inihaw na tagiliran ng baka o tadyang ng baboy sa lutuing Koreano From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang galbi[1] (Koreano: 갈비), kalbi o galbi-gui[1] (갈비구이) ay isang uri ng gui (inihaw na pagkain) sa lutuing Koreano. "Galbi" ang salitang Koreano para sa "tadyang", at karaniwang ginagamit ang tagiliran ng baka sa ulam na ito. Kapag tadyang ng baboy o iba pang karne ang ginamit, pinangangalanan nang naaayon ang ulam. Inihahain ang galbi nang sariwa, at niluluto sa ihawan sa lamesa kadalasan ng mga kakain mismo.[2] Maaaring ibabad ang karne sa isang matamis at malinamnam na timpla na nilalaman ng toyo, bawang, at asukal. Karaniwang itinatampok ang di-timplado at timpladong galbi sa mga sampgyupan.[3] May impluwensiya ito at iba pang ulam sa samgyupan sa yakiniku na makikita sa paggamit ng galbi (kilala roon bilang karubi).
Ibang tawag | Galbi-gui |
---|---|
Uri | Gui |
Lugar | Korea |
Rehiyon o bansa | Silangang Asya |
Kaugnay na lutuin | Lutuing Koreano |
Pangunahing Sangkap | Tagiliran ng baka o tadyang ng baboy |
Mga katulad | Dak-galbi, tteok-galbi |
Karagdagan | Karaniwang itinatampok sa mga samgyupan |
|
Pangalang Koreano | |
Hangul | 갈비 |
---|---|
Binagong Romanisasyon | galbi |
McCune–Reischauer | kalbi |
IPA | [kal.bi] |
Ayon sa tradisyon, hinihiwa ang galbi upang ilantad ang isang makinis na buto sa may maikling gilid, at nakapilete nang pantay-pantay ang karne. Mayroon ding alternatibong hiwa, ang "LA galbi" na nagtatampok ng mga putol na buto na nakasilip sa may mahabang gilid. Binuo itong paraan ng paghiwa ng mga imigranteng Koreano sa Los Angeles dahil mas gusto ng mga Amerikanong magkakarne ang manipis na hiwang rib-eye.[4][5] Mula noon, ang baryasyon na iyon, na nakakasipsip ng timpla nang mas mabilis, ay nakarating na sa Timog Korea. Tinatawag na saeng-galbi (생갈비; "sariwang tadyang") ang di-timpladong galbi; habang tinutukoy ang timpladong galbi bilang yangnyeom-galbi (양념갈비; "timpladong tadyang"). Karaniwang timplado ang galbing baboy, ngunit sikat sa Jeju ang di-timpladong dwaeji-saeng-galbi (돼지생갈비; "sariwang tadyang ng baboy"), na gawa sa itim na baboy ng Pulo ng Jeju.[6] Dahil mas maliit ang mga tadyang ng baboy, karaniwang binubuo ang timpladong dwaeji-galbi ng tadyang ng baboy na hinalo sa mga balikating karne.[7]
Mas kanais-nais ang mga malalambot na hiwa ng baka, gaya ng karne mula sa dalagang baka, sa pag-iihaw ng galbi.[8][9] Kapag inihaw nang mabuti, ang ulam ay makintab, matingkad-pulang kayumanggi na may mausok at matamis na lasa.[8] Dapat madaling tanggalian ang karne mula sa mga buto.[8]
Karaniwang nilalaman ang timpla para sa so-galbi-gui (소갈비구이; "inihaw na tagiliran ng baka") ng toyo, asukal, tinadtad na bawang at tanduyong, katas ng luya, paminta, tinosta at giniling na linga, at langis ng linga. Karaniwang iskinoskor ang baka sa rabaw bago ibabad sa timpla, at pinapahiran ang katas mula sa Koreanong peras bago iniihaw.[9]
Para sa dwaeji-galbi-gui (돼지갈비구이; "inihaw na tadyang ng baka"), maaaring de-ganjang (toyo) o de-gochujang (masang sili) ang timpla: kahawig ng timpla ng bakang galbi ang de-ganjang habang maanghang naman ang de-gochujang.[10][11] Karaniwang ginagamit ang cheongju sa dalawang uri ng timpla para matanggal ang anumang di-kanais-kanis na amoy ng baboy.
Kapag ginamit, mas mahaba ang mga hiwa sa balikating karne ng baboy, mga 2.5 centimetro (1 pulgada) sa lapad.[7] Mas malalim ang pag-iiskor sa rabaw para mas masipsip ng karne ang timpla.[7]
Tipikal na iniihaw ang galbi ng mga kumakain mismo, sa ihawan sa kani-kanilang lamesa. Mabilis ang pagluto ng karne sa katamtamang mataas na init sa parilyang minantika nang banayad sa ibabaw ng namumulang uling. Pinapahiran ang natitirang timpla sa karne habang iniihaw para kumintab ang itsura.[8]
Kapag naluto na, ginugupit ang karne sa mga pira-piraso sa ibabaw ng ihawan gamit ang gunting,[12] at binabalot sa loob ng dahon ng letsugas, kkaennip (dahon ng perilya), o iba pang gulay na dahon. Itong mga dahong binabalot doon mismo, na tinatawag na ssam, ay karaniwang pinapalamanan ng inihaw na karne, ssamjang, hilaw o inihaw na bawang, at isang sarsa na gawa sa doenjang at gochujang.[12] Tulad ng mga iba pang ulam sa lutuing Koreano, kadalasan ipinapares ang galbi sa bap (kanin) at mga pamutat na kilala bilang banchan.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.