isang liping Austronesyo na katutubo sa Pilipinas From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang mga Tagalog[1] (Baybayin: ᜆᜄᜎᜓ) ay isa sa mga pinakamalaking kauriang panlahi at wika sa Pilipinas at ang may pinakamalawak na paglawig sa bansa. Sila ang nangingibabaw na pangkat sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Bulacan, Laguna, Bataan, Quezon, Camarines Norte, Marinduque, at Rizal. May marami ring bilang ng mga Tagalog sa Nueva Ecija, Tarlac, Aurora, Zambales, Mindoro Oriental, Palawan, at Kalakhang Maynila.
Kabuuang populasyon | |
---|---|
Umaabot sa 30 milyon | |
Mga rehiyong may malaking bilang nila | |
Pilipinas, Palau, Estados Unidos (Guam, Hawaii), Canada, at iba pang mga bansa | |
Wika | |
Tagalog (kilala rin sa isang pamantayan nitong tinatawag na Filipino), Inglés, Kastila | |
Relihiyon | |
Katolisismo sa karamihan. Sumunod ang Protestantismo, Budismo, Islam, at mga katutubong paniniwala. | |
Kaugnay na mga pangkat-etniko | |
Iba pang mga mamamayang Pilipino |
Ang karaniwang pinaniniwalaan na pinagmulan ng endonim na "Tagalog" ay ang salitang tagá-ilog, na nangangahulugang "mga tao mula sa [kahabaan] ng ilog" (ang unlaping tagá- na nangangahulugang "nagmula sa" o "katutubo ng"). Gayunpaman, ang paliwanag na ito ay isang maling pagsasalin ng tamang terminong tagá-álog, na nangangahulugang "mga tao mula sa alog ". [2] [3]
Bago ang kolonyal na panahon, ang terminong "Tagalog" ay orihinal na ginamit upang itangi ang mga naninirahan sa ilog (taga-ilog) mula sa mga naninirahan sa bundok (taga-bundok, hindi gaanong karaniwang mga tingues [4]) sa pagitan ng Nagcarlan at Look ng Lamon, sa kabila ng pagsasalita ng parehong wika. Ang mga karagdagang eksepsiyon ay kinabibilangan ng mga kasalukuyang mamamayang Tagalog ng Batangas, na tumutukoy sa kanilang sarili bilang mga tao ng Kumintang – isang pagtatangi na pormal na napanatili sa buong panahon ng kolonyal. [5]
Ang pagkaanib sa isang bayan ay napag-iiba sa pagitan ng mga katutubo nito na tinatawag na tawo, at mga dayuhan na nagsasalita rin ng Tagalog o iba pang mga wika - ay tinatawag na samot o samok. [5] [6]
Simula sa panahon ng kolonyal na Espanyol, ang mga dokumentadong banyagang baybay ng termino ay mula sa Tagalos hanggang Tagalor. [7]
Hindi lubos ang katiyakan sa lahi o lupaing pinagmulan ng mga Tagalog. Iminumungkahi na sila ay nagmula sa kinalalagyan ng kasalukuyang Taal, Batangas. Maaari ding sila ay mula sa lalong timog malapit sa kasalukuyang Kabisayaan. Pinaniniwalaang sila ay mga kaapu-apuhan ng mga taong nagsasalita ng mga wikang Austronesio na nagmula sa lupain ng Taiwan, kagaya ng ibang lahi sa kapuluang napalilibot sa Pilipinas.
Naglunsad ng maraming pag-aaklas laban sa Kastila ang mga Tagalog, at isa sila sa mga pinakamaagang naghimagsik. Isa sa mga panghihimagsik na ito ang isinagawa ng Tagalog na si Apolinario de la Cruz (kilala rin bilang Hermano Pule), na may layuning makapananampalataya.
Noong 1898, maraming mga pinuno ng Himagsikang Pilipino ang mga Tagalog, katulad nina Apolinario Mabini, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, ang unang pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo, at iba pa.
Mula kay Aguinaldo, may apat pang mga Tagalog na nanungkulan bilang pangulo ng Pilipinas: si Manuel L. Quezon (isang mestisong Tsino-Kastila na may antas ng kanunu-nunoang Tagalog), si Jose P. Laurel, si Corazon Aquino, at si Joseph Estrada. Karaniwang kakikitaan ng masiglang pakikiisa, pakikibaka at mga tagumpay ng mga mamamayang Tagalog ang maagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, at kasalukuyan pa ring nakikilahok ang mga ito sa pangkasalukuyang politika at mga gawaing pangkabuhayan sa Pilipinas. Matatag ang pagiging lantad ng mga Tagalog sa pambansang katangian at gawi, sapagkat palagiang pangunahing laman ang mga ito ng mga pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas, na nilalarawang may pagsusumigasig, pagtitiyaga, pagpupunyagi, pagsusumikap, at pagtataguyod ng kasiglahan at katanyagang Pilipino.
Tiyak na malaki ang kaibahan ng kalinangan ng mga Tagalog noong mga kapanahunan bago ang pagdating ng Kastila kung ihahambing sa kasalukuyan.
Marami sa kaugaliang Tagalog ay kinatawan ng ibang mga kultura sa Pilipinas at ang ilan ay nanatiling haligi ng itinuturing na huwarang pag-uugali ng mga Pilipino.
May sadyang kahigpitan sa pagtataguyod ng paggalang at pakikitungo sa kapwa ang mga Tagalog, na makikita sa kanilang mga gawi at kayarian ng kanilang wika. Mahalaga rin sa pagkakabuklod ng kanilang lipunan ang katuwiran at pagpapahalaga sa mga mungkahi at pananaw ng bawa't isa.
Ang mga Tagalog, sa kanilang kasaysayan, ay likas ding nagpamalas ng pag-ibig sa kalayaan at kakayanang makapamuno sa sarili. Ito'y pinatutunayan ng bilang ng mga katauhan mula sa Katagalugang silang namayani sa adhikaing mapalaya ang Pilipinas. Uliran ang kanilang katapangang magkusang lumahok at makidigma sa Himagsikang Pilipino laban sa Kastila at Amerikano, at gayon din noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pagsasaka at pangingisda ang kinagisnang pangkaraniwang kabuhayan ng mga Tagalog, subali't higit na mahalaga sa kanilang lipunan ang pamumuhunan at negosyo. Sa katunayan, itinala ng Kastilang Agustinong prayle na si Martin de Rada ang malawakang kalakalan, ang pagsasaka ng palay bilang pangkabuhayan, at ang pakikiugnay sa pamunuan ng Borneo, na pawang mga kaganapan sa mga pamayanang itinatag ng mga Tagalog, gayon na rin ang paghilig nila sa kalakalan kaysa sa pakikidigma.[8]
Pangunahing pananampalataya ng mga Tagalog ang Kristiyanismo, na mga Romano Katoliko ang karamihan, kasunod ang mga Protestante. Mayroon ding ilang mga Muslim. Maraming mga mestisong Tagalog. Marami sa mga Tagalog ang may halong Intsik at Pilipino, na may maliit na bilang na may mga ninunong Kastila at Amerikano. Tinatawag na Katagalugan ang rehiyon ng mga Tagalog.[1]
Ang pangunahing wikang sinasalita ng mga Tagalog ay ang sarili nilang wikang Tagalog. Ito'y lalong nauuri sa iba't-ibang diyalektong malimit ipangalan sa mga lalawigan at bayan, bagama't halos walang hadlang sa pagkakaunawaan ng mga ito.
Karamihan sa mga Tagalog na may dugong aristokrata at Kastila sa Ternate, Cavite ay nagsasalita ng Ternateñong Chavacano.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.