From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang pagdadalangtao[1] o pagbubuntis[1] (Ingles: pregnancy; Latin: graviditas) ay ang pagdadala ng isa o higit pang mga supling, na tinatawag na fetus o embryo, sa loob ng bahay-bata[2] (utero[2]) ng isang taong babae. Sa isang pagbubuntis, maaaring magkaroon ng maramihang pagkabuntis[3] (gestation[3]), katulad sa kaso ng mga kambal o tatluhan. Ang pagdadalangtao – ang pagbubuntis ng tao – ang may pinakamaraming pag-aaral na isinagawa sa lahat ng mga pagbubuntis ng mga mamalya. Obstetriks[4] (obstetrics[4]) ang tawag sa larangan ng panggagamot na nag-aaral at nangangalaga sa mga pasyenteng buntis; at obstetrisyan[5] (obstetrician[5]) ang taguri sa mga manggagamot na dalubhasa sa pagpapaanak ng babaeng tao. Sa medisina, tinatawag na primipara ang isang babaeng nagdadalangtao sa unang pagkakataon.[6]
Nagaganap ang panganganak[7] (childbirth[7]) mga 38 linggo matapos pertilisahan[8] ng tamod ng lalaki ang itlog ng babae – isang prosesong tinatawag na pagpupunlay o pertilisisasyon[9] (mula sa Ingles na fertilization[9] at Kastilang fertilizacion[10]) - na humigit-kumulang sa 40 linggo mula sa simula ng huling sapanahon[11] (o regla[11]). Samakatuwid, tumatagal ang pagdadalangtao ng mga siyam na buwan. Tinatawag na tagumanak[12], kagampan[12], o kaanakan[12] ang huling yugto ng pagbubuntis, ang panahon bago manganak ang isang buntis na babae.
Nasa kalagitnaan ng "buwanang bisita" o siklong menstruwal ang panahon kung kailan maaaring magbuntis ang isang babaeng tao. Ito ang dalawang linggo bago maganap ang aktuwal na pagtatalik.[13]
Isa sa kadalasang unang mga tanda o mga senyal na maaaring buntis na ang isang babae ang pagkawal ng kanyang buwanang menstruwasyon. Kabilang din dito ang pagsusuka at pagkakaroon ng masamang pakiramdam sa pangangatawan, partikular na sa loob ng unang tatlong buwan ng pagdadalangtao. Nagkakaroon din ng panghihina o kawalan ng lakas. Kasama pa sa mga tanda ang pananakit ng mga suso at pagdilim ng kulay ng mga utong ng mga suso. Para sa karamihan ng mga babaeng nagdadalangtao, nakakaramdam sila ng kapunuan ng sigla sa panahon ng ika-4 hanggang sa ika-7 buwan ng pagdadalang-tao. Ito ang itinuturing na pinakamagandang panahon sa pagbubuntis ng babaeng tao.[13]
Isa sa mga paraan ng pag-alam kung buntis ang isang babaeng tao ang paggamit ng pantahanang pangsuri ng pagdadalangtao o home pregnancy test sa Ingles. Isa itong payak na pangsuri sa pagkabuntis. Maaaring mabili ito mula sa isang botika. Ang pagdadala ng halimbawa o sampol ng ihi sa duktor (upang masuri ng manggagamot ang ihi) ang isa pang paraan ng pagtiyak kung nagdadalangtao nga ang isang babae.[13]
Binibilang ang tagal o haba ng panahon ng pagdadalangtao batay sa dami ng linggo. Mula ito sa panahon ng magsimulang lumaki ang napunlaan o napertilasahang itlog sa sinapupunan ng babae magpahanggang sa oras na isilang o ipanganak ang batang sanggol. Tumatagal ang pagdadalangtao ng siyam na buwan, na katumbas ng 40 mga linggo. Binibilang din ang pagdadalangtao.[13]
Sa pagdating ng ika-7 buwan ng pagbubuntis ng babaeng tao, nagiging ganap na ang pagkabuo ng namumuong sanggol, na may timbang na nasa 1 kilogramo at may habang 35 mga sentimetro. Kapag ipapanganak ang nabubuong sanggol na ito sa panahong ito, karaniwan ang mabuhay ito sa labas ng sinapupunan, subalit napakaaga pa para ipanganak ito kaya't kailangang pangalagaan ng nagdadalangtaong babae ang sarili niya. Kabilang sa mga pag-iingat na magagawa ng babaeng buntis ang pag-iingat sa pagbubuhat o pagbibitbit ng mga mga bagay na mabibigat at pag-iwas sa labis na pagpapagod.[13]
Patuloy na lumalaki ang tiyan ng babaeng nagdadalangtao hanggang sa maabot ang pagtatapos ng pagbubuntis. Kabilang sa mapapansin sa babaeng buntis sa ganitong panahon ang patuloy na pagbigat ng kanyang timbang. Nagkakaroon din ng kakapusan sa paghinga dahil sa pagtulak ng namumuong sanggol sa dayapram ng buntis na babae.[13]
Nangyayari ang panganganak sa panahon ng 40 mga linggo matapos ang huling menstruwasyon ng babae.[13]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.