lungsod ng Pilipinas at kabisera ng lalawigan ng Bulacan From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Lungsod ng Malolos o (City of Malolos sa wikang Ingles) ay isang unang uring lungsod sa Pilipinas sa lalawigan ng Bulacan. Ito ang kabisera ng lalawigan. Matatagpuan ito mga 40 kilometro sa hilaga ng Maynila. Hangganan ng Malolos ang Calumpit at Plaridel sa Hilaga, Bulakan sa Timog Silangan, ang Paombong sa Kanluran at look ng Maynila sa Timog. Ayon sa senso ng 2020, ito ay may populasyon na 261,189 sa may 64,898 na kabahayan.
Malolos Lungsod ng Malolos | |
---|---|
Mapa ng Bulacan na pinapakita ang lokasyon ng Malolos. | |
Mga koordinado: 14°50′37″N 120°48′41″E | |
Bansa | Pilipinas |
Rehiyon | Gitnang Luzon (Rehiyong III) |
Lalawigan | Bulacan |
Distrito | Unang Distrito ng Bulacan |
Mga barangay | 51 (alamin) |
Ganap na Lungsod | Disyembre 18, 1999 |
Pamahalaan | |
• Punong Lungsod | Christian Natividad |
• Manghalalal | 127,246 botante (2022) |
Lawak | |
• Kabuuan | 67.25 km2 (25.97 milya kuwadrado) |
Populasyon (Senso ng 2020) | |
• Kabuuan | 261,189 |
• Kapal | 3,900/km2 (10,000/milya kuwadrado) |
• Kabahayan | 64,898 |
Ekonomiya | |
• Kaurian ng kita | ika-3 klase ng kita ng lungsod |
• Antas ng kahirapan | 8.99% (2021)[2] |
• Kita | ₱1,291,702,731.81 (2020) |
• Aset | ₱1,966,797,450.42 (2020) |
• Pananagutan | ₱902,655,002.21 (2020) |
• Paggasta | ₱920,629,689.73 (2020) |
Sona ng oras | UTC+8 (PST) |
Kodigong Pangsulat | 3000 |
PSGC | 031410000 |
Kodigong pantawag | 44 |
Uri ng klima | Tropikal na monsoon na klima |
Mga wika | wikang Tagalog |
Websayt | maloloscity.gov.ph |
Kilala ang Bayan ng Malolos sa pagiging kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas. Naglundo rito ang maraming patriotikong nakilahok sa pagtatayo ng Republika ng Pilipinas. Sa Simbahan ng Barasoain, ginawa’t pinagtibay ang Unang Konstitusyon ng Pilipinas at ang Katedral ng Malolos ang naging tanggapan ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang Pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan kasama niya ang tagapayo at kalihim na si Apolinario Mabini.
Ang Bayan ng Malolos ay unang narating ng mga Kastila mananakop sa pamumuno ni Adelantado Miguel Lopez de Legaspi noong Nobyembre 14, 1571 at itinatag bilang isang Encomienda na pinamahalaan ni Don Marcos de Herrera. Samantala noong Abril 1572, narating naman ito ng mga Misyonero mula sa Orden ni San Agustin sa pamumuno ni Fray Diego Ordoñez de Vivar na taga Guadalajara, Nueva Galicia. Matapos palaganapin at maitatag ang Katolisismo sa Calumpit tumulak sila sa Malolos at itinatag ang Kristiyanismo kung saan ang Malolos ay ipinailalim bilang isa sa mga bisita ng Simbahan ng Tondo noong Mayo 13, 1572, kasama ng Calumpit, Lubao at Betis.
Matapos ang siyam na taon mula ng madawag at maitatag ang Encomienda ng Malolos, itinatag naman ito bilang Pueblo. Sa pulong Definitorio Provincial ng mga Agustino na ginanap sa Kumbento ng Tondo noong Hunyo 11,1580, itinatag ang Bayan ng Malolos kung saan mayroon itong 3 visita: Matimbo, Paombong, at Mambog, naisama naman noong 1581 ang Binto (Quingua) bilang isa sa mga Visita sa ilalim ng Malolos. Itinaga naman si R.P Mateo Mendoza OSA bilang Unang Kura Paroko ng Bayan.
Sa pagdating ng Ika-17 siglo, ang Malolos ay naging sentro ng kalakalan at komersyo sa Luzon kung saan nangunguna ang mga Sangley. Naging pangunahing taga-prodyus ng asukal at bigas ang bayan na naging dahilan ng pag-unlad nito.Sa dokumento nina Fray Manuel Buzeta, Felipe Bravo at Fray Coco, sinasabing isa ang Bayan ng Malolos sa may pinakamalaking simbahang bato sa Pilipinas.
Lalong umunlad at naging matao ang bayan, kaya noong Agosto 31, 1859 hinati ang Malolos sa tatlong magkakahiwalay na pueblo naitatag ang mga Bayan ng Barasoain at Santa Isabel, bawa’t bayan ay may "Capitan Municipa" at "Cura Paroco". Sa panahon ng Amerikano ang Barasoain at Santa Isabel ay isinamang muli sa pinag-isang Bayan ng Malolos noong 1903.
Kauna-unahang naitala ang makasaysayang pag-aalsa sa Bayang Malolos ay noong taong 1640 nang ang isang tagalog na nagngangalang Pedro Ladia ay nagpakilalang mula sa lahi ni Rajah Lakandula at tinawag ang sarili niya bilang "Hari ng mga Tagalog". Hinikayat nya ang mga taga Malolos na mag-alsa laban sa mga Kastila at lumaban sa Kura ng bayan at inuudyukan ang marami na makipagtulungan sa kanyang bawiin ang bayan mula sa dayuhan. Nabalitaan ito ng kura ng simbahan ng Malolos na si Padre Cristobal Enriquez, nagplano si Enriquez para mahuli si Ladia at dinala sa Maynila upang litisin at doon bitayin.
Sa kagustuhang maitaas ang antas ng edukasyon para sa kababaihan sa panahong ng Espanyol na lipunang patriyarkal, minabuti ng 20 kababaihan ng Malolos sa pamumuno ni Doña Alberta Santos-Uitangcoy na humiling kay Gobernador Heneral Valeriano Weyler na noon ay dumalaw sa Malolos na payagan silang magtayo ng paaralang pambabae at payagang mag-aral ng Espanyol sa ilalim ni Propesor Teodoro Sandico na kilalang kalaban ng mga Kastila. Ang liham ay ipirinisinta noong Disyembre 12,1888 ngunit tinutulan ito ng Kura ng Malolos na si Padre Felipe Garcia, sa dahilang diumano ay magagamit ni Sandico ang paaralan para maghasik ng liberalismo at pag-aalsa, dahil dito hindi naisakatuparan ang paaralan.Hindi sumuko ang mga kababaihan at muli silang humiling na pagbigyan ang kahilingan at sa pagpasok ng 1889 ay pinahintuluitan ng Gobernador Heneral na buksan ang paaralang pangkababaihan sa kondisyon na ang magiging guro ay si Doña Guadalupe Reyes sa halip na si Teodoro Sandico.
Sa tagumpay na ito ng mga Kababaihan ng Malolos sa tapang na ipinakita, ipinarating ni Marcelo H. Del Pilar kay Jose Rizal ang balita at pinapurihan ni Rizal ang mga dalagang kababaihan sa pamamagitan ng isang liham na pinamagatang "Sa mga dalagang kababaihan ng Malolos" ang sulat ay ipinadala sa Malolos, Bulacan noong Pebrero 22, 1889.
Ang Malolos ay naging kabisera ng Pilipinas nang magpalabas ng utos si Heneral Emilio Aguinaldo na ililipat ang Pamahalaang Rebolusyonaryo sa Malolos noong Agosto 29, 1898. Ang pagiging kabisera ng Malolos ay tumagal hanggang 31 Marso 1899. Sa ipinalabas na utos kalakip ang tadhanang kailang magsagawa ng isang Kongreso upang sangguniin at magpalitan ng kuro-kuro tungkol sa kalagayan ng labanang Pilipino-Espanyol at upang matalakay ang paghihimasok ng Amerika. Inatasan din ni Aguinaldo na magpadala ng mga magiging kinatawan ang mga munisipalidad at probinsyang malaya na,samantala pipili naman sa mga lugar na nasa ilalim pa ng Espanya. Ang pulong ay naganap sa Simbahan ng Barasoain noong Setyembre 15, 1898 na nauwi sa pagbalangkas ng Saligang Batas para sa bubuuing Republika na iniakda ni Pedro Paterno at dito nabuo ang kauna-unahang politikal na Saligang Batas ng Pilipinas ng 1899 o mas kilala sa tawag na Saligang Batas ng Malolos. Ilan sa mga mahahalagang batas na naipasa ng Kongreso ay ang 1.) Ratipikasyon ng Kalayaan na naideklara sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12,1898. 2.) Paghihiwalay ng Simbahan at Estado 3.) ang deklarasyon ng Digmaan laban sa Estados Unidos. Ang Saligang Batas ng Malolos ay pinagtibay noong Enero 21 at noong Enero 23, 1899 itinatag ang Republika ng Pilipinas kung saan nanumpa si Emilio Aguinaldo bilang Pangulo. Naganap sa Malolos ang isang napaka engrandeng parada at pagtitipon para sa bagong silang na Republika..
Dahil sa pagputok ng labanang Pilipino-Amerikano isinagawa ng Estados Unidos ang pagkubkob sa Malolos.May mga labanan sa labas ng Maynila na naganap sa mga bayang papunta sa Malolos ito ang mga bayan ng Polo, Meycauayan, Marilao, Bocaue, Bigaa, Guiguinto, at ang kabisera Malolos. Umaga ng Marso 31,1899 habang papalapit ang hukbong Amerikano na pinamumunuan ni MacArthur sa Malolos, iniutos ni Emilio Aguinaldo na sunugin at lisanin ang Simbahang Kumbento ng Malolos na naging Tanggapan ng Presidencia. Narating ang bayan ng mga tropang Amaerikano ng ika-10 ng umaga at matapos ang ilang putukan at labanan nakubkob nila ang Simabahan ng Barasoain at ika-12 ng tanghali inabutan nilang nasusunog na ang malaking bahagi ng Simbahan ng Malolos. Tuluyang nasakop ng Tropang Amerikano sa pamumuno ni Heneral Arthur MacArthur ang Bayan ng Malolos.
Ang Malolos ay sentro at kabisera ng Bulacan, ito ay binubuo ng 51 barangay at may lawak na 88,356,426 metro kwadrado. Ang mga lupaing ito ay nahahati sa komersyal, residensyal, palayan, palaisdaang kogonan. Mahigit sa 4,000 hektarya ng mayamang palayan at mahigit sa 2,000 hektaryang palaisdaan.
Bilang isang lungsod na ibinibilang sa klaseng "1", ang kinikitang buwis ay nagbubuhat sa mga komersyal at industriyal na establisemento, palengke, ari-arian at mga lisensiya. Buhat sa kinikitang ito sa buwis, kinukuha ang pambayad sa suweldo ng mga pinunong bayan at kawani ng pamahalaan, pagpapatayo ng mga gusali at imprastraktura, pambili ng kagamitan at iba pang gastusin.
Taon | Pop. | ±% p.a. |
---|---|---|
1903 | 27,025 | — |
1918 | 26,109 | −0.23% |
1939 | 33,384 | +1.18% |
1948 | 38,779 | +1.68% |
1960 | 48,968 | +1.96% |
1970 | 73,996 | +4.21% |
1975 | 83,491 | +2.45% |
1980 | 95,699 | +2.77% |
1990 | 125,178 | +2.72% |
1995 | 147,414 | +3.11% |
2000 | 175,291 | +3.78% |
2007 | 225,244 | +3.52% |
2010 | 234,945 | +1.55% |
2015 | 252,074 | +1.35% |
2020 | 261,189 | +0.70% |
Sanggunian: PSA[3][4][5][6] |
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (noo'y National Statistics Office), ang Malolos ay may kalawakang lupain na 79.50 kilometro kwadrado. Ang pisikal na anyo ng lupaing Malolos ay nahahawig sa isang puno, labis-labis ang laki ng katawan, higit na malaki ang mga sangang nasa silangan bayan kaysa sa kanluran, normal ang kalagayang pangkapayapaan at kaayusan ng buong lungsod.
Ayon sa senso noong 2015, ang populasyon ng Malolos ay may kapal (o densidad) na 3,700 katao sa bawat kilometro kuwadrado (o 9,600 sa bawat milya kuwadrado).
Humigit-kumulang sa 80% ng mga mamamayan ay mga Katoliko na unang naihasik sa lupain ng Malolos noong taong 1572 sa pamamagitan ng mga Prayleng Agustino sa pamumuno ni Padre Diego Ordoñez de Vivar at mula sa pagiging "visita" ng Tondo ipinagpatuloy ang pagpapalaganap ng Katolisismo hanggang sa nagkaroon ang bayan ng isang sariling Kumbento at Parokya sa ilalim ng isang Kura-Paroko noong Hunyo 11,1580 sa katauhan ni Padre Mateo Mendoza. Matapos ang halos 400 na daang taon nagkaroon ng ibang relihiyon at sekta mula sa makabagong panahon gaya ng Iglesia ni Cristo, Iglesia Filipina Independiente (Aglipay), Simbahan ng Adbentista ng Ikapitong Araw, Protestante (Metodista) at iba pa.
Ang DWAD-AM Now Radio 1098 kHz AM (Malolos), DWAD (1098 kHz Metro Manila) ay isang himpilan radyo pag-aari ng Audiovisual Communicators, Inc.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.