![cover image](https://wikiwandv2-19431.kxcdn.com/_next/image?url=https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/c/c5/Celebrating_Eid_in_Tajikistan_10-13-2007.jpg/640px-Celebrating_Eid_in_Tajikistan_10-13-2007.jpg&w=640&q=50)
Eid al-Fitr
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Eid al-Fitr o Eid ul-Fitr (Arabe: عيد الفطر ‘Īdu l-Fiṭr),[2] kadalasang pinapaiksi bilang Eid ay isang kapistahang Muslim na palatandaan ng katapusan ng isang buwang-habang pag-aayuno mula bukang-liwayway hanggang paglubog ng araw ng Ramadan. Itong relihiyosong Eid ang tanging araw sa buwan ng Shawwal kung kailan hindi pinapayagang mag-ayuno ang mga Muslim. Pabagu-bago ang petsa ng pagsimula ng anumang buwan ng Hijri batay sa kung kailan nakikita ang bagong buwan ng mga lokal na relihiyosong awtoridad, kaya nag-iiba-iba ang araw ng pagdiriwang sa bawat lokalidad.
عيد الفطر Eid al-Fitr (ʻĪd al-Fiṭr) | |
---|---|
![]() salusalo para sa Eid al-Fitr, Tajikistan | |
Opisyal na pangalan | Arabe: عيد الفطر, romanisado: ‘Īd al-Fiṭr |
Ipinagdiriwang ng | Islam |
Uri | Islamiko |
Kahalagahan | Hudyat ng pagtatapos ng pag-aayuno sa Ramadan |
Mga pagdiriwang | Panalagin sa Eid, karidad, pagtitipon, salu-salo, pagbibigay ng mga regalo |
Petsa | 1 Shawwal[1] |
Kaugnay sa | Ramadan, Eid al-Adha |
Ang Eid al-Fitr ay may tiyak na salat (Islamikong panalangin) na binubuo ng dalawang rakat (bahagi) na karaniwang isinasagawa sa malawak na parang o malaking bulwagan. Magagampanan lamang ito sa kongregasyon (jamāʿat) at nagtatampok ng anim na karagdagang Takbir (pagtaas ng mga kamay sa tainga habang sinasabi ang "Allāhu ʾAkbar", na nangangahulugang "Pinakadakila ang Diyos") sa paaralang Hanafi ng Sunismo: tatlo sa simula ng unang rakat at tatlo bago ang rukūʿ sa ikalawang rakat.[3] Kadalasan, ang mga ibang paaralan ng Sunni ay may labindalawang Takbir, na sa katulad na paraan, ay hinahati sa mga pangkat ng pito at lima. Sa Shiismo, ang salat ay may anim na Takbir sa unang rakat sa katapusan ng qira'a, bago ang rukūʿ, at lima sa ikalawang Takbir.[4] Depende sa madalubhasang pananaw ng lokalidad, itong salat ay alinman sa farḍ فرض (sapilitan), mustaḥabb مستحب (matinding inirerekomenda) o mandūb مندوب (mas kanais-nais).