Karinyusa ng karneng baka
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang karinyusa ng karneng baka, dyus ng karne ng baka, yago ng karneng baka, o lurit ng karne ng baka[1][2] (Ingles: beef juice) ay ang matubig na katas ng karneng baka na nagmumula sa mismong pinakalaman ng bakang pinaggawaan o pinaghanguan nito. Kaiba ito sa hinangong katas ng karneng baka (tinatawag na beef extract) lamang dahil sa kakauntian ng antas ng halaga bilang pagkain, kanilang pinagmulan, at paraan ng paghahanda. Binubuo ang karinyusa ng karne ng baka ng mga katas na nagmula sa talaga o mismong pinakalaman ng karneng baka, samantalang mga hango o halaw lamang ang nasa payak na katas ng karneng baka. Mas mataas ang kaantasan o kahalagahan bilang pagkain ng lurit ng karne ng baka dahil ito mismo ang mga likidong nagmumula sa hibla o pibra ng masel ng karne, kaya't mas mainam na pagkain para sa mga imbalidong pasyente at sa mga sanggol.[3]
- Tungkol ito sa pagkain, para sa sayaw tingnan ang Karinyosa.
Paghahanda ng karinyusa
Bagaman inihahanda o ginagawa ang produktong ito sa isang pagawaan o pabrika, may mga kaparaanang maisasagawa upang makakuha ng karinyusa ng karneng baka. Tinatadtad o tinitilad ang karne ng baka, at inilalagay pagkaraan sa malamig na tubig. Inilalagay ang nakababad na karne sa isang hindi naiinitang lugar, at pababayaang unti-unting masipsip ng karne ang tubig sa loob ng ilang panahon hanggang sa mamaga ang karne. Pagdaka, kinukuha ang namagang karne at pinipiga ang katas o karinyusa habang nasa loob ng isang telang pigaang muslin o katsa.[3]
Mas matubig ito kaysa payak na inihandang katas ng karne ng baka, subalit mas kumpleto ang katas na nakukuha sa ganitong paraan, partikular na kung ginawa sa kusina ng tahanan.[3]
Kayarian at kahalagahan ng karinyusa
Naglalaman ang hilaw na karinyusa ng karneng bakang gawa sa tahanan ng mga tatlo magpahanggang pitong bahagdan ng materya o sustansiyang pampagkain. Naglalaman ng mas mataas na bahagdan ng protina ang nagmumula sa mga pagawaan o pabrika, na nasa mga pito magpahanggang 30 bahagdan o mahigit pa. Sa Estados Unidos, kabilang sa mga tatak o kompanyang gumagawa ng karinyusang karne ng baka ang Brand's, Valentine's, Armour's (ng Kompanyang Bovril), at Wyeth's. Bagaman mas mataas ang bahagdang pangsustansiyang gawa ng pabrika, isang maginhawang paraan ng pagkatas ng karinyusa ng karneng baka ang inilarawan sa itaas kung ihahanda sa bahay lamang. Mas may kamahalan din ang halaga ng mga inihanda sa mga pagawaan.[3]
Bilang paghahambing, may pagkakahawig ang kahalagahang pampagkain ng karinyusa sa mas may murang halagang puti ng itlog.[3]
Bilang pagkain ng pasyente
Ibinibigay ang karinyusa ng karneng baka sa mga naaangkop na pasyente dahil sa pagiging mas "tunay na pagkain" nito. Nakakapagpasigla din ito ng sistemang panunaw ng tao. Ipinapainom din ang isang kutsarita ng karinyusa isang ulit sa loob ng isang linggo sa mga sanggol na pinasususo o pinadedede ng isterilisado at artipisyal na inihandang gatas.[3]
Tingnan din
Mga sanggunian
Wikiwand in your browser!
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.