pinag-aagawang kapuluan sa Dagat Kanlurang Pilipinas From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Kapuluan ng Kalayaan[1] o Kapuluang Spratly (Tsino: 南沙群島/南沙群岛; pinyin: Nánshā Qúndǎo; Malay: Kepulauan Spratly; Biyetnames: Quần đảo Trường Sa) ay isang pinag-agawang kapuluan sa Dagat Timog Tsina. Binubuo ng mga pulo, isleta, káyo,[2] at higit sa 100 bahura, minsan nakagrupo sa mga nakalubog na lumang karang,[3] matatagpuan ang kapuluan sa bandang gitna ng mga baybayin ng Pilipinas, Malaysia, at timog Biyetnam. Ipinangalan kay Richard Spratly, ang balyenerong Britaniko noong ika-19 siglo na nakakita ng Pulo ng Spratly noong 1843, mas kaunti pa sa 2 km2 (490 akre) ang lupang natural ng mga isla na nakakalat sa lawak ng higit sa 425,000 km2 (164,000 mi kuw).
Isa sa mga pangunahing kapuluan ang Kapuluang Spratly sa Dagat Timog Tsina na nagpapalubha sa pamamahala at ekonomika sa bahaging ito ng Timog-silangang Asya dahil sa estrahetikong lokasyon nito sa mga daanan ng mga barko. Halos walang nakatira sa mga isla, ngunit napapalibutan ito ng dagat na mayaman sa isda at posibleng may malalaking reserba ng langis at likas na gas,[4][5][6] kaya mahalaga ito sa mga nag-aangkin sa kanilang mga pagtatangka na magtatag ng mga hangganang internasyonal. May mga pamayanang sibilyan sa iilang pulo, ngunit sa halos 45 pulo, isleta, bahura at buhanginan na inookupahan ng mga militar mula sa Malaysia, Tsina (PRC), Taiwan (ROC), Pilipinas, at Biyetnam. Bukod pa rito, nag-angkin ang Brunay ng eksklusibong sonang ekonomiko sa timog-silangang bahagi ng Kapuluang Spratly, kabilang dito ang di-tinatahanang Bahurang Louisa.
Noong 1939, mga isleta sa bahura ang Kapuluang Spratly na pinanirahan ng mga ibong dagat.[2] Kahit nagtataglay ang Kapuluang Spratly ng 18 likas na pulo (tingnan sa baba), ayon sa isang sangguniang Tsino noong 1986, binubuo ang kapuluang Spratly ng 14 pulo o isleta, 6 pampang, 113 bahurang lubog, 35 lubog na pampang at 25 buhanginang lubog.[7]
Kilala ang hilagang-silangang bahagi ng Kapuluang Spratly bilang Dangerous Ground (Lupang Mapanganib) at kakikitaan ng maraming mababang isla, bahurang lubog, at degradadong, lubog na karang na may sagay na kadalasang tumataas bigla mula sa kalaliman ng dagat na higit pa sa 1,000 metro (3,000 tal) – kaya delikadong maglayag sa lugar na iyon.
Halos parehas ang mga pulo; ang mga ito ay káyo (o cay sa Ingles): mga islang buhangin na nabuo sa mga lumang bahura na degradado at nakalubog.
Halos walang masasakang lupa ang Kapuluang Spratly. Halos walang nakatira roon, at iilang pulo lamang ang may permanenteng suplay ng maiinom na tubig.[5][8]
Kabilang sa mga likas na yaman nito ang isda, guwano, langis at likas na gas.[9] Kasama sa mga gawaing ekonomiko ang komersiyal na pangingisda, pagbabarko, pagmimina ng guwano, pagsasamantala ng langis at gas, at mas kamakailan, turismo. Matatagpuan ang Kapuluang Spratly malapit sa ilang mga daanan ng barko.
# | Pangalan ng Pulo | sa Karang | Area (ha.) | Lokasyon | Kasalukuyang inookupahan ng | Tinambakang lupa |
---|---|---|---|---|---|---|
1 | Pulo ng Ligaw | Pampang ng Tizard | 46.00 | 10°23′N 114°21′E | Taiwan (Pulo ng Taiping) | ~6 ha |
2 | Pulo ng Pag-asa | Kapuluang Pag-asa | 37.20 | 11°03′N 114°17′E | Pilipinas (Pulo ng Pag-asa) | |
3 | Pulo ng Likas | Pulo ng Likas | 18.60 | 11°05′N 115°01′E | Pilipinas (Pulo ng Likas) | |
4 | Pulo ng Spratly | Pulo ng Spratly | 13.00 | 08°38′N 111°55′E | Biyetnam (Pulo ng Trường Sa) | |
5 | Pulo ng Parola | Bahura ng North Danger | 12.70 | 11°28′N 114°21′E | Pilipinas (Pulo ng Parola) | |
6 | Pulo ng Pugad | Bahura ng North Danger | 12.00 | 11°26′N 114°20′E | Biyetnam (Pulo ng Song Tử Tây) | ~8 ha |
7 | Pulo ng Rurok | Pampang ng Pagkakaisa | 08.00 | 09°52′N 114°19′E | Biyetnam (Pulo ng Sinh Tồn) | ~1 ha |
8 | Pulo ng Lawak | Pangkat Nanshan | 07.93 | 10°45′N 115°49′E | Pilipinas (Pulo ng Lawak) | |
9 | Pulo ng Bailan | Pampang ng Tizard | 07.00 | 10°23′N 114°28′E | Biyetnam (Pulo ng Sơn Ca) | ~2.1 ha[10] |
10 | Pulo ng Kota | Pampang ng Kota | 06.45 | 10°40′N 114°25′E | Pilipinas (Pulo ng Kota) | |
11 | Bahura ng Celerio | Bahura ng Celerio | 06.20 | 07°22′N 113°50′E | Malaysia (Bahura ng Layang-Layang) | |
12 | Pulo ng Binago | Pampang ng Tizard | 05.30 | 10°11′N 114°22′E | Biyetnam (Pulo ng Nam Yết) | |
13 | Pulo ng Datu Kalantiaw | Pulo ng Datu Kalantiaw | 01.60 | 07°51′N 112°55′E | Biyetnam (Pulo ng An Bang) | |
14 | Pulo ng Julian Felipe | Pampang ng Pagkakaisa | 01.60 | 09°51′N 114°29′E | Biyetnam (Pulo ng Sinh Tồn Đông) | |
15 | Bahura ng Kanluran | Bahura ng Quezon | 01.10 | 08°52′N 112°15′E | Biyetnam (Pulo ng Đá Tây) | |
16 | Bahura ng Gitna | Bahura ng Quezon | 00.88 | 08°56′N 112°21′E | Biyetnam (Pulo ng Trường Sa Đông) | |
17 | Pulo ng Patag | Pangkat Nanshan | 00.57 | 10°49′N 115°49′E | Pilipinas (Pulo ng Patag) | |
18 | Pulo ng Panata | Pampang ng Kota | 00.44 | 10°43′N 114°32′E | Pilipinas (Pulo ng Panata) |
177 ha (440 akre) ang kabuuang lawak ng mga likas na pulo ng kapuluan at 200 ha (490 akre) kapag kasama ang tinambakang lupa.
Ipinakikita ng mga rekord na pinaninirahan ang mga isla ng mga mangingisdang Tsino at Biyetnames sa iba't ibang panahon sa kasaysayan. Noong 1888, pinagkalooban ang Central Borneo Company ng arindamyento o lease upang magguwano "sa Pulo ng Sprattly at Káyo ng Amboyna."[12] Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, inokupahan ito ng mga tropa mula Indotsinang Pranses at Hapon.[13][14][15] Subalit walang talaan ng malalaking pamayanan sa mga isla hanggang 1956, kung kailan nagpasya ang Pilipinong abenturero na si Tomás Cloma, Sr. na "angkinin" ang isang bahagi ng kapuluang Spratly bilang kanya, pinangalanan itong "Free Territory of Freedomland" (Malayang Teritoryo ng Lupang-malaya).[16]
May ebidensiya ng presensiya ng tao sa rehiyon noon pa mang 50,000 taon nakalipas sa Kuwebang Tabon, Palawan. Kaya mahirap sabihin kung kailan unang dumating ang mga tao sa kapuluang ito. Sa loob ng makasaysayang panahon, ilang grupo ang maaaring dumaan o sumakop sa mga pulo. Mula 600 BK hanggang 3 BK, nagkaroon ng migrasyon mula silangan pakanluran ng mga miyembro ng madaragating kultura ng Sa Huỳnh. Maaaring dumaan sila sa mga Kapuluang Spratly habang papunta sila sa Biyetnam. Itong mga migrante ang mga ninuno ng mga Cham, mga taong nag-aaustronesyo na nagtatag ng imperyo ng Lumang Champa na namuno sa dagat na kilala noon ng maraming siglo bilang Dagat Champa.[17][18]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.