From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Ulo ng Leon (Ingles: Lion's Head) ay isang tanyag na palatandaang pook na matatagpuan sa Daang Kennon, isang pangunahing lansangang-bayan sa Luzon, Pilipinas na humahantong papunta sa Lungsod ng Baguio. Nakalagak sa Kampo 6 (Camp 6), ang Ulo ng Leon ay may sukat na 40 talampakan ang taas. Nabalak itong buoin ng mga kasapi ng Lions Club ng Lungsod ng Baguio, noong nanunungkulan pa si Luis Lardizabal bilang alkalde ng Lungsod ng Baguio magmula 1969 magpahanggang 1970 at bilang pangulo ng samahan,[1] upang magsilbing simbolo o tatak ng klab sa pook na naturing. Bago ang masining na paglililok, ang batong-apog ay inihanda muna ng isang pangkat ng mga inhinyero at mga minero, pagkaraan nito ang talagang masining na pag-ukit ng harapan o patsada ay ginanap ni Reynaldo Lopez Nanyac, isang Ifugao na alagad ng sining at manlililok ng kahoy mula sa Rehiyong Administratibo ng Cordillera. Ang proyekto ng konstruksiyon ay nagsimula noong 1968 subalit naantala.[1] Ipinagpatuloy ang proyekto noong 1971 ng isa pang naging pangulo ng Lions Club, si Robert Webber,[1] at inilantad sa madla noong 1972.[2]
Ang masasabing "ninuno" ng Ulo ng Leon na kathang-tao ay ang isang malaking batong likas na kahugis ng isang leon, na bago ang pagsapit ng 1972 ay siyang palatandaang pook na napagmamasdan ng mga turista sa Lansangan Kennon papunta sa Lungsod ng Baguio.[3] Subalit, ayon sa artikulong Lion's Head in Baguio City - Philippines, ang kasalukuyang palatandang pook na Ulo ng Leon ay isa ring batong-apog na likas na kahugis ng isang lalaking leon na may buhok sa leeg.[1]
Sumailalim ang Ulo ng Leon sa ilang pagpapalit ng ipinipintang kulay bago ipinanumbalik sa nakaugaliang kulay na ginto at itim. Sa ilang mga kapanahunan ay napintahan ito ng puti at kayumanggi, o dilaw. Napasailalim din ito sa restorasyon pagkalipas na mapinsala dahil sa bandalismo at ng lindol sa Hilagang Luzon noong 1990.[1]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.