espesye ng sampaga From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang sampaguita (jasminum sambac) o kampupot ay isang uri ng sampaga na katutubo sa Asya tropikal, mula subkontinenteng Indiyo hanggang sa Timog-silangang Asya.[1][2] Itinatanim ito sa maraming lugar, lalo na sa Kanlurang Asya, Timog Asya at Timog-silangang Asya. Naturalisado ito sa maraming nakakalat na lokalidad: Mawrisyo, Madagaskar, Maldibes, Pulo ng Christmas Chiapas, Gitnang Amerika, timog Florida, Bahamas, Kuba, Hispaniola, Hamayka, Porto Riko, at Antilyas Menores.[3][4][5]
Sampaguita | |
---|---|
Isang sampaguita mula sa La Paz, Tarlac | |
Mga kuwintas na yari sa sampaguita | |
Klasipikasyong pang-agham | |
Kaharian: | Plantae |
Klado: | Tracheophytes |
Klado: | Angiosperms |
Klado: | Eudicots |
Klado: | Asterids |
Orden: | Lamiales |
Pamilya: | Oleaceae |
Sari: | Jasminum |
Espesye: | J. sambac |
Pangalang binomial | |
Jasminum sambac (L.) Aiton | |
Isang maliit na palumpong o baging ang sampaguita na umaabot sa taas mula 0.5 hanggang 3 m (1.6 hanggang 9.8 tal). Malawakang itinatanim ito dahil sa kaakit-akit at mababango na bulaklak nito. Maaaring ipampabango ang mga bulaklak sa mga pabango at tsaang hasmin. Ito ang pambansang bulaklak ng Pilipinas.[6][7] pati na rin isa sa tatlong pambansang bulaklak ng Indonesya, kung saan tinatawag itong melati putih.
Ang bango't halimuyak ng sampaguita ay ang natatanging katangian nito. Itinatanim ito nang malawakan sa tropiko mula tangway ng Arabya hanggang Timog-silangang Asya at Kapuluang Pasipiko bilang halamang palamuti at para sa masasamyong bulaklak nito.[8] Mayroon itong iilang kultibar.[9]
Ginawang pambansang bulaklak ng Pilipinas ang sampaguita noong ika-1 ng Pebrero 1934 sa Proklamasyon Blg. 652 na inisyu ng Amerikanong Gobernador-Heneral na si Frank Murphy.[10][11][12]
Hango ang pinakakilalang pangalan nito, "sampaguita", mula sa Pilipinong Kastilang sampaguita; mula sa Tagalog na sampaga ("hasmin", isang salita na direktang hiniram mula sa Indiyanong Sanskritong salita na campaka ), at ang hulaping diminutibo sa Kastila na -ita.[13][14] May mga katutubong katawagan din ito, kabilang dito ang kampupot sa Tagalog; kulatai, pongso, or kampupot sa Kapampangan; manul sa mga wikang Bisaya; lumabi o malul sa Maguindanao; at hubar o malur sa Tausug.[15]
Tinatalian ng mga Pilipino ang mga bulaklak para makabuo ng mga kuwintas, kurpinyo, at kahit korona.[16][17] Binubuo ang mga kuwintas ng bulaklak na magkakalayo-layo sa isa't isa o ng mga dikit-dikit na usbong. Karaniwan itong ibinebenta ng mga mananampaguita sa labas ng mga simbahan at malapit sa mga interseksyon ng kalye.[18]
Ginagamit ang mga sampaguitang kuwintas sa pagbibigay-galang, pitagan, o parangal.[19] Pangunahing ginagamit ang mga ito sa pag-aadorno ng mga relihiyosong imahen, mga relihiyosong prusisyon at mga larawan ng mga patay sa mga altar. Isinasabit ito sa leeg ng mga buhay na tao katulad ng mga dignitaryo, bisita, at minsan, mga magtatapos na mag-aaral. Kadalasang ginagamit ang mga putot na nakasabit sa mga lubid na ilang metro ang haba upang palamutihan ang mga pormal na kaganapan tulad ng mga okasyon ng estado sa Palasyo ng Malakanyang, mga kasalan, at kung minsan ay ginagawang laso sa mga seremonya ng pagputol ng laso. Bagama't nakakain, bihirang isangkap ang bulaklak sa lutuin. Isang di-pangkaraniwang halimbawa ang pampalasa sa sorbetes.
Sampaguita ang paksa ng kantang danza, La Flor de Manila, kinatha ni Dolores Paterno noong 1879. Sumikat ang kanta noong Komonwelt at itinuturing ngayon na isang klasiko sa romansa.[20] Kapangalan din ng bulaklak ang kantang El Collar de Sampaguita. Hango sa sampaguita ang disenyo ng sulong seremonyal para sa Palaro ng Timog Silangang Asya 2019, na idinisenyo ng Pilipinong iskultor na si Daniel Dela Cruz.[21][22]
Isa ang sampaguita (Indones: melati putih) sa mga tatlong pambansang bulaklak ng Indonesia, ang dalawa pa ay phalaenopsis amabilis at rafflesia arnoldii.[11] Bagama't noong 1990 lang ito inanunsyo nang opisyal noong Pandaigdigang Araw ng Kalikasan at ipinatupad ng batas sa Kautusan ng Pangulo Blg. 4 noong 1993,[23] matagal nang mahalaga ang sampaguita sa kulturang Indones. Mula nang mabuo ang republika ng Indonesia sa panahon ng paghahari ni Sukarno, di-opisyal na nakilala ang melati putih bilang ang pambansang bulaklak ng Indonesya. May kaugnayan ang pagpipitagan at ang mataas na katayuan nito sa kahalagahan nitong bulaklak sa tradisyong Indones mula noong sinaunang panahon.
Matagal na itong itinuturing na sagradong bulaklak sa tradisyong Indones, dahil sumisimbolo ito ng kadalisayan, kabanalan, at katapatan. Kumakatawan din ito sa kagandahan ng kayumian; isang maliit at payak na puting bulaklak na may napakabangong amoy. Ito rin ang pinakalaganap na bulaklak sa mga kasalan ng mga etnikong Indones, lalo na sa pulo ng Java.[24]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.