful, pero ang kahawig na piyanong pop nito sa Coldplay ay maaaring isang magandang direksiyon,"[146] at ang banda'y "hindi pa ganap na handa para iwan ang masiglahing tunog (bubble-gum sound)."[146] Inilarawan ng Rolling Stone ang kanilang rekord bilang "puspos ng datíng ng retro;" ang mga awitin nito "ang nagpakita ng kaibhan sa pagitan ng mabibigat na tunog pop rock ng dekada 80 at ng mas eleganteng panlasa ng dekada 70 - isang makabagong hakbang na hindi nalalayo sa ginawa sa Days Are Gone ng Haim noong isang taon."[147]
Noong 2011, nagtanghal ang banda sa palabas na Children in Need 2011, kung saan nakatulong itong makalikom ng higit sa 26 na milyong libra.[148]
Noong 2012 naman, muli silang nagtanghal sa Children in Need at binuksan nila ang programa sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kanilang isahang awit na Live While We’re Young. Sinabi ng grupo na "hindi kapani-paniwala" na magiging bahagi sila ng isang kaganapan para sa kawanggawa, dahil isang bagay ito na kanilang pinanonood lang lagi noong sila'y bata pa.[149]
Noong Pebrero 2013, inilabas ng One Direction ang isang medley o pinagsamang awit ng "One Way or Another" at "Teenage Kicks", ang "One Way or Another (Teenage Kicks)", bilang kanilang isahang awit para sa 2013 Comic Relief.[74]
Para sa kampanyang pamasko ng ITV, nagrekord sila ng paghingi ng tulong sa kanilang mga tagahanga at sa pangkalahatang publiko upang magbigay ng £2 donasyon.[150]
Noong Setyembre 2012, bumuo ng isang kaganapan si Niall Horan upang makalikom ng salapi para sa Aksiyong Awtismong Irlandes (Irish Autism Action) at isa pang kawanggawa, na tinawag na Pansamantalang Kaluwagan sa Kagipitan sa Mullingar (Temporary Emergency Accommodation Mullingar), na nakahimpil sa kanyang pinagmulang bayan. Dahil sa napakalaking pangangailangan upang makasali sa paglikom ng salapi, bumagsak maging ang websayt ng tiket para sa kaganapan. Nagbigay-komento ang kapatid ni Horan na si Greg, na nagsabing "may 500 tiket at naubos lahat agad-agad."[151] Tumugon din si Horan sa kaganapan at nagsabing isang karangalan para sa kanya ang magbalik ng tulong sa kanyang pamayanan.
Taong 2013 naman nang ang mga kasaping sina Liam Payne at Harry Styles ay nakipagkaisa sa Trekstock, isang nangungunang kawanggawa para sa kanser, upang tumulong na makalikom ng salapi para sa pananaliksik hinggil sa kanser.[152] Bilang mga kinatawan ng kawanggawa, nagtulungan ang dalawa upang mag-alok ng pagkakataon para sa isang tagahanga at kaibigan nitong manalo ng isang gabing kasama sila, kapalit ang donasyon para sa kawanggawa bilang bahagi ng eksklusibong pandaigdigang kampanyang tinawag na "#HangwithLiam&Harry". Nilayon nilang makalikom ng $500,000, at nagtapos silang nakalikom ng $784,984. Kinalauna'y idinagdag ng Trekstok na ang halagang ito'y magpapahintulot sa kanilang "makumpleto ang pagpopondo sa kanilang pagsusuri sa Hodgkin's lymphoma, sa pag-asang makapaghandog ng higit na maliwanag na kinabukasan sa libu-libong mga bata at kabataang apektado ng ganitong uri ng sakit. Pinangalanan ang One Direction bilang mga pinakamapagkawanggawa noong 2013, kasunod lamang ni Taylor Swift, ng organisasyon para sa pagbabagong panlipunan na DoSomething.org.[153]
Noong 2014, nagbigay ng donasyong umabot sa £500,000 ang One Direction para sa kampanya ng institusyong pangkawanggawa na Stand Up to Cancer sa pamamagitan ng pagbibigay ng bahagi ng kinita mula sa mga benta ng tiket ng kanilang Where We Are Tour.[154] Bago nagtapos ang taon, naging bahagi ang One Direction kasama ng ibang mga mang-aawit gaya nina Ed Sheeran, Chris Martin ng Coldplay, Rita Ora at Sam Smith para sa isang isahang awit pangkawanggawa (charity single) na Do They Know It’s Christmas?.[155] Ito ay bilang suporta nila sa mga bansang malubhang tinamaan ng sakit na Ebola sa Kanlurang Aprika.[155]
Si Neil McCormick ng The Daily Telegraph ay naglathala ng isang artikulo hinggil sa katangian ng tagumpay na nakamit ng One Direction sa Hilagang Amerika, na napansing nag-iwan ng puwang ang mga Amerikano sa industriya, at isinulat na ginamit nito ang kasikatan ni Justin Bieber upang ipakitang may merkado pa para sa “pop na malinis, disente, at malapit sa mga nakaririwasang magulang: mga kyut na kabataang lalaking nagtataguyod ng nagsisimulang pag-ibig (puppy love). At alin ang hihigit pa sa isang kyut, kundi lima?”[156] Inilarawan ang One Direction bilang bumuhay muli sa interes ng mga boyband, at bilang bahagi ng bagong “Pagsakop ng mga Ingles” (British Invasion) sa Estados Unidos.[157][158][159][160][161][162] Komento ni Bill Werde, isang kinatawan ng magasing Billboard, “Napakaraming posibilidad dito, maraming pag-angat, ang lebel ng talentong may ganoong taglay na hitsura, ito’y isang perpektong pagkakataon para sa isang malaking-malaking tagumpay na pangyayari.”[163]
Itinuro naman ni Sonny Takhar, ang punong ehekutibo opisyal ng Syco Records, ang pagsibol nila sa lakas ng social media. “Nararamdaman mo minsan na ang kanta ang sikat, pero hindi ganoon dito – kundi yung artista sa likod nito,” ayon sa kanya. “Totoong sandali ito. Ang social media na ang bagong radyo, at hindi pa ito nakapagpasikat mula noon ng isang artista sa buong mundo ng gaya nito.”[163] Idinagdag naman ni Will Bloomfield, ang tagapamahala ng grupo, “Nabubuhay sa online ang mga batang ito, at maging ang kanilang mga tagahanga.”[162] Kumuha ang kanilang pamunuan ng isang pangkat social media, at mismong ang mga miyembro ng grupo ang nagtutwit, “na siyang tumutulong bumuo ng ilusyong higit silang maging malapít sa mga tagahanga kaysa sa inaakala nila,” ayon kay Caspar Llewellyn, sumusulat para sa The Guardian.[163] Nagtataglay ang opisyal na Twitter akawnt ng One Direction ng 14 na milyong tagasunod noong Setyembre 2013, na kung saa’y nadaragdagan ito ng humigit-kumulang 26,000 tagasunod kada araw.[164] Inihayag ng Guinness World Records na ang opisyal na akawnt ng banda ang may "Pinakamaraming Tagasunod sa Twitter para sa Isang Grupong Pop" noong Setyembre 2013.[67] Bawat miyembro’y kilala sa kanilang mga katangian;[165] si Horan ay “ang kyut”,[165] si Malik ay “ang tahimik at misteryoso”,[165] si Payne ay “ang matino”,[165] si Styles ay “ang kaakit-akit”,[165] at si Tomlinson ay “ang makulit”.[165] Komento ni Horan tungkol sa One Direction bilang isang banda, “Inaakala ng mga tao na ang boyband ay puro hangin lang at may magkakatulad na kulay ng damit. Kami’y mga kabataan sa banda. Sinusubukan naming gumawa ng kakaiba mula sa tipikal na pagtingin ng mga tao hinggil sa boyband. Sinusubukan naming bumuo ng iba’t ibang uri ng musika at ipakita kung ano talaga kami, hindi yung pilít.”[166] Binanggit naman ni Leah Collins, nagsusulat para sa National Post, na nagtagumpay ang One Direction sa isang bandá,[166] “Sa malaking bahagi, nangangahulugan lamang na sila’y mga tipikal, makulit, at may pagkapasaway na mga kabataan – nagpapaskil ng mga nakatatawang bidyo sa YouTube, halimbawa, o nagpapakita ng kakulitan sa mga palabas-gantimpala (award shows).[166] Nagsusulat para sa The Observer, nagpahayag naman si Kitty Empire na “Tinutugon ng One Direction ang karaniwang mga kahingian ng isang boyband (hitsura, maemosyong mga letra, tonong madaling mapansin, pagnanasa sa kasikatan) ngunit ang kakulangan nila ng mga pangkaraniwang galaw o rutín (routine) ang naghihiwalay sa kanila mula sa ibang grupo.”[167]
Tumanggap ang One Direction ng dalawang Gantimpalang BRIT (BRIT Awards)—ang una nilang nakuha ay para sa What Makes You Beautiful sa kategoryang Pinakamahusay na Awiting Ingles (Best British Single) sa Gantimpalang BRIT ng 2012 (2012 BRIT Awards),[168] isang Gantimpalang NME,[169] dalawang Kids' Choice Awards,[170] at tatlong MTV Video Music Awards,[55] bukod sa iba pang mga parangal. Napanalunan ng One Direction ang lahat ng siyam na gantimpala kung saan sila nanomina sa Teen Choice Awards.[171] Nagwagi rin ang One Direction ng dalawang gantimpala sa American Music Awards para sa dalawang nominasyon sa kanila bilang Paboritong Album na Pop/Rock at Paboritong Pop/Bandang Rock/Duo/Grupo, ayon sa pagkakasunud-sunod.[172]
Sa Pilipinas naman, napagwagian din ng One Direction ang kategoryang "Paboritong Bidyo mula sa Ibang Bansa" (Favorite International Video) para sa kanilang bidyo-awit ng "One Thing" sa taunang Myx Music Awards noong Marso 2013 ng estasyong pangmusika na Myx.[173]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.