proseso ng pagpaplano, pagdidisenyo at pagpapatayo ng mga gusali at iba pang istruktura
Ang arkitektura ay ang pamamaraan at produkto ng pagpaplano, pagdidisenyo, at pagtatayo ng mga gusali o ng ibang mga pisikal na istraktura. Ang mga gawaing pang-arkitektura, sa pisikal na kaanyuan ng mga gusali, ay madalas mapapansin bilang mga simbolo ng kultura at bilang sining. Ang mga sibilisasyon sa kasaysayan ay madalas nakikilala sa kanilang mga pambihirang arkitektura na nananatili hanggang sa kasalukuyan.
Ang arkitektura ng Pilipinas ay sumasalamin sa tradisyong pangkasaysayan at kultural sa bansa. Karamihan sa mga kilalang makasaysayang estruktura sa kapuluan ay naiimpluwensiyahan ng arkitekturang Austronesyo, Tsino, Espanyol, at Amerikano.
Ang arkitekturang Tsino ay nagpapakita ng estilo ng arkitektura na umusbong sa paglipas ng panahon sa Tsina, bago kumalat upang maimpluwensiyahan ang arkitektura sa buong Silangang Asya. Mula nang pinagtibay ang estilo sa maagang panahong imperyal, ang mga prinsipyong estruktura ng arkitekturang Tsino ay nanatiling hindi nagbabago, ang pangunahing mga pagbabago ay ang mga palamuti lamang sa detalye. Simula noong dinastiyang Tang, ang arkitekturang Tsino ay nagkaroon ng pangunahing impluwensiya sa mga estilo ng arkitektura ng Hapon, Korea, Mongolia, at Vietnam, at magkakaibang dami ng impluwensiya sa mga estilo ng arkitektura ng Timog Silangan at Timog Asya kabilang ang Malaysia, Singapore, Indonesia, Sri Lanka, Thailand, Laos, Cambodia, at Pilipinas.