From Wikipedia, the free encyclopedia
Si Urduja o Prinsesa Urduja ay isang maalamat na prinsesang mandirigma na kinikilalang bayani sa Pangasinan, Pilipinas.[1][2] Siya ay kinikilala ng mga Pangasinense na ninuno o lola ni Rajah Matanda. Maaaring nagmula sa Sanskrit ang "Urduja" na maaaring mangahulugan na katulad ng mga baryasyon nito na "Udaya," na ang ibig sabihin ay "bukang liwayway" o "Urja" na nangangahulugan ng "enerhiya" o "hininga".[3]
Urduja | |
---|---|
Pamagat | Prinsesa Urduja |
Kasarian | Babae |
Rehiyon | Pangasinan |
Naniniwala ang mga taga-Pangasinan na si Prinsesa Urduja ay isang maganda, bata, edukado at malakas na dalaga na pinamahalaan ang kaharian na tinawag na "Tawalisi".[1] Bilang mabuting punong mandirigma ay pinangunahan niya ang kanyang mga kapwa mandirigma sa larangan ng digmaan.[4]
Isinulat ng isang taga-Morroco na manlalakbay at iskolar na si Ibn Batuta sa kanyang "Cathay and the Way Thither" noong 1916 na siya ay nakapaglakbay sa bansang Tawalisi na hango sa pangalan ng hari nito na si Tawalisi. Dumaong sila sa Kailukari, isang bayan sa Tawalisi, na pinamamahalaan ng babaeng anak ni Tawalisi na nagngangalang Urduja.[1][4][5] Inilahad ni Batuta na si Urduja ay marunong magsalita ng Turkiya at maalam magsulat ng Arabic. Ayon kay Batuta, sinabi ng kapitan ng barkong kanyang sinasakyan na si Urduja ay may kasamang mga kababaihan sa kanyang hukbo na lumalaban na katulad ng mga kalalakihan at magpapakasal si Urduja sa kung sinuman na makatalo sa kanya sa labanan.[5]
Batay sa mga komentaryo ni Dr. Jose Rizal na nakasaad sa kanyang mga liham kay Dr. A. B. Meyer ng Dresden, Alemanya at ng dalubhasa sa kasaysayan na si Austin Craig na kanyang isinulat noong 1916 sa "The Particulars of the Philippines' Pre-Spanish Past", ang Kaharian ng Tawalisi ay tumutukoy sa hilagang kanlurang probinsiya ng Luzon na tinatawag na Caboloan na ngayon ay kilala bilang Pangasinan.[4]
Nakasaad din sa "Stories of Great Filipino" na ang Pangasinan ay naging isang mahalagang kaharian at ito ay minsang pinamahalaan ng isang babaeng nagngangalang Urduja.[4]
Ayon kay Henry Yule na nagsalin ng "Cathay and the Way Thither" kung saan isinaad ni Ibn Batuta ang kanyang mga paglalakbay, ang Tawalisi ay nasa Kaharian ng Soolo o Suluk na nasa hilagang-silangan ng Borneo. Sinasabi naman ng mga iskolar na Pranses na ang Tawalisi ay nasa Isla de Celebes o nasa Tawal na isang isla karugtong ng Bachian na isa sa mga isla ng Moluccas.[4]
May pag-aalinlangan din si Professor Charles Beckingham ng Unibersidad ng London sa diumanong paglalakbay ni Ibn Batuta sa Timog-Silangang Asya at Tsina.[4]
Ang isang serye sa telebisyon sa GMA Network na may pamagat na "Mga Lihim ni Urduja" ay tungkol kay Prinsesa Urduja at sa mga batong hiyas nito.[6][7]
Nagkaroon ng pelikulang animasyon na pinamagatang "Urduja" noong 2008 tungkol sa isang maalamat na prinsesang mandirigma ng Pangasinan na ang mga gumawa ay mga Pilipino gamit ang tradisyunal na likhang kamay na proseso ng animasyon.[8]
Ang Urduja House na ipinangalan kay Prinsesa Urduja ay ang opisyal na tahanan ng gobernador ng bayan ng Pangasinan. Ito din ay tinawag na Princess Urduja Palace noong 1953.[9]
Mayroon din monumento si Urduja sa Hundred Islands National Park sa Lungsod ng Alaminos sa Pangasinan.[10]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.