![cover image](https://wikiwandv2-19431.kxcdn.com/_next/image?url=https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/6/61/Postpartum_baby2.jpg/640px-Postpartum_baby2.jpg&w=640&q=50)
Panganganak
pagtatapos ng pagdadalangtao / From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang panganganák, kilala rin sa tawag na pagluluwál, pagsisílang, at pagle-labor (Ingles: labour), ay ang pagtatapos at kulminasyon ng pagdadalangtao ng isang ina,[7] kung saan lumalabas ang isa o higit pang sanggol mula sa sinapupunan sa pamamagitan ng pagdaan sa kanyang ari, o ng isang operasyon (sesaryan).[8][5] Tinatayang 140 milyon ang ipinapanganak taon-taon.[9] Sa Pilipinas, 1,673,923 ang nairehistrong kapanganakan noong 2019.[10] 15 milyon ang ipinapanganak nang maaga (kulang sa 37 linggo),[11] habang nasa tatlo hanggang labindalawang porsyento (42,000 hanggang 168,000) naman ang ipinanganak nang lagpas sa 42 linggo.[12] Madalas isinasagawa ang panganganak ngayon sa mga ospital, bagamat marami rin ang ipinapanganak sa bahay, kadalasan sa tulong ng isang kumadrona.[8] Kaarawan ang tawag sa araw ng kapanganakan ng isang tao.
Panganganak | |
---|---|
Ibang katawagan | Pagsisilang, pagluluwal, pagle-labor |
![]() | |
Bagong panganak na sanggol na nababalot ng vernix at yakap-yakap ang kanyang ina. | |
Espesyalidad | Obstetrisiya, pangungumadrona |
Komplikasyon | labor dystocia, pagdurugong postpartum, eclampsia, impeksiyong postpartum, birth asphyxia, neonatal hypothermia[1][2][3] |
Uri | Panganganak sa ari, sesaryan[4][5] |
Sanhi | Pagdadalangtao |
Pag-iwas | Birth control, aborsyon |
Dalas | 135 milyon (2015)[6] |
Napatay | 500,000 inang namatay kada taon[3] |
Ang pinakakaraniwang paraan ng panganganak ay sa pamamagitan ng ari.[4] May tatlo itong yugto: ang pagnipis at pagbuka ng sipit-sipitan sa unang yugto, ang pagbaba at pagsilang sa sanggol sa pangalawa, at ang paglabas ng inunan sa pangatlo.[13][14] Nagsisimula ang unang yugto sa paghilab ng tiyan at pananakit ng likod na tumatagal ng mga kalahating minuto at nagaganap kada 10 hanggang 30 minuto.[15][13] Patindi nang patindi ang sakit nito, habang padalas ito nang padalas.[14] Samantala, matatapos naman ang pangalawang yugto kung nailabas na nang buo ang sanggol. Sa pangatlong yugto, ang paglabas ng inunan, madalas rinerekomenda na wag munang paghugpungin ang talimpusod (Ingles: umbilical cord).[16] Rinerekomenda din ng mga pangunahing organisasyong pangkalusugan na pagkatapos na pagkatapos ng panganganak sa ari, o matapos na maging alerto at gising ang ina pagkatapos ng sesaryan, dapat mailagay ang sanggol sa dibdib ng kanyang ina, at iantala muna ang mga gawain nang isa o dalawang oras, o matapos matanggap ng sanggol ang kanyang unang pagdede.[17][18][19]
Madalas ipinapanganak ang mga sanggol nang una-ulo.[20] Gayunpaman, tinatayang nasa 4% naman ang ipinapanganak nang una-paa.[21][14] Tipikal na pumapasok ang ulo nang nakaharap sa isang bahagi, at saka iikot patalikod.[22] Tuwing nagle-labor, maaaring kumain at gumalaw-galaw ang inang manganganak kung gustuhin nila.[23] Makakatulong ang samu't saring mga paraan para sa mabawasan ang sakit, tulad ng mga pamamaraang pampakalma, opioid, at anistisyang panggulugod.[14] Bagamat karaniwan ang paggawa ng hiwa sa bukana ng ari (episotomiya), hindi ito kadalasang kinakailangan.[14] Tinatayang 18.5 milyon ang isinasagawang sesaryan kada taon.[24]
Kada taon, tinatayang 500,000 ang namatay na ina dahil sa mga komplikasyon na dulot ng pagdadalangtao at panganganak. Pitong milyong ina naman ang nagkaroon ng mga seryosong pangmatagalang problema, samantalang 50 milyong ina naman ang nagkaroon ng isang negatibong kinalabasan sa kanilang kalusugan pagkatapos nilang manganak.[3] Karamihan sa mga ito ay nangyayari sa mga bansang papaunlad pa lang.[3] Ilan sa mga komplikasyon sa ina ay ang labor dystocia, pagdurugong postpartum, eclampsia, at impeksyong postpartum.[3] Samantala, ang mga komplikasyong maaaring makuha ng sanggol ay ang kawalan ng oksiheno habang ipinapanganak, pisikal na trauma, kakulangan ng linggo sa sinapupunan, at impeksyon.[2][25]