From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Tabriz (Persa: تبریز [tæbˈɾiːz] ( pakinggan); Aseri: تبریز) ay ang pinakamataong lungsod sa hilagang-kanlurang Iran, isa sa mga makasaysayang kabisera ng Iran at ang kasalukuyang kabisera ng Silangang Lalawigan ng Azerbaijan. Ito ang ikalimang pinakamataong lungsod sa buong Iran. Sa lambak ng Ilog Quri sa makasaysayang rehiyon ng Azerbaijan[1] sa pagitan ng mahabang tagaytay ng mala-bulkan na apa sa mga bulubunduking Sahand at Eynali, pumapatak ang elebasyon ng Tabriz sa pagitan ng 1,350 at 1,600 metro (4,430 at 5,250 talampakan) sa taas ng dagat. Nagbubukas ang lambak sa isang kapatagan na dahan-dahang dumadalisdis pababa sa silangang baybayin ng Lawa ng Urmia, 60 km (37 mi) sa kanluran. Sa mga malamig na taglamig at katamtamang tag-init, tinuturing ang Tabriz bilang isang bakasyunan sa tag-init. Ipinangalan ito bilang Pandaigdigang Lungsod na Humahabi ng Alpombra ng Pandaigdigang Konseho ng Kasanayan (World Crafts Council) noong Oktubre 2015[2] at Huwarang Lungsod Panturista noong 2018 ng Organisasyon ng Islamikong Kooperasyon.[3][4]
May populasyon na higit sa 1.7 milyon (2016),[5] ang Tabriz ay ang pinakamalaking ekonomikong sentro at kalakhang lugar sa Hilagang-kanlurang Iran. Labis na Aserberyano ang populasyon, bagaman, Persyano ang sinasalita ng mga residente bilang ikalawang wika.[6] Isang pangunahing sentro ng industriyang mabigat ang Tabriz para sa mga awtomobil, kagamitang makina, pagdalisayan ng petrolyo, petrokimiko, tela at produksyon ng sementong mga industriya.[7] Sikat ang lungsod sa mga gawaing-kamay nito, kabilang ang mga alpombra at alahas na hinabi ng kamay. Kinikilala ang mga lokal na kompiteriya, tsokolate, pinatuyong mani at tradisyonal na pagkain ng Tabriz sa buong Iran bilang ilan sa mga pinakamahusay. Isa ring akademikong sentro ang Tabriz at isang lugar para sa ilan sa mga pinaka-prestihiyosong institusyon ng kultura sa Hilagang-kanlurang Iran.
Naglalaman ang Tabriz ng maraming mga bantayog na pangkasaysayan, na kumakatawan sa paglipat ng arkitektura ng Iran sa buong malalim na kasaysayan nito. Nabibilang sa karamihan ng mga nakapreserbang makasaysayang lugar sa Tabriz ang Ilkanato, Safabida at Kayar.[8][9] Kabilang sa mga lugar na iyon ang Gran Bazar ng Tabriz, na itinalaga bilang Pandaigdigang Pamanang Pook.[10][11] Mula sa maagang makabagong panahon, naging mahalaga ang Tabriz sa pag-unlad, pag-kilos at ekonomiya ng tatlo nitong kapitbahay na mga rehiyon; ang Kaukasya, Silangang Anatolia at Gitnang Iran.[12] Sa makabagong panahon na lungsod, gumanap ito ng isang mahalagang pagganap sa kasaysayan ng Iran. Bilang isang pinakamalapit na sentro ng bansa sa Europa, nagsimula ang marami sa aspeto ng maagang modernisasyon sa Iran sa Tabriz.[12] Bago ang puwersahang pagsuko ng mga teritoryong Kaukasya ng dinastiyang Kayar sa Imperyong Ruso, pagkatapos ng dalawang Digmaang Ruso-Persyano noong unang kalahati ng ika-19 na dantaon, nanguna ang Tabriz sa pamamahala ng Iran sa mga teritoryong Kaukasya. Hanggang 1925, tradisyunal na tahanan ang lungsod ng Kayar na mga prinsipeng tagapagmana.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.