Italyanong pagkain na may patag na masa at mga sahog sa ibabaw nito From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang pizza (Ingles /ˈpiːtsə/ PEET-sə, Italyano: [ˈpittsa], Napolitano: [ˈpittsə]) ay isang pagkaing nagmula sa Italya na karaniwang binubuo ng bilog, patag, at nakaalsang masa na pinapatungan ng kamatis, keso at iba pang mga sahog (samu't saring uri ng tsoriso, dilis, kabute, sibuyas, olibo, gulay, karne, hamon, atbp.), na niluluto sa mataas na temperatura, kinaugaliang nasa pugon na ginagatungan ng kahoy.[1][2] Kung minsan, tinatawag na pizzetta ang maliit na pizza. Pizzaiolo ang tawag sa taong gumagawa ng pizza.
Uri | Flatbread |
---|---|
Kurso | Tanghalian o hapunan |
Lugar | Italya |
Rehiyon o bansa | Campania (Napoles) |
Ihain nang | Mainit o mainit-init |
Pangunahing Sangkap | Masa, sarsa (kadalasang sarsang kamatis), keso (dairy o begano) |
Baryasyon | Calzone, panzerotti, stromboli |
|
Sa Italya, hindi nakahiwa ang pizza na inihahain sa restawran, at kinakain gamit ang kutsilyo at tinidor.[3][4] Subalit sa mga kaswal na setting, hinihiwa ito para makain habang nakahawak sa kamay.
Unang naitala ang salitang pizza noong ika-10 siglo sa isang manuskritong Latin mula sa Timog Italyang bayan ng Gaeta sa Lazio, sa may hangganan ng Campania.[5] Naimbento naman ang modernong pizza sa Napoles, at mula noon sumikat ito at ang mga baryante nito sa maraming bansa.[6] Ito ay naging isa sa mga pinakasikat na pagkain sa mundo at karaniwang fast food sa Europa, Kaamerikahan at Australasya. Makikita ito sa mga pizzeria (mga "pizzahan"), mga restawran na nag-aalok ng lutuing Mediteraneo, sa pag-takeout, at bilang pagkaing kalye.[6] Ibinebenta ng mga iba't ibang kompanya ang pizza nang nakahanda na, na maaaring ipalamig, sa mga pamilihan, na ipapainit muli sa oben sa bahay.
Ang Associazione Verace Pizza Napoletana (lit. Asosasyon ng Tunay na Napolitanong Pizza) ay isang samahang di-pangkalakalan na itinatag noong 1984 na may punong-tanggapan sa Napoles na naglalayong magtaguyod ng tradisyonal na Napolitanong pizza.[7] Noong 2009, sa kahilingan ng Italya, inirehistro ang Napolitanong pizza sa Unyong Europeo bilang pagkain na Traditional Speciality Guaranteed (lit. Garantisadong Tradisyonal na Espesyalidad),[8][9] at noong 2017 naisama ang sining ng paggawa nito sa talaan ng UNESCO ukol sa di-materyal na pamanang kultural.[10]
Si Raffaele Esposito ang kadalasang itinuturing na ama ng modernong pizza.[11][12][13][14]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.