Remove ads
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang senado ay isang kapulungang deliberasyon, kadalasan ang mataas na kapulungan o kamara ng isang lehislaturang may dalawang kamara. Nagmula ang pangalan sa sinaunang Romanong Senado (Latin: Senatus), tinatawag bilang isang kapulungang senyor (Latin: senex na nangangahulugang "ang nakakatanda" o "ang matanda") at samakatuwid, itinuturing na mas matalino at mas makaranasang miyembro ng lipunan o namamayaning uri. Gayunpaman, ang Senado ng Roma ay hindi ang ninuno o hinalinhan ng modernong parliyamentarismo sa anumang kahulugan, dahil hindi isang de jure na katawang tagapagbatas ang senadong Romano.[1]
Maraming bansa ang may kapulungan na pinangalanang senado, na binubuo ng mga senador na maaaring mahalal, mahirang, minana ang titulo, o naging miyembro sa pamamagitan ng iba pang pamamaraan, depende sa bansa. Ang mga modernong senado ay karaniwang nagsisilbing nagbibigay sa kamara ng "matino na pag-iisip" upang isaalang-alang ang batas na ipinasa ng isang mababang kapulungan, na karaniwang inihahalal ang mga miyembro. Karamihan may asimetrikong mga tungkulin at kapangyarihan ang senado kumpara sa kani-kanilang mababang kapulungan, ibig sabihin mayroon silang mga espesyal na tungkulin, halimbawa upang punan ang mahahalagang posisyon sa pulitika o upang magpasa ng mga espesyal na batas. Sa kabaligtaran, maraming mga senado ang may limitadong kapangyarihan sa pagbabago o pagpapahinto ng mga panukalang batas na isinasaalang-alang at maaaring lampasan ng mababang kapulungan o ibang sangay ng gobyerno ang mga pagsisikap na itigil o i-beto ang isang panukalang batas.
Ang modernong salitang senado ay nagmula sa salitang Latin na senātus (senado), na nagmula sa senex, 'matanda'.[2] Ang isang miyembro o mambabatas ng isang senado ay tinatawag na senador sa Tagalog na hango at walang pagbabago ang baybay mula sa Kastila. Ang salitang Latin na senator ay pinagtibay sa wikang Ingles na walang pagbabago sa baybay. Ang kahulugan nito ay hinango mula sa isang napakasinaunang anyo ng panlipunang organisasyon, kung saan ang mga kapangyarihan sa pagpapayo o paggawa ng desisyon ay nakalaan para sa mga matatandang lalaki. Para sa parehong dahilan, ang salitang senado ay wastong ginamit kapag tumutukoy sa anumang makapangyarihang awtoridad na katangiang binubuo ng pinakamatandang miyembro ng isang komunidad, bilang isang katawang pandeliberasyon ng isang pakultad sa isang institusyon ng mas mataas na pag-aaral ay madalas na tinatawag na senado. Ginamit ang paraan ng pagbagay na ito upang ipakita ang kapangyarihan ng mga nasa katawan at para maging masinsinan ang proseso ng paggawa ng desisyon, na maaaring tumagal ng mahabang panahon. Ang orihinal na senado ay ang Senado ng Roma, na tumagal hanggang 603 CE,[3] bagaman ang iba't ibang pagsisikap na buhayin ito ay ginawa noong Romang Medyebal. Sa Silangang Imperyong Romano, nagpatuloy ang Senadong Bisantino hanggang sa Ikaapat na Krusada, mga 1202–1204. Umiral din ang babaeng anyo na senatrix .
Ang mga modernong demokratikong estado na may dalawang kamara na mga sistemang parlyamentaryo ay may isang senado, kadalasang nakikilala mula sa isang ordinaryong kahanay na mababang kapulungan, na kilala sa iba't ibang paraan bilang "Kapulungan ng mga Kinatawan", "Kapulungan ng mga Karaniwan", "Kapulungan ng mga Diputado", "Pambansang Asembleya", "Kapulungang Tagapagbatas", o "Kamara ng Asembleya", sa pamamagitan ng mga tuntuning elektoral. Maaaring kabilang dito ang pinakamababang edad na kinakailangan para sa mga botante at kandidato, isang kamara na gumagamit ng proporsyonal na sistema ng pagboto at ang isa ay inihalal sa batayang mayorya o nakakarami, at isang elektoral na batayan o collegium. Karaniwan, ang senado ay tinutukoy bilang mataas na kapulungan at may mas maliit na miyembro kaysa sa mababang kapulungan. Sa ilang mga pederal na estado, umiiral din ang mga senado sa subnasyonal na antas. Sa Estados Unidos, karamihan sa mga estado at teritoryo ay may mga senado, maliban sa Nebraska, Guam, at Kapuluang Birhenes ng Estados Unidos (na ang mga lehislatura ay isahang kamara na katawan na tinatawag na "Lehislatura" subalit tumutukoy ang mga miyembro sa kanilang sarili bilang "mga senador") at ang Distrito ng Columbia (na ang isahang kamara na lehislatura ay tinatawag na Konseho). Mayroon ding Senado ng Estaods Unidos sa pederal na antas. Katulad din sa Arhentina, bilang karagdagan sa Senado sa pederal na antas, walo sa mga lalawigan ng bansa, Buenos Aires, Catamarca, Corrientes, Entre Ríos, Mendoza, Salta, San Luis (mula noong 1987) at Santa Fe, ay may mga dalawang kamara na lehislatura na may Senado. Nabago ang Córdoba at Tucumán sa mga sistemang isahang kamara noong 2001 at 2003 ayon sa pagkakabanggit.
Sa Australya at Canada, tanging ang mataas na kapulungan ng pederal na parlyamento ang kilala bilang Senado. Ang lahat ng estado ng Australya maliban sa Queensland ay may mataas na kapulungan na kilala bilang isang konsehong Lehislatura. Ang ilang mga probinsya sa Canada ay minsan ding nagkaroon ng Konsehong Lehislatura, subalit ang lahat ng ito ay inalis na, ang huli ay ang konsehong Lehislatura ng Quebec noong 1968.
Sa Alemanya, ang huling senado ng parlamento ng estado, ang Senadong Babaro, ay inalis noong 2000.[4]
Maaaring matukoy ang pagiging miyembro ng Senado sa pamamagitan ng mga halalan o mga paghirang. Halimbawa, ang halalan ay ginaganap tuwing tatlong taon para sa kalahati ng mga kasapi ng Senado ng Pilipinas, na ang termino ng isang senador ay anim na taon.[5] Sa kabaligtaran, ang mga miyembro ng Senado ng Canada ay hinirang ng Gobernador Heneral sa rekomendasyon ng Punong Ministro ng Canada, humahawak sa katungkulan hanggang sa sila ay magbitiw, maalis, o magretiro sa mandatoryong edad na 75.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.