From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang panaginip ay ang pansariling karanasan ng mga guni-guning imahen, tunog/tinig, pag-iisip o pakiramdam habang tulog, kadalasang di kusa. May kaugnayan ang panaginip sa mabilisang paggalaw ng mata (rapid eye movement (REM) sa Ingles) habang natutulog, isang magaang anyo ng pagtulog na nangyayari sa bandang huling bahagi ng pagtulog, na kinikilala sa mabilisang pahigang paggalaw ng mata, pagpukaw ng pons, pagtaas ng bilis ng paghinga at pagtibok ng puso, at pansamantalang pagka-baldado ng katawan. Maaari din na mangyari ito sa ibang bahagi ng pagtulog, bagaman hindi ito masyadong pangkaraniwan. Inaakalang may kaugnayan sa panaginip ang hypnogogia, na nangyayari ng kusa habang papalapit sa malalim na pagtulog.
Isang wika ng guni-guning larawan ang panaginip. Mula sa karaniwan hanggang sa walang kabuluhan ang guni-guning larawang ito; sa katotohanan, kadalasang nag-uudyok ang mga panaginip na ito ng artisiko at ibang mga anyo ng inspirasyon. Kabilang sa mga anyo ng panaginip ang mga nakakatakot o nakakabalisa na bangungot at mga erotikong panaginip kasama ang mga sekswal na larawan at panggabing paglalabas.
Naniniwala ang karamihan sa mga siyentipiko na nangyayari ang mga panaginip sa lahat ng tao na may katumbas na kalimitan bawat halaga ng tulog.[1] Kung gayon, kung nararamdaman ng mga indibiduwal na di sila nanaginip o mayroon silang isang panaginip sa isang gabi, dahil ito sa pagkupas ng kanilang alaala sa panaginip. Matatagpuan ang "pagbubura ng alaala" na ito sa aspeto ng kalagayan ng panaginip kapag nagising ang isang tao sa pamamagitan ng maayos na pagpalit mula sa REM na pagtulog hanggang sa delta na pagtulog hanggang sa paggising. Kung nagising ang isang tao mula sa REM na pagtulog (halimbawa sa isang orasan na panggising), malamang na matadaan nila ang panaginip mula sa panahon ng REM na iyon (bagaman malamang di matandaan lahat ng panaginip dahil nangyayari ito sa mga panahon ng REM, na naabala sa mga panahon ng delta na pagtulog na nagiging dahilan ng pagkupas ng alaala ng nakaraang mga panaginip.)
Positibong natiyak na nangyayari ang totoong panaginip sa mga Homo sapiens, ngunit marami ang naniniwala na nanaginip din ang ibang uri ng mga hayop. Tiyak na dumadaan sa REM na pagtulog ang mga hayop, ngunit mahirap na tukuyin ang kanilang pansariling karanasan.[2] Ang armadilyo ang may pinakamahabang panahon ng REM na pagtulog. Tila ang mga mamalya lamang, o pinakamadalas, na nanaginip nang likas, na marahil na may kaugnay sa kanilang mga katangian sa pagtulog.
Madalas nangyayari ang mga panaginip sa REM (rapid-eye movement) na baitang ng pagtulog, kung kailan tila parang gising lang din ang utak. Makikita ang REM sa tuluy-tuloy na galaw ng mata tuwing tulog ang tao. Maaari din namang sa ibang lebel ng pagtulog mangyari ang panaginip, ngunit ang mga panaginip na ito ay madalas hindi gaanong naaalala ng tao.
Ang haba ng isang panaginip ay nag-iiba mula sa ilang segundo lamang hanggang sa 20-30 minuto. Mas naaalala ng tao ang kanyang panaginip kung nagising siya sa REM na baitang ng kanyang pagtulog. Madalas nagkakaroon ng tatlo hanggang limang panaginip ang tao gabi-gabi, at mayroong umaabot ng hanggang pito, ngunit marami sa mga panaginip ay mabilis malimutan. Ang mga panaginip ay humahaba kasabay ng paglalim ng gabi. Sa kabuuang walong oras ng pagtulog, marami sa mga panaginip ay nangyayari sa dalawang oras na itinatagal ng REM.
Sa makabagong panahon, ang mga panaginip ay nakikita bilang koneksyon sa kubling-malay (unconscious). Saklaw nito mula sa mga normal at ordinaryo hanggang sa mga pinakakakaiba at kakatuwa. Ang mga panaginip ay may iba-ibang katangian gaya ng nakakatakot, nakakasabik, mahiwaga, nakakalungkot, animoso, o sekswal. Ang mga pangyayari sa panaginip ay karaniwang wala sa kontrol ng nananaginip, maliban na lamang sa malilinaw na panaginip (lucid dreaming) kung saan may kamalayan sa sarili ang nananaginip. Paminsan-minsan ay nakakapagbigay ng malikhaing ideya o inspirasyon ang mga panaginip.
Ang mga opinyon tungkol sa kahulugan ng mga panaginip ay nag-iiba-iba at nagbabagu-bago sa panahon at kultura. Karamihan sa mga tao ngayon tila ay sinusuportahan ang teoryang Freudian – na ang mga panaginip ay nagsisiwalat ng pag-unawa sa mga natatagong pagnanais at emosyon. Kabilang sa iba pang mga tanyag na teorya ay iyong nagsasabing ang mga panaginip ay nakakatulong sa pagbuo ng alaala, paglutas sa problema, o simpleng produkto lamang ito ng pasumalang aktibidad ng utak. Ang pinakaunang naitalang panaginip ay natagpuan sa Mesopotamia, nakatala sa mga luwad na tabletang tinatayang mahigit 5000 taon na ang tanda. Sa mga kapanahunan ng mga Griyego at Romano, naniwala ang mga tao na ang mga panaginip ay mga direktang mensahe mula sa isa or maraming Diyos, o sa mga nangamatay, at ipinapahiwatig ng mga ito ang hinaharap. Ang ibang mga kultura ay nagsagawa ng dream incubation, isang paraan ng pagpapahinog ng panaginip. Ito ay naglalayong luminang ng mga panaginip na may pangitain.
Si Sigmund Freud, ang bumuo ng disiplina na psychoanalysis, ay marubdob na nagsulat tungkol sa mga teorya ng panaginip at kanilang interpretasyon noong unang bahagi ng 1900. Ipinaliwanag niya na ang mga panaginip ay mga paghahayag ng ating matinding pagnanais at pag-aalala, kadalasang naiuugnay sa mga kinalimutang alaala ng kabataan o mga pagkahumaling. Bukod pa rito, naniwala rin siya na halos lahat ng paksa ng panaginip, kahit ano pa man ang nilalaman, ay kumakatawan sa pagpakawala ng tensyong sekswal. Sa The Interpretation of Dreams (1899), binuo ni Freud ang isang sikolohikal na paraan para maipaliwanag ang mga panaginip, at nagbalangkas rin siya ng serye ng mga gabay upang maintindihan ang mga simbolo at paksa na lumilitaw sa ating mga panaginip.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.