Ang inuming nakakalasing, inuming matapang o inuming may alkohol ay isang inumin na naglalaman ng etanol, isang uri ng alkohol at nagagawa sa pamamagitan ng pagbuburo ng mga butil, prutas, o iba pang pinagmumulan ng asukal,[1] tulad ng tuba na mula sa dagta ng mga punong palma kabilang ang puno ng niyog. Ang pagkonsumo ng mga inuming may alkohol, na madalas na tinutukoy bilang "pag-inom", ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa lipunan sa maraming kultura. Ang mga inuming may alkohol ay karaniwang nahahati sa tatlong klase—serbesa, alak, at likidong distilada—at karaniwang nasa pagitan ng 3% at 50% ang nilalamang alkohol ng mga ito.

May mga batas ang karamihan sa mga bansa na kumokontrol sa produksyon, pagbebenta, at pagkonsumo ng mga inuming nakakalasing,[2] at nagtataguyod ang kilusang pagtitimpi laban sa pagkonsumo ng mga inuming may alkohol.[3] Maaaring kailanganin ng mga regulasyon ang pagtatak ng porsyento ng nilalamang alkohol (bilang ABV o proof) at ang paggamit ng babalang tatak. Ipinagbabawal ng ilang bansa ang pagkonsumo ng mga inuming may alkohol, subalit legal ang mga ito sa karamihan ng bahagi ng mundo. Lumampas ang pandaigdigang industriya ng inuming may alkohol sa $1.5 trilyon noong 2017.[4] Isa ang alkohol sa pinakamalawak na ginagamit na gamot panlibang sa mundo, at humigit-kumulang 33% ng lahat ng tao ang kasalukuyang umiinom ng alak.[5] Noong 2015, sa mga Amerikano, 86% ng mga nasa hustong gulang ay nakainom ng alak sa isang punto, kung saan 70% ang umiinom nito noong nakaraang taon at 56% noong nakaraang buwan.[6] Ang ilang iba pang mga hayop ay apektado ng alkohol na katulad ng sa mga tao at, sa sandaling inumin nila ito, muli itong uubusin kung bibigyan ng pagkakataon, kahit na tanging mga tao ang uri ng hayop na kilalang gumagawa ng mga inuming may alkohol na sinasadya.[7]

Isang depresibo ang alkohol na nagdudulot ng euporya sa mababang dosis, binabawasan ang pagkabalisa, at pinatataas ang pakikisalamuha. Sa mas mataas na dosis, nagdudulot ito ng pagkalasing, pagkahilo, kawalan ng malay, o kamatayan. Ang pangmatagalang paggamit ay maaaring humantong sa pagkalulong sa alak o alkohol, mas mataas na panganib na magkaroon ng ilang uri ng kanser, kardiyobaskular na sakit, at pagdependeng pisikal. Ayon sa Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan, pinakamataas ang alkohol na panganib na pangkat na karsinoheno, at walang dami ng pagkonsumo nito ang maaaring ituring na ligtas.[8]

Mga inuming binuro

Thumb
Inihahain ang alak (kaliwa) at serbesa (kanan) sa magkaibang baso.

Serbesa

Ang serbesa o beer ay isang binurong inuming minasang butil. Karaniwan itong ginawa mula sa sebada o isang timpla ng ilang butil at nilagyan ng lasa ng lupalo. Natural ang karamihan sa serbesa na karbonatado bilang bahagi ng proseso ng pagbuburo. Kung distilida ang binurong masa, ang inumin ay nagiging isang espiritu. Ang serbesa ay ang pinakakinukonsumong inuming nakalalasing sa mundo.[9]

Tapuy o alak mula sa bigas

Ang alak mula sa bigas tulad ng tapuy ay isang inuming may alkohol na binuro at posibleng dinistila mula sa bigas, na kinukonsumo sa Silangang Asya, Timog-silangang Asya at Timog Asya. Ang sake, huangjiu, mijiu, at cheongju ay mga sikat na halimbawa ng alak gawa mula sa bigas na mula Silangang Asya.

Alak

Ang alak ay isang inuming binuro na karaniwang ginagawa mula sa ubas. Mayroon ang alak ng mas mahabang proseso ng pagbuburo kaysa sa serbesa at kadalasan ay isang mahabang proseso ng pagtanda (buwan o taon), na nagreresulta sa isang nilalamang alkohol na 9%–16% ABV.

Mga sanggunian

Wikiwand in your browser!

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.

Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.