From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Malaking Luksong Pasulong (Pangalawang Limang-taong Plano) ng Republikang Popular ng Tsina (PRC) ay isang kampanyang pang-ekonomiya at panlipunan na pinamunuan ng Partido Komunista ng Tsina (CCP) mula 1958 hanggang 1962. Inilunsad ang kampanya ni Tagapangulong Mao Zedong upang itayo muli ang bansa mula sa pansakahang ekonomiya patungo sa lipunang komunista sa pagbubuo ng mga komuna ng tao. Iniutos ni Mao ang karagdagang pagsisikap upang paramihin ang ani ng butil at dalhin ang industriya sa kabukiran. Natakot ang mga lokal na opisyales sa mga Kampanya Kontra sa Makakanan at nakipagkumpetensiya sa pag-aabot o pagsosobra sa kota batay sa mga kalabisang sabihin ni Mao, na nangolekta ng mga "sobra-sobra" na hindi talaga umiral sa katunayan anupat nagutom ang mga magsasaka. Hindi nangahas ang mga nakatataas na opisyales na iulat ang kapahamakan sa ekonomiya na naidulot ng mga patakarang ito, at halos walang aksyon ang mga pambansang opisyales, na nagsisi sa masamang panahon para sa pagbaba sa nagawang pagkain. Nagbunga ang Malaking Lukso ng sampu-sampung milyong nangamatay,[1] na may tinatayang 18 milyon hanggang 45 milyong nangamatay,[2] na siyang ginagawang pinakamalaki ang Dakilang Taggutom sa Tsina sa kasaysayan ng tao.
Dakilang Luksong Pasulong | |||||||||||||||||||||||
---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|
Pinapayak na Tsino | 大跃进 | ||||||||||||||||||||||
Tradisyunal na Tsino | 大躍進 | ||||||||||||||||||||||
|
Kabilang sa mga pangunahing pagbabago sa mga buhay ng mga taong Tsino sa kanayunan ang paunti-unting pagpasok ng sapilitang kolektibisasyon sa agrikultura. Ipinagbawal ang pribadong pagsasaka, at ang mga nakibahagi rito ay inusig at binansagang mga kontra-rebolusyonaryo. Ipinataw ang mga paghihigpit sa mga tao sa kabukiran sa pamamagitan ng mga pampublikong sesyon ng pakikibaka at panggigipit ng lipunan, ngunit nakaranas din ang mga tao ng sapilitang paggawa.[3] Habang naging isa sa mga opisyal na prayoridad ng kampanya ang industriyalisasyon sa kabukiran, nakita na "ang pag-unlad nito .... ay nabigo sa pamamagitan ng mga pagkakamali ng Malaking Luksong Pasulong".[4] Ang Malaking Lukso ay naging isa sa mga dalawang panahon sa pagitan ng 1953 at 1976 kung kailan lumiit ang ekonomiya ng Tsina.[5] Ikinatuwiran ni ekonomistang Dwight Perkins na "napakalaking halaga ng pamumuhunan ay nagbunga lamang ng mga maliliit na pagtaas sa produksyon o wala talaga. ... Sa maikling salita, ang Malaking Lukso ay naging napakamahal na sakuna".[6]
Noong 1959, isinuko ni Mao Zedong ang pang-araw-araw na pamumuno sa mga pragmatikong moderado tulad nina Liu Shaoqi at Deng Xiaoping at pinag-aralan ng CCP ang pinsalang ginawa sa mga kumperensya noong 1960 at 1962, lalo na sa "Kumperensya ng Pitong Libong Kadre". Hindi umatras si Mao mula sa kanyang mga patakaran at sa halip nito ay isinisi niya ang palpak na pagpapatupad at ang mga "makakanan" sa pagtutol sa kanya. Sinimulan niya ang Kilusan ng Edukasyong Sosyalista noong 1963 at Himagsikang Pangkalinangan noong 1966 upang matanggal ang kanyang oposisyon at muling itatag ang kanyang kapangyarihan. Bilang karagdagan, sa ilalim ng kapangyarihan ng Bagyong Nina, gumuho noong 1975 ang dose-dosenang mga prinsa, na itinayo noong Malaking Luksong Pasulong sa Zhumadian, Henan, at nagresulta sa isa sa mga pinakamalaking gawang-taong sakuna sa kasaysayan, na may tinatayang bilang ng nangamatay sa pagitan ng sampu-sampung libo at 240,000.[7][8]
Noong Oktubre 1949, matapos ang pagkatalo ng Kuomintang (Partidong Nasyonalista ng Tsina, pinyin: Guomindang), ipinroklama ng Partidong Komunista ng Tsina ang pagtatag ng Republikang Popular ng Tsina. Agad-agad, sapilitang ipinamahagi mula ang mga lupain ng mga kasero at mas mayayamang magsasaka sa mga pesante. Sa mga sektor ng agrikultura, pininsala ang mga pananim na itinuring ng Paritdo bilang "puno ng kasamaan", tulad ng opyo, at pinalitan ng mga pananim tulad ng bigas.
Sa loob ng Partido, nagkaroon ng mga matinding debate ukol sa muling pamamahagi. Ikinatuwiran ng isang katamtamang pangkat sa partido at Liu Shaoqi, isang miyembro ng Politburo, na dapat unti-unti ang pagbabago at hintayin ng anumang kolektibisasyon ng pesante ang industriyalisasyon, na makabibigay ng makinaryang pang-agrikultura para sa de-makinang pagsasaka. Ikinatuwiran naman ng isang mas radikal na pangkat na pinamunuan ni Mao Zedong na ang pinakamainam na paraan para matustusan ang industrialisasyon ay kung makontrol ng pamahalaan ang agrikultura, at sa gayon matatatag ang isang monopolyo sa pamamahagi ng butil at suplay. Pahihintulutan nito na makabili ang estado sa mababang presyo at makabenta nang mas mataas, at sa gayon, makalikom ng puhunan na kailangan para sa industrialisasyon ng bansa.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.