From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang kartang pamasko, tarhetang pampasko, kard na pangkapaskuhan (Ingles: Christmas card[1]) ay isang uri ng kartang pambati na ipinadadala sa isang tao bilang bahagi na nakaugaliang pagdiriwang ng Pasko. Ginagawa ang pagpapadala nito upang maiparating sa pinadalhang mga mamamayan ang damdaming kaugnay ng panahon ng Kapasakuhan. Kalimitang nagpapadalahan at nagpapalitan ng mga kartang pamasko ang mga tao sa panahon ng mga linggo bago supating ang Disyembre 25 na Araw ng Pasko. Kabilang sa mga nakikilahok sa kaugaliang ito ang mga hindi Kristiyano sa Kanluran man o sa Asya. Nakaugaliang pambati sa loob ng isang kartang pamasko ang may diwang "Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon." May iba pang mga hindi mabilang na pagkakasari-sari ng mga nakatitik at nakalimbag na mga pagbati, na naglalahad ng mga pagpapahalagang pangpananampalataya, tula, panalangin, o taludtod mula sa Bibliya.
Nilikha at idinisenyo ang pinaka-unang kartang pamasko para kay Henry Cole noong 1843. Iginuhit ito ng isang mangguguhit na Ingles mula sa London na si John Calcott Horsley (1817-1903). May tatlong bahagi ang unang kartang pampaskong ito: nagpapakita ang panggitnang bahagi ng isang mag-anak na naghahapunan sa gabi ng Pasko. Yung mga mas maliliit na bahagi na nasa magkabilang gilid ang sila namang naglalarawan ng mga mamamayan na nagsasagawa at nagpapatupad ng mga kahalagan at gawaing maka-Kristiyano, katulad ng pagpapakain sa mga nagugutom at pagbibigay ng mga kasuotan sa mga nangangailangan ng mga ito. Sa ilalim ng tarheta, nakasulat ang isang tanyag na katagang Ingles sa kasalukuyan: A Merry Christmas and a Happy New Year to You - "Isang Maligayang Pasko at isang Manigong Bagong Taon para sa Inyo."[1]
Noong 1880, maraming mga bilang ng mga kartang pambati ang sinimulang mailathala, partikular na ang mga tarhetang pangkapaskuhan at mga pang-Araw ng mga Puso. Kalimitang payak lamang at giniliran ng mga larawan ng mga mistle-toe at mga holly ang mga unang tarhetang pampasko. Nasundan ang mga uring ito ng mga yari sa malalambot at maninipis na mga "papel na puntas" o "papel na tiras". Sa katunayan, mga kartang pang-Araw ng mga Puso ang mga ito na ginamit na rin para sa mga pagdiriwang ng Pasko, Bagong Taon, at mga kaarawan, pero pinalitan lamang ang mga disenyo at mga nilalahad na mga mensahe ayon sa okasyon.[1]
Sa Estados Unidos, itinuturing na "Ama ng Kartang Pamasko ng Amerika" si Louis Prang ng Boston. Isang imigrante mula sa Alemanya si Prang na nagbukas ng unang tindahang palimbagan ng mga tarheta pampatalastas. Dinisenyo niya at ipinagbili ang kaniyang unang kartang pamasko noong 1874. Nakilala ang kaniyang mga tarhetang pamasko sa Estados Unidos at sa Inglatera.[1]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.