Ang buhok[1] (Ingles: hair) ay mga mahahabang hibla ng balahibo na matatagpuan sa ibabaw ng ulo ng tao at maging sa balat ng mga ito. Mayroon ding buhok ang mga hayop katulad ng ibon (Ingles: feather), baboy at unggoy ngunit kadalasang balahibo ang tawag dito sa halip na buhok. Balbon, mabuhok o mabalahibo ang tawag sa isang taong maraming balahibo o buhok sa katawan. Bigote (Ingles: moustache o mustache) ang tawag sa buhok sa ibabaw ng pang-itaas na labi, maging sa piltrum, ng tao, samantalang balbas (Ingles: beard) naman ang tumutukoy sa mga buhok na tumutubo sa paligid ng bibig kabilang na ang bigote. Tinatawag ding misay[1] ang bigote o balbas. Balbasarado ang tawag sa isang taong may balbas, samantalang bigotilyo naman ang may bigote (bigotilya kung babae, bagaman hindi ito pangkaraniwan). Bulbol naman ang karaniwang tawag sa buhok sa may kili-kili at iyong nakapalibot sa kasangkapang pangkasarian ng tao o hayop.
Ang bigote ay isang buhok sa mukha na tumutubo sa itaas ng labi. Ang mga bigote ay maaaring ayusin sa pamamagitan ng pagbawas ng buhok at paglalagay ng isang klase ng pomada na tinatawag na moustache wax.
Kasaysayan ng bigote
Ang pag-aahit gamit ang mga pinatalim na bato ay posible mula noong panahong Neolitiko, ngunit ang pinakalumang larawan na nagpapakita lalaking may na-ahit na bigote ay isang sinaunang Iranyanong kabalyero noong ika-3 daangtaon BK.
Sa mga kanluraning kultura, iniiwasan ng mga babae ang pagtubo ng buhok sa mukha. Karaniwan sa mga babaeng ito ay gumagamit ng isang klase ng pagbubunot para matanggal ang mga ito. Sa mangilan-ilang pagkakataon, may mga kababaihang pinapabayaan at tinatanggap ang pagtubo ng mga ito, karaniwang sa pormang tinatawag na bigotilya. Ang Mehikanang alagad ng sining na si Frida Kahlo ay inilarawan ang kaniyang sarili sa kanyang mga obra na mayroong bigote at magkarugtong na mga kilay.
Ang pagkakaroon ng bigote ay nagkaroon ng mga kahulugan sa iba't ibang kultura. Halimbawa, sa maraming ika-20 siglong Arabong bansa, ang pagkakaroon ng bigote ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kapangyarihan, ang balbas naman ay nangangahulugan ng pagiging tradisyonal sa paniniwalang Islam, at ang hindi naman pagkakaroon ng buhok sa mukha ay nangangahulugan naman ng pagiging liberal.
Pagpapatubo at pangangalaga
Ang bigote ay pwedeng maalagaan sa pamamagitan ng pag-aahit ng buhok sa bandang baba at pisngi upang mapigilang maging balbasarado. Sari-saring mga kagamitan ang disenyo para sa pangangalaga ng mga bigote, ilan sa mga ito ay ang labaha, pomada, moustache net, sipilyong pangbigote, suklay na pangbigote, at gunting na pangbigote.
Sa Gitnang-Silangan, nauuso ang paglilipat ng bigote sa pamamagitan ng isang operasyon na tinatawag na follicular unit extraction upang magkaroon pa ng mas malago at mas magandang buhok sa mukha.
Mga pambihirang bigote
Ang pinakamahabang bigote ay pagmamay-ari ni Ram Singh Chauhan ng India na may habang 4.29 na metro. Sinukat ito sa palabas na Lo Show dei Record sa Roma, Italya, noong ika-4 ng Marso, taong 2010.
May pagkakataon na ang isang klase ng bigote ay naiuugnay sa isang indibidwal na halos ito lamang ang kailangan upang makilala siya at wala nang idinadagdag pa para ilarawan siya, gaya sa kaso ni Adolf Hitler. Sa kaso naman nina Groucho Marx at Charlie Chaplin, ang mga bigote na siyang ginamit nila nang matagal na panahon na siyang ikinasikat nila ay artipisyal lamang. Ang bigote ni Kaiser Wilhelm II naman na sobrang pinalaki ay kadalasang kumakatawan sa propagandang Triple Entente.