nakakaing langis na hinango sa niyog From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang langis ng niyog (o taba ng niyog) ay isang nakakaing langis mula sa mga butil, laman, at gata ng niyog.[1] Sa mga 25 °C (77 °F) o mas malamig na temperatura, isa itong maputi at namuong taba, at sa mas mainit na klima, isa itong likidong langis na malinaw at malabnaw. Amoy-niyog ang mga di-repinadong baryante nito.[2] Ginagamit ang langis ng niyog bilang mantika sa pagluluto, at sa mga pang-industriyang aplikasyon para sa produksyon ng mga kosmetiko at deterhente.[1][2] Mayaman ang langis na ito sa mga asidong taba na may katamtamang kadena.[3]
Dahil mataas ang nilalamang puspos na taba nito, maraming awtoridad sa kalusugan ang nagrerekomenda na limitahan ang pagkonsumo nito bilang pagkain.[2][4][5]
Maaaring makuha ang langis ng niyog sa dalawang uri ng proseso: basa o tuyo.[1] Mas simple (ngunit di-gaanong epektibo siguro), maaaring iprodyus ang langis sa pagpapainit ng laman sa kumukulong tubig o sa init ng araw o apoy.[6]
Sa prosesong basa, ginagamit ang gata na kinuha mula sa hilaw na niyog sa halip na pinatuyong kopra. Naglilikha ang mga protina sa gata ng emulsyon ng langis at tubig.[7] Ang mas mahirap na hakbang ay ang paghihiwalay sa emulsyon upang mabawi ang langis. Dati, nagawa ito sa matagal na pagpapakulo, ngunit nagpoprodyus ito ng kupas na langis at hindi ekonomikal. Sa mga modernong pamamaraan, ginagamit ang mga sentripugo at mga paunang aplikasyon ng lamig, init, asido, asin, ensima, elektrolisis, shock wave, destilasyon sa singaw, o kombinasyon ng mga nabanggit. Kahit may mga iba't ibang baryasyon at teknolohiya sa prosesong basa, di-gaanong kabisa ang prosesong basa kumpara sa prosesong tuyo dahil mas mababa ng 10–15% ang nakukuhang langis mula sa prosesong basa, kahit kung isasaalang-alang ang nawawalang langis dahil sa pagkasira at peste sa prosesong tuyo. Kailangan din ng mga prosesong basa ang pamumuhunan sa kagamitan at enerhiya na magastos sa kapital at pagpapatakbo.[8]
Sa prosesong tuyo, kailangang tanggalin ang laman ng niyog at patuyuin sa apoy, araw, o sa mga tapayan upang makabuo ng kopra.[9] Pinipiga o tinutunaw ang kopra na gumagawa ng langis ng niyog at isang masa na maprotina at mahibla. Masyadong mababa ang kalidad ng masa para kainin ng mga tao. Sa halip nito, ipinapakain ito sa mga ruminante; walang proseso para makuha ang protina mula sa masa.
Mahalaga ang wastong pag-aani ng niyog (maaaring anihin ang niyog kapag 2 hanggang 20 buwan na ang edad nito) dahil may impluwensiya ito sa bisa ng paggawa ng langis. Mas mahirap gamitin ang kopra mula sa hilaw na prutas, at naglilikha ito ng nakabababang produkto na may mas mababang ani.[10]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.