Ang Pambansang Ruta Blg. 120 (N120) o Rutang 120 ay isang pambansang daang sekundarya ng sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas. Ini-uugnay nito ang mga lungsod ng Caloocan, Navotas, Malabon, Maynila, at Pasay sa kanlurang bahagi ng Kalakhang Maynila.[1] Sinusundan ng malaking bahagi nito ang Look ng Maynila at dumadaan ito sa Pantalan ng Maynila.
Maraming bahagi ng N120 ay hinahatian ng mga center island na nagsisilbing panggitnang harangan nito. Bumubuo ang ruta sa bahagi ng sangay ng AH26 sa Kalakhang Maynila.
Paglalarawan ng ruta
Alinsunod sa pagtatakda ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH), binubuo ang N120 ng mga sumusunod na bahagi:[2][3][4][5]
Caloocan papuntang Navotas
Ang unang bahagi ng N120 sa lungsod ng Caloocan ay kilala bilang Daang Samson, isang mahalagang daan sa nasabing lungsod at karugtong ng EDSA sa hilaga. Nakadugtong ito sa nasabing lansangan sa pamamagitan ng rotonda ng Bantayog ni Bonifacio (na mas-kilala bilang "Monumento") upang makabuo ng isang deretsong ruta. Pagpasok ng lungsod ng Malabon, tutuloy ang N120 bilang Abenida Paterio Aquino (o Daang Letre), isang pangunahing lansangan sa lungsod na nagsisimula sa samgandaan nito sa Daang Samson at nagtatapos sa Bulebar F. Sevilla sa rotonda ng Gusaling Panlungsod ng Malabon, bagamat ang bahagi ng abenida mula Daang Samson hanggang Daang C-4 ay itinakdang bahagi ng N120 (ang bahaging ito ay kilala rin bilang Kalye Heneral San Miguel). Kapwa bahagi ng Daang Palibot Blg. 4 (C-4) ng sistemang daang arteryal ng Kamaynilaan ang Daang Samson at bahaging Kalye Hen. San Miguel ng Abenida Paterio Aquino.
Dederetso ang Abenida Paterio Aquino papuntang kabayanan ng Malabon, ngunit kapwa liliko ang N120 at C-4 papuntang mga barangay ng Longos at Tañong ng Malabon at lungsod ng Navotas bilang Daang C-4, na tatapos sa Tulay ng Bangkulasi sa ibabaw ng Bambang ng Bangkulasi sa Navotas.
Navotas papuntang Maynila
Paglampas ng Tulay ng Bangkulasi, kilala ang N120 bilang Radial Road 10 (o mas kilala bilang Road 10 o R-10 sa madla), na naglilingkod sa Pantalang Pangingisda ng Navotas (Navotas Fish Port Complex) at mga baybaying komunidad ng Navotas. Pagpasok ng Maynila pagkaraan ng Tulay ng Estero de Marala (sa ibabaw ng Estero de Marala o Estero de Sunog Apog), kilala ang N120 bilang Bulebar Mel Lopez (Mel Lopez Boulevard), isang lansangang may anim hanggang sampung linya na hinahatian ng panggitnang harangan at naglilingkod sa Hilagang Puwerto ng Maynila at mga baybaying komunidad ng Tondo. Tatawrin nito ang Ilog Pasig sa pamamagitan ng Tulay ng Roxas (dating Tulay ng Del Pan). Nagtatapos ang bahaging ito ng N120 sa Anda Circle sa Port Area sa sangandaan nito sa Abenida Andres Soriano. Dating tinawag na Daang Marcos (Marcos Road) ang bahaging ito ng N120.
Kapuwang mga lansangan ay bahagi ng Daang Radyal Blg. 10 (R-10), isang bahagi ng sistemang daang arteryal ng Kamaynilaan. Ito ay ipinanukalang daraan sa mga baybayin ng Maynila, Navotas, at mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Bataan, sa pamamagitan ng isang ipinapanukalang lansangan na tatawaging "Daang Coastal ng Maynila–Bataan" (Manila–Bataan Coastal Road), ngunit dahil tanging natapos lamang ang Bulebar Mel Lopez at Radial Road 10, ipinalalagay ng marami sa madla ang "R-10" bilang alternatibong pangalan ng kapuwang lansangan sa halip ng nakaplano nang sistemang daang radyal.[6] [7] Ang bahagi ng R-10 sa Navotas ay payak na tinatawag na Radial Road 10.
Maynila papuntang Pasay
Tatawid ang N120 sa ibabaw ng Ilog Pasig bilang Tulay ng Roxas (dating Tulay ng Del Pan). Paglampas nito, kilala ang N120 bilang Daang Bonifacio (Bonifacio Drive), isang pangunahing lansangan na dumadaan mula hilaga-patimog sa pagitan ng Intramuros at Pantalan ng Maynila. Dumadaan ito mula Tulay ng Roxas hanggang Abenida Padre Burgos sa Liwasang Rizal. Binabagtas nito ang Abenida Andres Soriano Jr., ang pangunahing daan papuntang Intramuros, sa pamamagitan ng isang rotonda na nangangalang Bilog ng Anda.
Paglampas ng Abenida Padre Burgos, tutuloy ang N120 bilang Bulebar Roxas, ang huling bahagi ng N120. Isa itong mahalagang lansangan at pasyalan (promenade) na may walong linya at nag-uugnay ng pusod ng Maynila sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque. Dumadaan ang paarkong daan sa baybayin ng Look ng Maynila, direksiyong hilaga-patimog mula Liwasang Rizal sa Maynila hanggang Parañaque sa sangandaan nito sa Daang NAIA at NAIA Expressway,[8] bagamat nagtatapos ang N120 sa sangandaan nito sa EDSA. Ang bahaging EDSA-Daang NAIA ng bulebar ay itinakda bilang Pambansang Ruta Blg. 61 (N61) na isang pambansang daang primera ng sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas. Nakilala ang bahaging ito ng N120 sa mga paglubog ng araw (sunsets) nito at hanay ng mga punong niyog. Naging tatak ng turismong Pilipino ang bulebar na kilala rin sa mga lugar tulad ng Manila Yatch Club, mga otel, restoran, gusaling pangkomersiyo, at liwasan.
Mga sanggunian
Mga panlabas na link
Wikiwand in your browser!
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.