tinapay o sanwits na Biyetnames From Wikipedia, the free encyclopedia
Sa lutuing Biyetnames, ang bánh mì o banh mi ( /ˈbɑːn miː/,[3][4][5][6] /ˈbæn/;[7][6], 'tinapay') ay isang maikling baguette na may manipis at malutong na balat at malambot at mahangin na tekstura. Madalas itong hinahati nang pahaba at pinapalamanan ng karne at malasang sahog tulad ng submarine sandwich at inihahain tuwing kainan na tinutukoy bilang bánh mì thịt. Kinakain din ang bánh mì na walang laman bilang pangunahing pagkain.
Uri | Sanwits |
---|---|
Lugar | Timog Biyetnam |
Taon | d. 1950[1] |
Pangunahing Sangkap | Biyetnames na baguette (tinatawag ding bánh mì) |
Mga katulad | num pang, khao jee pâté[2] |
|
Ang tipikal na Biyetnames na sanwits ay pusyon ng mga karne at gulay mula sa katutubong lutuin ng Biyetnam tulad ng chả lụa (tsoriso ng Biyetnam), unsoy (kulantro), pipino, inatsarang karots at labanos na pinagsama sa mga kondimento mula sa lutuing Pranses tulad ng pâté, pati sili at mayonesa.[8] Subalit samu't sari ang mga palaman na ginagamit, mula xá xíu (asadong baboy) at kahit sorbetes. Sa Biyetnam, karaniwang inaalmusal o minemeryenda itong mga sanwits.
Ipinakilala ang baguette sa Biyetnam ng mga Pranses noong gitna ng ika-19 na siglo, noong dinastiyang Nguyễn at naging isteypol noong ika-20 siglo. Noong d. 1950, nalinang ang isang Biyetnames na Biyetnames na sanwits sa Saigon na sumikat bilang pagkaing kalye, kilala rin bilang bánh mì Sài Gòn ('sanwits ng Saigon' or 'mala-Saigong bánh mì').[9][10] Kasunod ng Digmaang Biyetnam, pinasikat ng mga Biyetnames sa ibang bansa ang sanwits na bánh mì sa mga bansa tulad ng Australya, Kanada at Estados Unidos. Sa mga bansang ito, karaniwang ibinebenta ito sa mga panaderyang Asyano.
Noon pa mang d. 1830, atestado na ang salitang bánh mì na nangangahulugang "tinapay", sa wikang Biyetnamita sa diksiyonaryo ni Jean-Louis Taberd na Dictionarium Latino-Annamiticum.[11] Ipinakilala ng mga Pranses ang baguette sa Biyetnam, pati na rin mga ibang inihurnong pagkain tulad ng pâté chaud, noong d. 1860, noong simula ng kanilang imperyalismo sa Biyetnam.[12][13] Noong una, bánh tây ang tawag ng mga Hilagang Biyetnames sa baguette, literal na "Kanluraning bánh", habang bánh mì ang tawag ng mga Timog Biyetnames, "de-trigong bánh".[14][15] Ibinanggit ni Nguyễn Đình Chiểu ang baguette sa kanyang tula noong 1861, "Văn tế nghĩa sĩ Cần Giuộc". Dahil sa presyo ng inangkat na trigo, kinonsiderang luho ang mga baguette at sanwits mula sa Pransiya. Noong Unang Digmaang Pandaigdig, dumagsa ang mga sundalo at panustos ng mga Pranses. Kasabay nito, ang pagkagambala sa pag-angkat ng trigo ay nagbunsod sa mga panadero na maghalo ng mumurahing harinang-bigas (na nagpalampot din sa tinapay). Bunga nito, naging posible na tamasahin ang mga ordinaryong Biyetnames ng mga isteypol mula sa Pransiya tulad ng tinapay.[16][17][15] Maraming panaderya ang naghurno nang dalawang beses kada araw, dahil waring napapanis ang tinapay sa mainit at mahalumigmig na klima ng Biyetnam. Inalmusal ang mga baguette at nilahukan ang mantikilya at asukal.[13]
Hanggang d. 1950, magkalapit ang mga sanwits sa mga panlasang Pranses, naging tipikal ang jambon-beurre (palamang hamon at mantikilya) na pinalambot ng mayonesa o pâté (sarsang atay).[16][17][13][2] Partisyon ng Biyetnam noong 1954 ang ikinalipat ng higit sa isang milyong migrante mula Hilagang Biyetnam patungo sa Timog Biyetnam na nagpabago sa lokal na lutuin ng Saigon.[14] Kabilang sa mga migrante sina Lê Minh Ngọc at Nguyễn Thị Tịnh na nagbukas ng maliit na panaderya na pinangalanang Hòa Mã sa Distrito 3. Noong 1958, Hòa Mã ang naging isa sa mga unang tindahan na nagbenta ng bánh mì thịt.[16][18][19] Sa panahong ito, nagsimulang magbenta ang isa pang migrante mula sa Hilaga ng mga tinapay na pinalamanan ng chả (tsoriso) mula sa basket sa isang mobylette,[20] at nagsimulang magbenta ang isang tinadhan sa Lalawigan ng Gia Định (Distrito ng Phú Nhuận sa kasalukuyan) ng mga phá lấu, isang uri ng sanwits.[21] Sa ilang tindahan, pinalamanan ang mga sanwits ng murang kesong Cheddar, na nanggaling sa ayudang pagkain ng mga Pranses na tinanggihan ng mga migrante mula sa Hilaga.[13] Nagsimula ring magbenta ng bánh mì ang mga komunidad ng Biyetnames sa Pransiya.[15]
Pagkatapos ng Pagbasak ng Saigon noong 1975, naging luho muli ang bánh mì.[14] Sa panahon ng tinatawag na "panahon ng subsidyo", kadalasang naghain ang mga phở-hang pag-aari ng pamahalaan ng mga tinapay at bahaw bilang pamutat na humantong sa kasalukuyang gawi ng pagsasawsaw ng quẩy (shakoy) sa phở.[22] Noong d. 1980, ang mga reporma sa merkado ng Đổi Mới ay humantong sa muling pagsilang ng bánh mì, pangunahing bilang pagkaing kalye.[14]
Samantala, dinala ng mga Biyetnames na Amerikano ang bánh mì sa mga lungsod ng Estados Unidos. Sa Hilagang California, pinapurihan sina Lê Văn Bá at kanyang mga anak sa pagpapasikat ng bánh mì sa kapwa Biyetnames at di-Biyetnames na Amerikano sa pamamagitan ng Lee's Sandwiches, ang kanilang kainan sa trak at paspudan, simula noong d. 1980.[15] Minsan inihalintulad ang bánh mì sa mga lokal na sanwits. Sa New Orleans, napanalunan ng isang resipi ng "Biyetnames na po' boy" ang gawad ng 2009 para sa pinakamahusay na po' boy sa taunang Pista ng Po-Boy sa Oak Street.[23] Nagbebenta ang isang restoran ng Philadelphia ng kahawig na sanwits na minamarket bilang "Biyetnames na hoagie".[24]
Mula d. 1970, dumating sa London ang mga Biyetnames na nagsilikas mula sa Digmaang Biyetnam at tinanggap sa mga sentro ng komunidad.[25] Kalaunan, pinagtatagan ang mga lugar sa London tulad ng De Beauvoir Town ng mga matagumpay na kantinang Biyetnames sa Shoreditch kung saan sumikat ang bánh mì pati ang phở mula d. 1990.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.