Litsong baboy

From Wikipedia, the free encyclopedia

Litsong baboy

Ang litsong baboy (Ingles: pig roast o hog roast) ay isang kaganapan o pagtitipon na kinabibilangan ng paglilitson o pag-ihaw ng isang buong baboy. Karaniwang tradisyonal na kaganapan ang litsong baboy, na kilala sa iba't ibang pangalan, sa maraming dako kabilang ang Reyno Unido, Pilipinas, Puerto Rico at Cuba. Sikat din ito sa Estados Unidos, lalo na sa estado ng Hawaii (isang luau)[1] at sa Timog Estados Unidos (pig pickin). Sa Timog-silangang Asya, ang litsong baboy ay isang pangunahing pagkain sa mga pamayanang Budista, at Kristiyano, lalo na sa mga Katolikong Pilipino at mga Balines na Hindu, o mga Tsinong Budista.

Thumb
Ang litsong baboy sa Pilipinas na nililitson sa isa sa mga tindahan ng litson sa La Loma, Lungsod Quezon, Pilipinas

Sa Pilipinas, ang katawagang litson na hango sa Kastilang lechón (na ibig sabihin ay biik na pasusuhin) ay maari din na tumukoy sa ibang karne tulad ng manok o baka. Bagaman, karaniwang tumutukoy ang litson sa paraan ng pagluluto ng baboy (biik man o hindi) na minsan'y nilalagyan ng mansanas sa bibig matapos na maluto na nakatuhog sa kawayan (o anumang pantuhog) habang nakadarang sa nagbabagang mga uling.[2][3] May kanya-kanyang paraan ng pagluluto ng litson sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas na nilalagyan ng iba't ibang uri ng pampalasa.

Mga tradisyon

Mababakas ang tradisyon paglilitson ng baboy sa mga libong taon at matatagpuan sa maraming kultura. Maraming paraan ng paglilitson ng baboy, kabilang ang istilong pagtuhog sa baboy sa bukas na apoy na paglilitson, at istilong "caja china" na na pag-iihaw sa kahon. Maraming mga pamilya ang tradisyonal na may litsong baboy para sa Araw ng Pasasalamat o Pasko. Sa Miami at iba pang mga lugar na may malaking populasyon ng Cubano, Puerto Riqueño, Hondureño o iba pang populasyong Karibe, ang mga litsong baboy ay kadalasang ginagawa tuwing Bisperas ng Pasko ng mga pamilya at kaibigan, samantalang ang mga pamilya mula sa Hawaii ay madalas na nagdaraos ng litson sa Araw ng Paggunita.[1]

Pilipinas

Thumb
Karaniwang tradisyonal na noche buena tuwing Bisperas ng Pasko na pagkain sa Pilipinas ang litson na sentrong tinantanghal

Sa karamihan ng mga rehiyon ng Pilipinas, ang buong-litsong baboy ay kilala sa salitang hango sa Espanyol na lechón (na ibig sabihin ay biik na karaniwang binabaybay na lechon na walang tuldik, na may alternatibong baybay sa Tagalog na litson o lichon).[4] Tradisyonal itong inihahanda sa anumang araw sa buong taon para sa mga espesyal na okasyon, pagdiriwang, at mga pista opisyal. Bagama't nakuha nito ang pangalang Kastila, mayroon na bago dumating ang mga Kastila ang pag-ihaw ng baboy na isa sa mga katutubong alagang hayop ng lahat ng mga Austronesyong kalinangan at dinala sa buong Pagpapalawak ng Austronesyo hanggang Polinesya. Naiiba ito sa lechón ng mga Kastila at Amerikang Latino sa mga sangkap nito, paghahanda, at sa katotohanang gumagamit ito kadalasan ng mga adultong baboy.[4] Pinakakatulad ito sa mga kalapit na bansa na katutubong pagkain tulad ng Balines na babi guling (bagaman naiiba sa palaman at pampalasa na ginamit).[5][6] Itinuturing na isa sa mga hindi opisyal na pambansang pagkain ng Pilipinas ang litson.[7]

Maaaring tawaging "inihaw [na baboy]" sa likas na Tagalog ang litson,[8] subalit isang pangkalahatang katawagan ang "inihaw" at maaaring nangangahulugan sa Ingles na roasted (pagluluto gamit ang tuyong init kung saan tinatakpan ng mainit na hangin ang pagkain), grilled/broiled (pagluluto sa ibabaw na bahagi ng pagkain na kadalasang gingamitan ng parilya), o barbecued (gumagamit ng bukas na apoy at usok upang lutuin ang pagkain). Mas ginagamit ang katawagang "litson" sa paraan ng pagluluto ng buong baboy (biik man o hindi) na tinutuhog sa kawayan (o kahit anumang pantuhog) at iniikot ito sa nagbabagang uling.[2][3] Nilalagyan ito ng mga pampalasa at kung minsa'y mansanas sa bibig ng baboy. Kadalasang tumutukoy naman ang "inihaw na baboy" sa parte ng isang baboy (partikular liempo) na inihaw sa parilya o binarbekyu. Ang katawagang "litson" ay hindi lamang limitado sa baboy at maaring tukuyin ang ibang karne tulad ng "litsong manok" o "litsong baka".[9][10][11] Bagaman, kapag sinabing "litson" lamang, tumutukoy ito sa "litsong baboy".

Sa Cebu, kilala ang "litson" bilang inasal sa Bisaya hanggang napalitan ito ng impluwensyang Tagalog na "lechon" noong dekada 2000.[12] Bagaman, kilala pa rin naman ang katawagang "inasal" sa wikang Filipino, na tumutukoy sa "manok na inasal" ng Kanlurang Bisayas. Pinagkakaiba naman ang litsong biik (pasusuhin pa) bilang "lechon de leche" (na kalibasan na panalita sa wikang Kastila).[13][14] Ang lutuin na tahasang hinango sa istilo ng paglulutong Kastila na lechón ay kilala bilang cochinillo (mula sa cochinillo asado). Hindi tulad ng mga katutubong litsong Pilipino, gumagamit ang cochinillo ng pasusuhing biik na itinadtad at iniihaw sa hurno.[15]

Mga sanggunian

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.