From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang kasaysayan ng mundo, sa popular na salita, ay naglalarawan sa kasaysayan ng tao, mula sa paglitaw ng Homo sapiens hanggang sa kasalukuyan na nadetermina mula sa mga nakasulat na talâ. Kung kaya't tinatawag din itong kasaysayan ng tao o kasaysayang pantao, na sa madalíng sabi ay ang kasaysayan ng tao magmula sa pinakamaagang mga kapanahunan hanggang sa kasalukuyan, sa lahat ng mga pook sa ibabaw ng Mundo, na nagsisimula sa Panahong Paleolitiko. Hindi kasáma rito ang hindi pantaong likas na kasaysayan at kasaysayang heolohikal, maliban na lámang dahil sa may kahalagahan ang pagkaapekto ng likás na mundo sa búhay ng mga tao. Kabílang sa kasaysayan ng mundo ang pag-aaral ng nakasulat na mga talâ o rekord, magmula sinaunang panahon pasulong, pati ang karagdagang kaalamang nakamit magmula sa iba pang mga mapagkukunan, katulad ng arkeolohiya. Ang sinaunang naitalang kasaysayan[1] ay nagsisimula sa pagkaimbento, na hiwa-hiwalay ang pagsisimula sa ilang mga lugar sa Mundo, ng pagsusulat, na lumikha sa imprastraktura (saligan at pamamamaraan) para sa nagtatagal at tumpak na paglilipat o transmisyon ng mga alaala, at sa ganitong paraan pati na ang pagpapakalat at paglaki ng kaalaman.[2][3] Subalit, ang mga ugat ng kabihasnan ay umaabot na pabalik sa kapanahunan bago pa ang pagsusulat — ang prehistorya (panahon bago ang nakasulat na kasaysayan) ng sangkatauhan.
Ang prehistorya ng tao ay nagsimula noong Panahong Paleolitiko, o "Maagang Panahon ng Bato". Sa paglaon, noong Panahong Neolitiko (Bagong Panahon ng Bato), dumating ang Rebolusyong Pang-agrikultura (sa pagitan ng 8000 at 5000 BCE) sa Matabang Gasuklay, kung saan unang nagsimula ang mga tao ng masistemang pagsasaka ng mga halaman at pag-aalaga ng mga hayop.[4][5][6] Lumaganap ang agrikultura sa kanugnog na mga rehiyon at umunlad na mag-isa sa iba pang mga lugar, hanggang sa ang mga tao ay naninirahan na bilang mga magsasaka sa pamalagiang mga maliliit na mga pamayanan.[7] Ang kaukol na seguridad at tumaas na produktibidad na nailapat ng pagsasaka ay nagpahintulot sa mga pamayanan upang kumalat. Lumaki sila na anging lalong tumataas na mas malalaking mga yunit na kaalinsabayan ng ebolusyon ng mas mabisa pang mga pamamaraan ng transportasyon.
Ang sobrang mga pagkain ay nakapagdulot ng paghahati ng mga gawain, ng pagkakaroon ng mga taong nasa mataas na uri ng lipunan, at ang pagkakaroon at pag-unlad ng mga lungsod at kasama nito ang kabihasnan. Ang lumalaking kasalimuotan ng mga lipunan ng tao ay nangailangan ng mga sitema ng pagkukuwenta, na humantong sa pagsusulat.[8]
Nagkaroon ng mga kabihasnan sa mga pampang ng mga katawan ng sariwang tubig (mga lawa at mga ilog) na nakapagbibigay ng búhay. Sa pagsapit ng 3000 BCE, nagsimula sila sa Mesopotamia (ang "lupain na nasa pagitan ng mga Ilog Euphrates at Tigris) ng Gitnang Silangan,[9] sa mga pampang ng Ilog Nilo ng Ehipto,[10][11][12] at sa lambak ng Ilog Indus.[13][14][15] Ang kahalintulad na mga sibilisasyon ay maaaring nagsimula at umunlad sa kahabaan ng mga ilog sa Tsina, subalit ang katunayang pang-arkeolohiya para sa malawig na pagtatatag na urbano ay hindi gaanong matiyak.
Partikular ang kasaysayan ng Lumang Mundo (Europa, ngunit pati na rin ang ng Silangang Malapit at Hilagang Aprika) ay pangkaraniwang hinahati sa Sinaunang kasaysayan o Kalaunan, magpahanggang sa 476 CE; ang Gitnang Kapanahunan,[16][17] magmula ika-5 hanggang sa ika-15 mga daantaon, kasama ang Ginintuang Panahong Islamiko (c. 750 CE – c. 1258 CE) at ang maagang Renasimyento sa Europa; ang Maagang Modernong panahon,[18] magmula ika-15 daantaon hanggang sa hulihan ng ika-18 daantaon, kabilang ang Panahon ng Pagpapaliwanag; at ang Panghuling Modernong panahon, magmula sa Rebolusyong Industriyal hanggang sa kasalukuyan, kasama ang Kasaysayang Kontemporaryo.
Sa Europa (at sa mga kasaysayang Kanluranin, ang pagbagsak ng Kanlurang Imperyo ng Roma (476 CE) ay pangkaraniwang itinuturing bílang tanda ng wakas ng Sinaunang panahon at siya namang simula ng Gitnang Panahon, kung kailan (noong bandang taon ng 1300) nagsimula ang Renasimyentong Europeo[19][20] Noong kalagitnaan ng ika-15 daantaon, ang pagkaimbento ni Johannes Gutenberg ng modernong paglilimbag,[21] na gumamit ng tipong naigagalaw, ang nagpausad ng rebolusyon ng komunikasyon, na tumulong sa pagwawakas ng Gitnang Panahon at nagpasimula sa makabagong kapanahunan at sa Himagsikang Pang-agham.[22] Sa pagsapit ng ika-18 daantaon, ang pagkakaipon ng kaalaman at teknolohiya, natatangi na sa Europa, ay umabot sa isang masang kritikal na nagdala ng Rebolusyong Industriyal.[23]
Sa ibang mga bahagi ng mundo, katulad ng sinaunang Silangang Malapit,[24][25][26] sinaunang Tsina,[27] at sinaunang India, magkakaiba ang paglaladlad ng mga pangkasaysayang mga guhit ng kapanahunan. Subalit, sa pagsapit ng ika-18 daantaon, dahil sa malaganap na pandaigdigang kalakalan at kolonisasyon, ang kasaysayan ng karamihan sa mga kabihasnan ng mundo ay naging mahigpit ang pagkakatali sa bawat isa. Sa loob ng huling ikaapat na bahagi ng milenyo, tumulin ang paglaki ng kaalaman, teknolohiya, komersiyo, at ng potensiyal na pagiging mapangwasak ng digmaan, na lumikha ng mga pagkakataon at panganib na kasalukuyang humaharap sa mga pamayanan ng tao na naninirahan sa mundo.[28][29]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.