From Wikipedia, the free encyclopedia
Si Cherry Hazel Sweet Faye Vidal Bautista,[1] (ipinanganak noong Abril 20, 1981[2] bilang Cherry Hazel Agustin[3]), propesyunal na kilala bilang Sheree, ay isang mang-aawit, artista, modelo, manunulat ng awitin, DJ, tagapag-prodyus ng nilalaman at pintor[4] na mula sa Pilipinas. Unang pumasok sa shobis bilang isang mang-aawit at artista sa teatrong musikal, naging sikat siya noong sumali sa puro babaeng pangkat na Viva Hot Babes. Nang naglaon naging regular na artista sa telebisyon at karamihan sa mga teleserye niya ay sa GMA Network at ilan sa mga ito ang Kambal, Karibal, Pinulot Ka Lang sa Lupa at Encantadia.[1] Nagkaroon din siya ng mga teleserye sa ABS-CBN at kabilang dito ang Kadenang Ginto at Imortal.[1] Isa siyang talento ng Viva Artists Agency, Inc.[5]
Sheree | |
---|---|
Kapanganakan | Cherry Hazel Sweet Faye Vidal Bautista 20 Abril 1981 |
Nasyonalidad | Pilipino |
Edukasyon | Pamantasang Ateneo sa Cagayan de Oro |
Trabaho | Mang-aawit, artista, modelo, pintor |
Anak | 1 |
Ipinanganak si Sheree noong Abril 20, 1981[2] bilang Cherry Hazel Agustin[3] sa Cagayan de Oro, Pilipinas.[2] May isa siyang kapatid at panganay si Sheree.[2] Isang militar na may ranggong koronel ang kanyang ama na retirado na.[6] Tiyahin niya ang mang-aawit din na si Jinky Vidal, ang bokalista ng bandang Freestyle[7] at gayon din, malayong kamag-anak niya si Mark Bautista.[6] Parehong kamag-anak niya sina Jinky at Mark sa pamamagitan ng kanyang ina.[6] Una naging mang-aawit si Sheree noong siya ay 16 na taon gulang pa lamang bilang kasapi ng lokal na banda sa Cagayan de Oro na tinatawag na bandang Pick of the Night.[2]
Nagkahiwalay ang kanyang magulang at nakabase ang kanyang ina sa Estados Unidos (partikular sa Fairfax, Virginia) kung saan ipinagpatuloy niya ang karera ng pagkanta sa mga klab sa Colorado at Virginia.[6] Naging miyembro siya ng mga bandang Lost Trailers na regular na nagtatanghal sa klab na Renee's sa Virginia.[2] Sa kalaunan, nagbalik siya sa Cagayan de Oro upang umawit ulit doon.[2] Nagpadala ang kanyang ina ng panustos upang makapagtapos si Sheree ng pag-aral.[6] Nang naglaon, nakapagtapos siya ng Pandaigdigang Pag-aaral (International Studies) sa Pamantasang Ateneo sa Cagayan de Oro.[3]
Noong mga panahon na umaawit siya sa Lungsod Cagayan de Oro (partikular sa isang konsiyertong pang-benipisyo para sa mga sundalo sa Cagayan de Oro), nakita siya ng artistang si Patricia Javier at kinumbinsi siya nito na pumunta ng Maynila upang pumasok sa shobis.[6] Ipinakilala ni Patricia si Sheree (na kilala noon bilang Cherry Hazel Bautista) kay Jessica Rodriguez, na kalaunan naging tagapamahala o manager niya ito[2] at nagbinyag sa kanya ng pangalang Sheree.[6] Hindi nagtagal, napasama siya sa MTV ni Patricia para sa kanyang bagong album upang sumayaw.[8] Naging modelo din siya at naitampok bilang babae sa pabalat (o cover girl) ng magasin na FHM Philippines.[8]
Lumabas din siya bilang isa sa mga tauhan sa teatrong musikal na The Little Mermaid[9] kung saan gumanap siyang isang sirena.[8] Nakasama niya sa tetrong musikal na ito si Carol Banawa, na gumanap na kapatid niya sa palabas.[6] Isinali siya sa pangkat na Viva Hot Babes sa kagustuhan ni Vic del Rosario,[2] ang nagtatag at tagapangulo ng Viva Entertainment, Inc.[10] Nais sana ni Sheree na umawit na lamang siya imbis na mapaseksi sa Viva Hot Babes subalit naisip niya na ito ang mabilis na paraan para makapasok sa shobis.[6] Bagaman, inalok pa rin siya ng Viva ng isang karera sa pagrerekord.[6]
Bilang isang mang-aawit, nailabas niya ang kanyang unang solong album noong 2005 na may pamagat na My Sheree Amour.[11][8] Naitampok ang kanyang buhay sa Magpakailanman, isang palabas ng GMA Network.[6] At nakukuha din siya ng mga proyekto sa naturang himpilan na kabilang dito ang Bubble Gang, Codename: Asero, Lupin, A1 Ko Sa' Yo, Pinulot Ka Lang sa Lupa, Iglot at Encantadia.[12] Sa ABS-CBN, nakagawa rin siya ng mga teleserye tulad ng Kadenang Ginto[13] at Imortal.[14] Sa Imortal, ginampanan niya ang papel na batang Lucille kung saan ang matandang bersyon ay ginampanan ni Vivian Velez[14] na sinasabing kamukha niya.[15]
Sa teatro, gumanap siya kasama ang ka-live-in niya noon na si Gian Magdangal sa pagtatanghal na pinamagatang Rent noong 2010.[16] Muli silang nagkasama sa isang konsiyerto sa entablado noong 2021 nang naging panauhin si Gian sa L’Art De Sheree, ang konsiyerto ni Sheree.[17] Ang konsiyertong iyon ay si Sheree mismo ang nagprodyus.[18] Naging isa rin siyang pintor[19] at nagkaroon siya ng eksibit na pinamagatang My Body, My Art.[20]
Noong 2007, nagkaroon si Sheree ng relasyon sa artista at mang-aawit din na si Gian Magdangal at mayroon silang isang anak.[21] Nagkahiwalay sila noong 2013.[21]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.