From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang alagad[1] ay mga tagasunod ng isang pinuno, paniniwala, pananampalataya, o maging ng agham at sining. Katumbas ito ng apostol o disipulo, katulad ng sinuman sa mga alagad ni Hesus.[1] Nilalarawan bilang mga natatanging pinuno ang mga taong pinili ni Hesus para maging mga alagad niya, na nagkaroon ng tungkuling ipahayag ang balita hinggil kay Kristo. Sa una, pumili lamang ng labindalawang mga alagad si Hesus, ngunit – nang lumaon – naging mga tagasunod din ni Hesukristo sina Pablo ang Alagad at ilan pang iba.[2]
Batay sa Bagong Tipan ng Bibliya, tumutukoy ang salitang disipulo sa isang nag-aaral o mag-aaral na tumatanggap ng mga pagtuturo o pangangaral ng isang tao. Samakatuwid, ng isang disipulo ni Kristo ay isang tagasunod ni Hesus na naglalayong matutunan ang mga gawa, gawain, at gawi ni Hesukristo. Sumasailalim ang alagad ni Kristo sa ganitong pag-aaral upang matutunan, gumanap, o kumilos ayon sa mga salita at gawain ni Hesus. Sa pinakamahigpit at pinakamalinis na kahulugan o diwa, kinakailangang kapiling ng alagad ang kaniyang panginoon o pinuno para matawag na disipulo. Sa labas ng mga pahina ng mga Ebanghelyo ng Bibliya, kakaunti at mabibilang lamang ang mga taludturang bumabanggit sa salitang disipulo. Nang umakyat na sa langit si Kristo, pagkaraan ng kaniyang muling pagkabuhay, tinawag na mga apostol ang mga disipulo ni Hesus.[3] Nagmula ang salitang apostol (apostle sa Ingles) sa isang salitang Griyegong nangangahulugang "mga pinaalis," katumbas ng mga "sinugo", "kinatawan",[4] o hinirang para maglakbay dahil sa isang layunin. Kaugnay pa rin nito, para sa mga Hudyo, pinili ang mga alagad upang maging balangkas ng Simbahan o Iglesya ni Hesus, at pinili ang mga apostol mula sa mga alagad o tagasunod na ni Hesus, mula sa mga apostol ay pinili si Simon Pedro.[4] Sa kasalukuyan, ginagamit ang salitang apostol para sa mga misyonerong relihiyoso.[5] Samantala, makaraang tawaging mga apostol ang orihinal na mga alagad ni Hesus - kasama si San Pablo - tinawag namang mga mananampalataya o mga nananalig lamang ang mga bagong nagbagong-kalooban. Naging gamitin ang mga katawagang kaugnay ng sumasampalataya o katulad sa Aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol at sa mga Aklat ng Mga Sulat ng mga Apostol sa Bagong Tipan ng Bibliya. Naging kaugnay din ng mga katawagang nabanggit sa itaas ang kataguriang Kristiyano, isang katawagang nagsimula sa Antioke (kilala rin bilang Antioque o Antioch). Sa diwa ng Kristiyanismo, kapag ginamit ang salitang Kristiyano - at katulad ng mga katagang disipulo, mananampalataya, sumasampalataya, nanalig, o naniniwala - nagpapahiwatig ang lahat ng mga ito ng pagtitiwala at pagsunod kay Kristo Hesus. Ginamit ni Simon Pedro at Haring Agrippa ang katawagang Kristiyano.[3]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.