From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang pagdidistansiyang panlipunan o pagdidistansiyang pisikal (Ingles: social distancing, physical distancing)[1][2][3] ay kalipunan ng mga di-parmasyutikong kilos ng pagpigil sa impeksiyon na nilayon upang ihinto o pabagalin ang pagkalat ng isang nakahahawang sakit sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pisikal na distansiya sa pagitan ng mga tao at pagbabawas ng pagkakataon na makalapit ang mga tao sa isa't isa.[1][4] Sangkot dito ang pagpapanatili ng distansiya ng dalawang metro (anim na talampakan) mula sa ibang tao at pag-iiwas sa pagtitipun-tipon sa malalaking grupo.[5][6]
Sa pagbabawas ng probabilidad na makakapag-ugnay ang isang di-nahawahang tao sa isang nahawang tao, maaaring masugpo ang pagkalat ng sakit, na nagbubunga ng mas kaunting kamatayan.[1][4] Isinasama ang mga hakbang sa mabuting kalinisan ng palahingahan at paghuhugas ng kamay.[7][8] Noong pandemya ng COVID-19, iminungkahi ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan (WHO) ang pagtukoy sa "pisikal" bilang alternatibo sa "panlipunan", bilang pagsunod sa palagay na distansiyang pisikal ang pumipigil sa pagkalat; mananatiling konektado ang mga tao sa iba sa pamamagitan ng teknolohiya.[1][2][9]
Upang magpabagal sa pagkalat ng mga nakahahawang sikat at makaiwas sa pagpapabigat sa sistemang pangkalusugan, lalo na tuwing pandemya, isinasagawa ang iilang hakbang ng pagdidistansiyang panlipunan. Kabilang dito ang pagsasara ng paaralan at opisina, pagbubukod, kuwarentena, paghahadlang sa paggalaw ng mga tao at pagkakansela ng mga pagtitipon.[4][10] Matagumpay na ipinatupad ang ganitong mga hakbang sa iilang nakaraang epidemya. Sa St. Louis, di-nagtagal pagkatapos matutop ang mga unang kaso ng trangkaso sa lungsod noong pandemya ng trangkaso ng 1918, ipinatupad ng mga awtoridad ang pagsasara ng mga paaralan, pagbabawal sa mga pagtitipun-tipon at iba pang hakbang ng pagdidistansiyang panlipunan. Hindi gaanong karami ang bilang ng namatay sa St. Louis kaysa sa Philadelphia, kung saan sa kabila ng pagkakaroon ng mga kaso ng trangkaso, ay pumayag sa pagpapatuloy ng parada at nagsagawa lamang ng pagdidistansiyang panlipunan pagkaraan ng dalawang linggo pagkatapos ng mga unang kaso.[11]
Pinakaepektibo ang pagdidistansiyang panlipunan kapag naipapasa ang impeksiyon sa pamamagitan ng mumunting patak (pag-ubo o pagbahing); direktang pisikal na kontak, kabilang ang pakikipagtalik; di-tuwirang pisikal na kontak (hal. paghawak sa kontaminadong bagay); o pagkalat sa hangin (kung nakabubuhay ang mikroorganismo sa hangin nang matagal na panahon).[12] Di-gaanong epektibo ang mga hakbang sa mga kaso kung saan ang pangunahing paraan ng transmisyon ay sa pamamagitan ng kontaminadong tubig o pagkain o ng mga bektor tulad ng lamok o iba pang mga insekto, at di-gaanong madalas, mula sa bawat tao.[13]
Maaaring kabilang sa mga disbentaha ng pagdidistansiyang panlipunan ang kalumbayan, bawas sa pagiging produktibo, at pagkawala ng mga iba pang benepisyo kaugnay sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao.[14]
Inilarawan ng Mga Sentro sa Pag-iwas at Pagkontrol sa Sakit (CDC) ang pagdidistansiyang panlipunan bilang isang kalipunan ng mga "paraan upang mabawasan ang dalas at pagkalapit ng kontak ng mga tao upang mabawasan ang panganib ng pagkakalat ng sakit".[10] Noong pandemya ng COVID-19, binago ng CDC ang kahulugan ng pagdidistansiyang panlipunan bilang "pagpapanatili sa pag-iiwas sa loob ng mga kongregasyon, pag-iiwas sa pagtitipun-tipon, at pagpapanatili ng distansiya (halos 6 talampakan o 2 metro) mula sa iba kung posible."[5][6]
Dati, inilarawan ng WHO ang pagdidistansiyang panlipunan bilang "pagpapanatili ng layo sa iba na hindi bababa sa dipa, [at] pagbabawas ng mga pagtitipon".[7] Isinasama ito sa mabuting kalinisan sa palahingahan at paghuhugas ng kamay, at itinuturing bilang pinakamaisasagawang paraan upang mabawasan o iantala ang pandemya.[7]
Ang kaalaman na kumakalat ang isang sakit ay maaaring magpasimula ng pagbabago sa ugali ng mga taong pumipiling umiiwas mula sa mga pampublikong lugar at ibang tao. Kapag ipinapatupad upang kontrolin ang mga epidemya, ang ganoong pagdidistansiya ay makabubunga ng benepisyo subalit may lugi sa ekonomiya. Ipinapahayag ng mga saliksik na kailangang isabuhay nang mahigpit upang maging epektibo.[18] Ginagamit ang iilang hakbang ng pagdidistansiya upang pigilan ang pagkakalat ng mga nakahahawang sakit.[10][19][5]
Ang pagpapanatili ng distansiya ng dalawang metro mula sa iba at pag-iiwas sa yakap at kilos na may direktang pisikal na kontak, ay nagbabawas sa panganib na mahawahan tuwing mga pandemya ng trangkaso at pandemya ng coronavirus ng 2020.[5][20] Inirerekumenda rin ang ganitong mga pagdidistansiya, pati na rin ang mga hakbang sa pansariling kalinisan, sa mga lugar ng trabaho.[21] Saanman maaari mairerekumendang magtrabaho sa bahay.[8]
Iminungkahi ang mga iba't ibang alternatibo sa kaugalian ng pakikipagkamay. Isang alternatibo ang kilos ng namaste, paglalapat ng mga palad, daliri pataas, mga kamay patungo sa puso. Noong 2020 pandemya ng coronavirus sa Reyno Unido, ginamit ni Prinsipe Charles ang kilos na sa kanyang pagbati sa mga bisita, at inirekomenda ng Direktor-Heneral ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan, Tedros Adhanom Ghebreyesus, at Israeling Punong Ministro na si Benjamin Netanyahu.[22] Kinabibilangan ng iba pang mga alternatibo ang kaway, pagsa-shaka (o "hang loose sign"), at paglalagay ng palad patungo sa puso, tulad ng isinasagawa sa mga bahagi ng Iran.[22]
Ipinakita ng pagmomodelo sa sipnayan na maaaring ipagliban ng pagsasara ng mga paaralan ang pagkalat ng siklab. Gayunpaman, nakadepende ang bisa sa mga kontak na pinapanatili ng mga kabataan sa labas ng paaralan. Kadalasan, kailangang magbakasyon sa trabaho ang isang magulang, at kailangang pahabain ang pagsasara, at maaaring magbunga ito ng pagkasira sa lipunan at ekonomiya.[24][25]
Iminumungkahi ng mga pag-aaral sa pagmodelo at paimbabaw batay sa data ng Estados Unidos na kung sarado ang 10% ng apektadong opisina, ang kabuuang antas ng pagkalat ay humigit-kumulang 11.9% at naipagpaliban nang kaunti ang rurok-oras ng epidemya. Sa kabila nito, kung sarado ang 33% ng mga apektadong opisina, bumababa ang antas sa 4.9%, at naantala ang rurok-oras nang isang linggo.[26][27] Kabilang sa pagsasara ng opisina ang pagsasara ng mga "'di-esensiyal" na negosyo at serbisyong panlipunan (ang ibig sabihin ng "'di-esensiyal" ay mga pasilidad na hindi nagpapatakbo ng pangunahing tungkulin sa komunidad, kung ihahambing sa serbisyong esensiyal).[28]
Kabilang sa pagkakansela ng mga pagtitipun-tipon ang mga palakasan, pelikulang o musikas palabas.[29] Hindi tiyak ang ebidensiya na nagmumungkahi na pinapataas ng mga pagtitipon ang potensiyal para sa pagkalat ng sakit.[30] Iminumungkahi ng mga anekdota na maaaring maiugnay ang mga iilang uri ng pagtitipon sa mas malaking panganib sa pagkalat ng trangkaso, at maaaring "maglahi" ng mga bagong uri sa lugar, na pasimuno ng pagkalat sa komunidad sa isang pandemya. Noong pandemya ng trangkaso ng 1918, ang mga parada ng militar sa Philadelphia[31] at Boston[32] ay maaaring naging responsable sa pagkalat sa sakit sa pamamagitan ng paghahalubilo ng mga nahawang marino sa mga pulutong ng sibilyano. Makatutulong sa pagbawas ng pagkalat ang restriksiyon ng mga pagtitipon, kasama ng mga iba pang pakikialam ukol sa pagdidistansiya.[33]
Malayong mangyari ang pag-aantala ng epidemya nang higit sa 2–3 linggo dahil sa restriksiyon sa hangganan o restriksiyon sa pagbibiyahe sa loob maliban kung itinupad ito na may higit sa 99% saklaw.[34] Nadiskubre na hindi mabisa ang pag-iiskrin sa paliparan sa pagpigil ng pagkalat ng virus noong siklab ng SARS ng 2003 sa Canada[35] at sa Estados Unidos.[36] Naging epektibo raw ang mga ipinataw na istriktong kontrol sa mga hangganan sa pagitan ng Austrya at ang Imperyong Otomano, na ipinataw mula 1770 hanggang 1871 upang pigilan na pumasok sa Austrya ang mga taong nahawa ng salot buboniko, dahil hindi nagkaroon ng mga malalaking siklab ng salot sa teritoryo ng Austrya pagkatapos itong itinatag, samantalang patuloy na nakaranas ang Imperyong Otomano ng mga madadalas na epidemya ng salot hanggang ang gitna ng ikalabinsiyam na siglo.[37]
Ayon sa pagsusuri ng Northeastern University na inilathala noong Marso 2020, "pinapabagal lang ng mga restriksiyon sa pagbibiyahe papunta at paalis ng Tsina ang pandaigdigang pagkalat ng COVID-19 [kapag] isinama ito ng mga tangka sa pagbawas ng pagkalat sa antas ng komunidad at indibidwal.... Hindi sapat ang mga restriksiyon sa pagbibiyahe maliban kung isinama ito ng pagdidistansiyang panlipunan."[38] Natuklasan ng pagsusuri na ipinagpaliban lang ng restriksiyon sa pagbibiyahe sa Wuhan ang pagkalat ng sakit sa ibang bahagi ng kalupaang Tsina nang tatlo hanggang limang araw, ngunit binawas naman nito ang pagkalat ng mga pandaigdigang kaso nang hanggang 80 bahagdan. Isang pangunahing dahilan kung bakit hindi naging ganoong epektibo ang restriksiyon sa pagbibiyahe ay hindi nagpapakita ng sintomas ang karamihan ng mga may COVID-19 sa mga unang yugto ng impeksiyon.[39]
Kabilang sa mga hakbang para makaprotekta sa sarili ang paglilimita ng personal na pakikipag-ugnayan, pagsasagawa ng negosyo sa telepono o gamit ang Internet, pag-iiwas sa pampublikong lugar at pagbabawas sa 'di-kinakailangang pagbibiyahe.[40][41][42]
Noong siklab ng SARS ng 2003 sa Singgapura, napasailalim ang halos 8,000 katao sa sapilitang kuwarentena sa bahay at kinailangan ang higit pang 4,300 na magsubaybay sa sarili para sa mga sintomas at kumontak bawat araw sa mga awtoridad ng kalusugan bilang paraan upang kontrolin ang epidemya. Bagaman 58 lang ng mga indibidwal na ito na kalaunang nasuri na may SARS, nasiyahan ang mga opisyal ng kalusugan ng bayan na nakatulong ang hakbang sa pag-iwas sa higit pang pagkalat ng impeksiyon.[43] Maaaring nakapagtulong ang kusang-loob na paghihiwalay ng sarili sa pagkalat ng trangkaso sa Texas noong 2009.[44] Naiulat ang mga panandaliang at pangmatagalang negatibong epekto sa sikolohiya.[14]
Noong 1995 ginamit ang kordon sanitaryo upang pigilan ang siklab ng sakit ng Ebola virus sa Kikwit, Zaire.[45][46][47] Pinalibutan ni Pangulong Mobutu Sese Seko ang bayan ng mga hukbo at isinuspende ang lahat ng mga paglipad patungo sa komunidad. Sa loob ng Kikwit, itinayo ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan at mga pangkat ng manggagamot sa Zaire ng mga higit pang kordon sanitaryo, hiniwalay ang mga libingan at pinaggamutan mula sa pangkalahatang populasyon at nagtagumpay sa paglilimita ng impeksiyon.[48]
Noong epidemya ng trangkaso ng 1918, ibinukod ng bayan ng Gunnison, Colorado, ang sarili nang dalawang buwan upang iwasan ang paghahantad ng impeksiyon. Binakaridahan ang lahat ng lansangang-bayan at ikinuwarentenas ang mga nakarating na pasahero nang limang araw. Bilang resulta ng pagbubukod, walang namatay sa trangkaso sa Gunnison noong pandemya.[49] Pinagtibay rin ng iilang komunidad ang mga ganoong hakbang.[50]
Kabilang sa mga ibang hakbang ang pagsasara o paglilimita ng mass transit[51] at pagsasara ng mga pasilidad sa paglilibang (mga languyan ng komunidad, samahan ng kabataan, at himnasyo).[52]
Itinayo ang mga kolonya ng mga ketongin at lazaretto bilang paraan para pigilan ang pagkalat ng ketong at iba pang nakahahawang sakit sa pamamagitan ng pagdidistansiyang panlipunan,[53] hangga't naintindihan ang pagkakalat at naimbento ang mga epektibong panggamot.
Noong epidemya ng polio ng 1916 sa Lungsod ng New York, noong may higit sa 27,000 kaso at higit sa 6,000 nangamatay dahil sa polio sa Estados Unidos, nang may higit sa 2,000 nangamatay sa Lungsod ng New York mismo, isinara ang mga sinehan, kinansela ang mga pulong, halos walang pagtitipon sa publiko, at binabalaan ang mga kabataan na huwag uminom sa mga paunten ng tubig, at sinabihan na iwasan ang mga parkeng libangan, languyan at dalampasigan.[55][56]
Noong pandemya ng coronavirus ng 2019–20, binigyang-diin ang mga hakbang sa pagdidistansiyang panlipunan at ang mga may kaugnayan dito ng iilang pamahalaan bilang alternatibo sa ipinatupad na kuwarentena ng mga lugar na lubhang naapektuhan; halimbawa, sa Reyno Unido, ipinayo ng gobyerno sa publiko na iwasan ang mga pampublikong lugar, at kusang nagsara ang mga sinehan at teatro upang hikayatin ang mensahe ng pamahalaan.[57]
Noong pandemya ng trangkaso ng 1918, natanaw ng Philadelphia ang kanyang mga unang kaso ng trangkaso noong 17 Setyembre.[58][11] Ipinatuloy ng lungsod ang naplanong parada at pagtitipon ng higit sa 200,000 katao sa tatlong kasunod na araw, okupadong okupado noon ang 31 ospital ng lungsod. Sa isang linggo, 4500 ang namatay.[31][59] Ipinatupad ang mga hakbang ng pagdidistansiya noong 3 Oktubre, higit sa dalawang linggo pagkatapos ng unang kaso.[11] Di-katulad sa Philadelphia, natanaw ng St. Louis ang kanyang mga unang kaso ng trangkaso noong 5 Oktubre at umabot ng dalawang araw bago maipatupad ang iilang hakbang ng pagdidistansiya,[11] kabilang ang pagsasara ng paaralan, teatro, at iba pang lugar kung saan nagtitipun-tipon ang mga tao. Pinagbawalan ang mga pampublikong pagtitipon, kabilang dito ang mga libing. Pinabagal ng mga aksiyon ang pagkalat ng trangkaso sa St. Louis, at hindi nagkaroon ng lubhang pagdami ng kaso at kamatayan, gaya ng nangyari sa Philadelphia.[60] Tumaas ang huling bilang ng namatay sa St. Louis kasunod ng ikalawang alon ng kaso, ngunit nanatiling mas mababa sa kabuuan kumpara sa mga ibang lungsod.[61] Sinuri ni Bootsma at Ferguson ang mga pakikialam ng pagdidistansiya sa 16 Amerikanong lungsod noong epidemya ng 1918 at natuklas nila na ang mga pakikialam na may takdang oras ay nakapagbawas lamang ng pagkamatay nang katamtaman (marahil 10–30%), at kadalasang limitadong limitado ang dagok dahil nahuli na ang pakikialam at inalis nang masyadong maaga. Naobserbahan na nakaranas ang iilang lungsod ng ikalawang rurok ng epidemya pagkatapos alisin ang mga kontrol ng pagdidistansiya, dahil nalantad ang mga madaling tablan na dating protektado.[62]
Ipinakita na binawas ng pagsasara ng mga paaralan ng pagkamatay sa Trangkasong Asyano nang 90% noong 1957–58 siklab,[63] at hanggang 50% sa pagkontrol ng influenza sa Estados Unidos, 2004–2008.[64] Katulad nito, iniugnay ang mga sapilitang pagsasara ng mga paaralan at iba pang hakbang ng pagdidistansiya sa 29% hanggang 37% pagbawas sa kabilisan ng pagkalat ng influenza noong epidemya ng trangkaso ng 2009 sa Mehiko.[65]
Noong siklab ng trangkasong baboy ng 2009 sa UK, sa isang artikulong pinamagatang "Closure of schools during an influenza pandemic" ("Pagsasara ng mga paaralan tuwing pandemya ng influenza") na inilathala sa Lancet Infectious Diseases, inindorso ng pangkat ng epidemiologo ang pagsasara ng mga paaralan upang gambalain ang daloy ng impeksiyon, pabagalan ang higit pang pagkalat at bumili ng panahon upang manaliksik at bumuo ng bakuna.[66] Matapos pag-aralan ng mga pandemya ng influenza kabilang ang pandemya ng trangkaso ng 1918, ang pandemya ng influenza ng 1957 at ang pandemya ng influenza ng 1968, nag-ulat sila tungkol sa epekto ng pagsasara ng mga paaralan sa ekonomiya at nagtatrabaho, lalo na dahil sa malaking bahagdan ng doktora at babaeng nars, kung kanino kalahati ay may batang wala pang 16 taong gulang. Tiningnan din nila ang dinamika ng pagkalat ng influenza sa Pransiya tuwing mga Pransesang holiday ng paaralan at itinala na bumaba ang mga kaso ng trangkaso noong nagsara ang mga paaralan at bumalik noong muli silang nagbukas. Itinala nila na noong nagwelga ang mga guro sa Israel noong panahon ng trangkaso ng 1999–2000, bumaba ang pagpapatingin sa doktor at ang bilang ng impeksiyon sa palahingahan nang higit pa sa ikalima at higit pa sa dalawang ikalima ayon sa pagkabanggit.[67]
Noong siklab ng SARS ng 2003, dinagdagan ang mga hakbang ng pandaigdigang pagdidistansiya tulad ng pagbabawal ng malaking pagtitipon, pagsasara ng mga paaralan at teatro, at mga iba pang pampublikong lugar ang mga hakbang ng pampublikong kalusugan tulad ng paghahanap at pagbubukod ng apektadong tao, pagkukuwarentena sa kanilang nakisalamuha, at hakbang sa pagkokontrol ng impeksiyon. Isinama ito sa pagpapasuot ng mask sa mga ilang tao.[68] Noong panahong ito sa Kanada, ginamit ang "kuwarantenang pampamayanan" upang mabawasan ang pagkalat ng sakit na may katamtamang tagumpay.[69]
Noong pandemya ng COVID-19, binigyang-diin ang pagdidistansiyang panlipunan at kaugnay na hakbang ng iilang pamahalaan bilang alternatibo sa ipinatupad na kuwarentena ng mga lugar na naapektuhan nang malubha. Ayon sa pagsubaybay ng UNESCO, higit sa 100 bansa ang nagpatupad ng pagsasara ng paaralan sa buong bansa bilang tugon sa COVID-19, na nakaapekto sa higit sa kalahting pandaigdigang populasyon ng estudyante.[70] Sa Reyno Unido, ipinayo ng gobyerno sa publiko ang pag-iiwas sa pampublikong lugar, at kusang-loob na nagsara ang mga sinehan at teatro upang hikayatin ang mensahe ng gobyerno.[71]
Tumanggi ang iilang tinedyer at batang adulto sa kusang-loob na pagsunod sa mga hakbang ng pagdidistansiya. Sa Belhika, iniulat ng midya na dinaluhan ang isang rave ng hindi bababa sa 300 bago ito pinawatak-watak ng mga lokal na awtoridad. Sa Pransiya, pinagmumulta ng hanggang US$150 ang mga tinedyer na nagpapasyalan. Isinara ang mga dalampasigan sa Florida at Alabama upang watakin ang mga nagpaparti sa bakasyon sa tagsibol.[72] Winatak-watak ang mga kasal sa New Jersay at ipinataw ang curfew ng alas-8 ng gabi sa Newark. Ang New York, New Jersey, Connecticut at Pennsylvania ang mga unang estado na nakatibay ng magkakatugmang patakaran sa pagdidistansiya na nagsara ng mga di-esensiyal na negosyo at naghigpit sa mga malaking pagtitipon. Pinalawig ang mga tagubiling manganlong sa lugar sa California sa buong estado noong 19 Marso. Sa parehong araw dineklara ng Texas ang sakuna sa publiko at nagpataw ng mga paghihigpit sa buong estado.[73]
Nag-udyok ang mga hakbang sa pag-iwas tulad ng pagdidistansiyang panlipunan at pagbubukod ng sarili sa malawakang pagsasara ng mababang, mataas, at lalong mataas na paaralan sa higit sa 120 bansa. Noong pagsapit ng 23 Marso 2020, higit sa 1.2 mag-aaral ang wala sa eskwela dahil sa pagsasara ng mga paaralan bilang tugon sa COVID-19.[70] Dahil sa mababang antas ng impeksiyong COVID-19 sa mga kabataan, kinuwestiyon ang bisa ng pagsasara ng mga paaralan.[74] Kahit pansamantala pa man lang ang mga pagsasara ng paaralan, nagdadala ito ng mataas na gastos sa lipunan at ekonomiya.[75] Gayunpaman, hindi malinaw ang papel ng kabataan sa pagkakalat ng COVID-19.[76][77] Habang hindi pa alam ang buong epekto ng pagsasara ng mga paaralan sa pandemya ng coronavirus, iminumungkahi ng unang ebidensiya na negatibo ang mga epekto ng pagsasara ng paaralan sa mga lokal na ekonomiya at resulta sa pag-aaral para sa mga estudyante.[78][79]
Noong unang bahagi ng Marso 2020, ang sentimentong "Stay The Fuck Home" ay inilikha ni Florian Reifschneider, isang Alemanong inhinyero at mabilisang inulit ng mga kilalang-kilala artista tulad nina Taylor Swift, Ariana Grande[80][81] at Busy Philipps[82] sa pag-asang mabawasan at maantala ang rurok ng siklab.
Sumali rin ang Facebook, Twitter at Instagram sa kampanya na may mga magkatulad na hashtag, sticker, at filter sa ilalim ng #staythefhome, #stayhome, #staythefuckhome at nagsimulang sumikat sa social media.[83][84][85][86] Sinasabi ng websayt na nakaabot na ito sa 2 milyong katao online at sinasabi rin na naisalinwika na ang teksto sa 17 wika.[86]
Mayroong mga ikinababahala ukol sa pagdidistansiyang panlipunan na maaaring magkaroon ng masang epekto sa kalusugan ng isip ng mga nakikilahok.[87] Maaaring humantong ito sa kaigtingan, pagkabalisa, panlulumo, o pagkataranta, lalo na sa mga indibidwal na may dati nang umiiral na kondisyon tulad ng mga diperensiya ng pagkabalisa, di-masupil na paggawi, at paghihinala.[88] Maaaring lumikha ng pagkabalisa ang malawakang pagbabalita ng midya tungkol sa isang pandemya, ang kanyang epekto sa ekonomiya, at mga nagreresultang paghihirap. Ang pagbabago sa kalagayan sa araw-araw at kawalan ng katiyakan ay maaaring dumagdag din sa kaigtingan ng isip dahil sa pagiging hiwalay sa mga ibang tao.[89]
Mula sa pananaw ng epidemiyolohiya, ang pangunahing layunin ng pagdidistansiyang panlipunan ay bawasan ang pangunahing reproduktibong bilang, , na katamtamang bilang ng pangalahawing nahawang indibidwal na nabuo mula sa isang pangunahing nahawang indibidwal sa populasyon kung saan pantay-pantay na madaling tablan ng sakit. Sa isang panimulang modelo ng pagdidistansiyang panlipunan,[90] kung saan ang hagway ng populasyon ay nagsasagawa ng pagdidistansiyang panlipunan upang bawasan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa hatimbilang ng kanilang katamtamang kontak, ang bagong nabisang reproduktibong bilang ay binibigay ng:[90]
Halimbawa, 25% ng populsyon ang nagbabawas ng kanilang pakikipag-ugnayan sa iba patungo sa 50% ng kanilang katamtamang antas ay nagbibigay ng mabisang reproduktibong bilang ng halos 81% ng pangunahing reproduktibong bilang. Isang tila maliit na pagbawas, ngunit makabuluhan sa pag-aantala ng pauliting paglaki at pagkalat ng sakit.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.