From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Mollusca ay ang pangalawang-pinakamalaking kalapian o phylum ng mga imbertebradong hayop pagkatapos ng Arthropoda, at kilala ang mga miyembro nito bilang mga mollusc o mollusk[lower-alpha 1] ( /ˈmɒləsk/; molluscs at mollusks kung maramihan) sa Ingles, o mga molusko[2]. Kinikilala ang humigit-kumulang na 85,000 na buhay na espesye ng mga molusko. Tinatayaan ang bilang ng mga espesye ng mga posil na mula 60,000 hanggang 100,000 na dagdag na mga espesye.[3] Napakataas ang proporsyon ng mga espesye na hindi nailarawan. Marami pa ring mga taxon ang hindi-gaanong napag-aaralan.[4]
Mollusca | |
---|---|
Isang seleksyon ng mga representatibo ng ilan sa mga mas kilalang klado ng Mollusca. Kaliwa sa itaas, isang chiton (Chiton sp., Polyplacophora); kanan sa itaas, giant Atlantic cockle (Dinocardium robustum, Bivalvia); kaliwa sa ibaba, Florida crowned conch (Melongena corona, Gastropoda); kanan sa ibaba, common cuttlefish (Sepia officinalis, Cephalopoda). | |
Klasipikasyong pang-agham | |
Dominyo: | Eukaryota |
Kaharian: | Animalia |
Superpilo: | Lophotrochozoa |
Kalapian: | Mollusca Linnaeus, 1758 |
Ang mga molusko ay ang pinakamalaking kalapian sa dagat, at bumubuo ang mga ito ng 23% ng lahat ng mga napangalanang organismo sa dagat. Napakarami ring mga molusko ay nakatira sa mga habitat na tubig-tabang at sa lupa. Napakadiberso ang mga ito, hindi lamang sa laki at ang estruktura ng anatomiya, kundi pati sa pag-uugali at habitat. Tipikong hinahati ang kalapian sa 7 o 8[5] na mga klase sa taksonomiya, at sa mga ito, dalawa ay lubusang ekstinto na. Ang mga molusko na cephalopod, tulad ng mga pusit, cuttlefish, at pugita, ay kabilang sa mga pinaka-neurologically advanced sa lahat ng mga imbertebrado—at alinman sa giant squid o ang colossal squid ay ang pinakamalaking espesye ng imbertebrado. Ang mga gastropod o gasteropodo[6](mga suso at slug) ay ang pinakamaraming mga molusko at bumubuo ng halos 80% ng total na mga naklasipikang espesye.
Ang tatlong pinaka-unibersal na mga katangian na sa mga modernong molusko ay isang mantle na mayroong isang cavity na may isang mahalagang cavity na ginagamit para sa paghinga at excretion (ekskresyon), ang pagkakaroon ng isang radula (maliban sa mga bivalve), at ang estruktura ng nervous system (sistemang nerbiyos). Bukod pa sa mga elementong ito, malaki ang dibersidad na ipinapakita ng mga molusko, kaya ibinabase ng maraming mga teksbuk ang mga paglalarawan nila sa isang "hypothetical ancestral mollusc" ("ipotetikong ninunong molusko"). Mayroon itong iisang kabibe na "katulad ng limpet" sa itaas, na gawa sa mga protina at chitin na inirerepuwerso pa ng calcium carbonate, at inilalabas ito ng isang mantle na tumatakip sa buong rabaw sa ibabaw. Binubuo ang ilalim ng hayop ng isang "paa" na muskular. Bagaman coelomate ang mga molusko, karaniwang maliit amg coelom. Ang pangunahing body cavity ay ang hemocoel kung saan dumadaloy ang dugo; sa gayon, karaniwang open o bukas ang kanilang mga sistemang sirkulatoryo. Binubuo ang feeding system ng molusko na "heneralisado" ng isang "dila" na rasping, ang radula, at isang digestive system (sistemang panunaw) na complex o masalimuot kung saan maraming ginagampanang tungkulin ang inilalabas na uhog at mga mikroskopikong mga "buhok" na tinatawag na cilia na binibigyan ng lakas ng mga muskulo. Mayroong dalawang magkapares na mga nerve cord ang heneralisadong molusko, o tatlo sa mga bivalve. Pinapalibutan ng utak, sa mga espesye na mayroon nito, ang esopago. Mayroong mga mata ang karamihan sa mga molusko, at mayroon ang lahat ng mga sensor para sa pag-detect ng mga kemikal, bibrasyon, at ang pagdama. Nakaasa sa external fertilization (pertilisasyon mula sa labas) ang pinakapayak na sistemang reproduktibo ng mga molusko, ngunit nagkakaroon din ng mga baryasyong higit pang complex. Halos lahat ay gumagawa ng mga itlog, at maaaring lumabas mula sa mga ito ang mga trochophore larva, mas complex na veliger larva, o mga maliliit na adult. Reduced ang coelomic cavity. Mayroon silang sistemang sirkulatoryo na open o bukas at mga organo na mukhang bato (kidney) para sa excretion.
Mayroong sapat na ebidensya para sa pagkakaroon ng mga gastropod, cephalopod, at bivalve sa panahong Cambrian, 541–485.4 milyong taon ang nakalipas. Ngunit, parehas pa rin na mga paksa ng mainit na debate ang kasaysayan ng ebolusyon ng paglitaw ng mga molusko mula sa ninunong Lophotrochozoa at pati ang pagdibersipika nila sa tanyag na mga anyo na buháy at posil.
Ang mga molusko ay naging, at patuloy pa ring, nagsisilbi bilang mahalagang mga pagkain para sa mga anatomically modern human. Mayroong panganib ng food poisoning (pagkalason sa pagkain) mula sa mga lason na maaaring malikom sa ilang mga molusko sa ilalim ng mga espesipikong kondisyon, ngunit, at dahil dito, maraming bansa ang may mga regulasyon upang mabawasan ang panganib na ito. Naging pinagkunan din ang mga molusko, nang ilang dantaon, ng mga mahahalagang marangyang kalakal, at ang pinakatanyag sa mga ito ay ang mga perlas, binga, tina na Tyrian purple, at sea silk. Nagamit din ang mga kabibe nila bilang pera sa ilang mga kabihasnang preindustrial.
Minsang itinataguriang mga panganib o peste para sa mga gawain ng tao ang iilang mga espesye ng mga molusko. Kadalasang nakamamatay ang kagat ng blue-ringed octopus, at ang kagat naman ng Octopus apollyon ay nakakadulot ng implamasyon na maaaring magtagal ng higit pa sa isang buwan. Maaari ring makapatay ang sting o kagat ng kaunting mga espesye ng mga cone shell na malalaki at tropikal, ngunit naging mahahalagang mga kasangkapan sa pagsasaliksik sa neurolohiya ang mga kamandag nila na sopistikado ngunit madaling magawa. Nadadala ang schistosomiasis (kilala rin bilang bilharzia, bilharziosis, o snail fever) sa mga tao sa pamamagitan ng mga host na water snail, at nakaaapekto sa humigit-kumulang na 200 milyong tao. Maaari ring maging lubhang mga peste sa agrikultura ang mga suso at slug, at nakasira na nang lubha sa ilang mga ekosistema ang di-sinasadya o sinasadyang introduksyon ng ilang mga espesye ng suso sa bagong mga kapaligiran.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.