Remove ads
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang subkontinenteng Indiyano, o, simpleng tinatawag minsan bilang ang subkontinente, ay isang rehiyong pisiyograpikal sa katimugang Asya, matatagpuan sa Platong Indiyano at umuusli tungong timog sa Karagatang Indiyano mula sa Himalaya. Sa heolohiya, may kaugnayan ang subkontinenteng Indiyano sa kumpol ng lupain na bumiyak mula sa Gondwana at sumanib sa kumpol na lupain ng Eurasya noong halos 55 milyong taon na nakalipas.[1] Sa heograpiya, ito ang rehiyong pantangway sa timog-sentral Asya, na nahihiwalay Himalaya sa hilaga, ang Hindu Kush sa kanluran, at ang bulubunduking Arakan sa silangan.[2] Sa heopolitikal, kabilang sa subkontinenteng Indiyano ang lahat o bahagi ng Bangladesh, Bhutan, Indya, Nepal, Pakistan at Sri Lanka, gayun din ang Maldives.
Ang Ingles ng "subkontinente" ay subcontinent at sang-ayon sa Oxford English Dictionary, ipinapahiwatig ng katawagang subcontinent ang isang "subdibisyon ng isang kontinente na may isang natatanging identidad na pang-heograpiya, pampolitika, o pangkalinangan" at ito rin ay isang "malaking kumpol ng lupain na medyo mas maliit sa isang kontinente".[3][4] Ang paggamit nito upang tukuyin ang subkontinenteng Indiyano ay makikita noong unang bahagi ng ika-20 dantaon, nang karamihan ng mga teritoryo ay bahagi ng Indyang Britaniko,[5][6][7] dahil isa itong madaling katawagan sa rehiyon na binubuo ng parehong Indyang Britaniko at mga malaprinsipeng estado sa ilalim ng Britanikong Supremesya.[8][9]
Naging partikular na karaniwan bilang isang katawagan ang subkontinenteng Indiyano sa Imperyong Britaniko at ang mga sumunod dito,[10] habang mas karaniwan ang katawagang "Timog Asya" (o katumbas nito sa Ingles o ibang wika) sa Europa at Hilagang Amerika.[11][12] Sang-ayon sa mga dalubhasa sa kasaysayan na sina Sugata Bose at Ayesha Jalal, nakilala na ang subkontinenteng Indiya bilang Timog Asya "sa mas kamakailan at walang kinikilingang paraan ng pagsasalita."[13] Ipinaliwanag ng Indolohistang si Ronald B. Inden na ang paggamit ng katawagang "Timog Asya" ay nagiging mas malawak na ginagamit yayamang mas malinaw na ipinagkakaiba ang rehiyon mula sa Silangang Asya.[14] Habang ang "Timog Asya," isang mas tumpak na katawagan na sumasalamin sa kontemporaryong pampolitika paghihiwalay ng rehiyon, ay pinapalitan ang "subkontinenteng Indiyano", isang katawagan na malapit na nauugnay sa kolonyal na pamana ng rehiyon. Bilang isang panakip na katawagan, ginagamit ang "subkontinenteng Indiyano" sa tipolohikal na pag-aaral.[15][16]
Simula noong pagkahati ng Indya, kadalasang nakikita ng mga mamamayan ng Pakistan (na naging malaya mula sa Britanikong Indya noong 1947) at Bangladesh (na naging malaya sa Pakistan noong 1971) ang paggamit ng "subkontinenteng Indiyano" bilang opensibo at kahina-hinala dahil sa dominanteng paglagay ng Indya sa katawagan. Sa naturang ito, lalong hindi gaanong ginagamit ang katawagan sa mga bansang iyon. Samantala, maraming analistang Indiyano ang ninais na gamitin ang katawagan dahil sa sosyo-kultural na pagkakapareho ng rehiyon.[17] Tinatawag din ang rehiyon bilang ang "subkontinenteng Asyano,"[18][19] ang "subkontinenteng Timog Asyano,"[20][21] o ang "subkontinenteng Indo-Pak,"[22] gayon din bilang Indya o Kalakhang Indya sa klasiko o bago ang modernong kaisipan.[23][24][25]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.