From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang K2, sa taas na 8,611 metro (28,251 tal) sa ibabaw ng antas ng dagat, ay ang ikalawang pinakamataas na bundok sa Daigdig, pagkatapos ng Bundok Everest (sa taas na 8,849 metro (29,032 tal)).[3] Matatagpuan ito sa bulubunduking Karakoram, na may bahagi sa rehiyong Gilgit-Baltistan ng Kashmir na pinamamahalaan ng Pakistan at may bahagi din sa isang pinamamahalaan ng Tsina na teritoryo ng rehiyong Kashmir kabilang ang Nagsasariling Kondehan ng Taxkorgan Tajik ng Xinjiang.[4][5][6]
K2 | |
---|---|
Pinakamataas na punto | |
Kataasan | 8,611 m (28,251 tal) Nakaranggo sa Ika-2 |
Prominensya | 4,020 m (13,190 tal)[1] Nakaranggo sa ika-22 |
Isolasyon | 1,316 km (818 mi) |
Pagkalista |
|
Mga koordinado | 35°52′57″N 76°30′48″E[2] |
Pagpapangalan | |
Katutubong pangalan | چھوغوری |
Heograpiya | |
Hangganan ng Tsina–Pakistan:
| |
Mga bansa | Kashmir na pinamahalaan ng Pakistan and Kashmir na pinamamahalaan ng Tsina |
Magulanging bulubundukin | Karakoram |
Pag-akyat | |
Unang pag-akyat | 31 Hulyo 1954 Achille Compagnoni & Lino Lacedelli |
Pinakamadaling ruta | Abruzzi Spur |
Naging tanyag din ang K2 sa bansag na Masukal na Bundok (o Savage Mountain) pagkatapos sinabi ni George Bell—isang umaakyat noong ekspedisyong Amerikano noong 1953—sa mga mamamahayag na "Isa itong masukal na bundok na sinusubok na patayin ka."[7] Sa mga limang pinakamatataas na mga bundok sa mundo, ang K2 ang pinakanakamamatay; na tinatayang isang tao ang namamatay sa bundok sa bawat apat na nakaabot ng tuktok.[7][8] Paminsan-minsang kilala bilang Chhogori, o Bundok Godwin-Austen,[9] ang ibang palayaw para sa K2 ay The King of Mountains (Ang Hari ng mga Bundok) at The Mountaineers' Mountain (Ang Bundok ng mga Namumundok),[10] gayon din bilang The Mountain of Mountains (Ang Bundok ng mga Bundok) pagkatapos na pinamagatan ng prominenteng Italyanong umaakyat na si Reinhold Messner ang kanyang aklat tungkol sa K2 sa ganoong pangalan.[11]
Naabot ang tuktok sa unang pagkakataon ng mga umaakyat na Italyano na sina Lino Lacedelli at Achille Compagnoni, noong ekspedisyong Italyano ng 1954 na pinamunuan ni Ardito Desio. Noong Enero 2021, ang K2 ang huling walong-lilibuhin na naakyat ang tuktok sa panahon ng taglamig; natupad ang kahang-hangang gawa na ito ng mga namumundok na taga-Nepal, na pinamunuan ni Nirmal Purja at Mingma Gyalje Sherpa.[12]
Ang K2 lamang ang may higit sa 8,000 metrong tuktok na hindi pa naakyat ang silangang mukha nito.[13] Palaging sinasagawa ang pag-akyat sa Hulyo at Agosto, na tipikal na pinakamainit na panahon ng taon; ginagawa ng mas hilagang lokasyon ng K2 na mas madaling lapitan ng masungit at mas malamig na panahon.[14] Naakyat na ang tuktok ng halos lahat ng tagaytay nito. Bagaman ang tuktok ng Everest ay nasa mas mataas na altitud, mas mahirap at mas mapanganib ang K2 na akyatin, isa sa dahilan ay ang mas masungit na panahon.[15] Noong Pebrero 2021, mayroon lamang 377 indibiduwal ang nakakumpleto ng pag-akyat sa tuktok nito.[16]
Ang pangalang K2 ay hinango mula sa notasyon na ginamit ng Great Trigonometrical Survey ng Britanikong Indya. Ginawa ni Thomas Montgomerie ang unang survey ng Karakoram mula sa Bundok Haramukh, mga 210 km (130 mi) sa timog, at ginuhit ang dalawang pinakaprominenteng tuktok, na tinatatakan ang mga ito bilang K1 at K2, kung saan Karakoram ang ibig sabihin ng K.[17]
Ang polisiya ng Great Trigonometrical Survey ay gamitin ang lokal na pangalan para sa mga bundok hangga't maari[lower-alpha 1] at nalaman na lokal na kilala ang K1 bilang Masherbrum. Bagaman, mukhang hindi nakakuha ang K2 ng lokal na pangalan, na posible dahil sa kalayuan nito.
Matatagpuan ang K2 sa hilagang-kanluran ng Bulubunduking Karakoram. Ito ay nasa rehiyon ng Baltistan ng Gilgit–Baltistan, Pakistan, at ang Nagsasariling Kondehan ng Taxkorgan Tajik ng Xinjiang, Tsina.[lower-alpha 2]