From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang bangus (milkfish), bangos, o Chanos chanos ay isang uri ng isdang matinik o mabuto subalit nakakain.[1] Isang mahalagang pagkaing isda ang mga ito, na nagmula sa Timog-Silangang Asya. Ito ang kaisa-isang nabubuhay na uri na nasa pamilyang Chanidae. Sinasabing may pitong mga uri na kabilang sa limang karagdagang sari ang nawala na sa mundo.
Bangus | |
---|---|
Klasipikasyong pang-agham | |
Kaharian: | |
Orden: | Gonorynchiformes |
Pamilya: | Chanidae |
Subpamilya: | Chaninae |
Sari: | Chanos Lacépède, 1803 |
Espesye: | C. chanos |
Pangalang binomial | |
Chanos chanos (Forsskål, 1775) | |
Pangkaraniwang magkatulad ang magkabilang gilid at may hugis na naangkop sa mabilisang paglangoy ang pangangatawan ng bangus. Mayroon din itong pinalikpikang buntot na may dalawang sanga at sapat na laki. Lumalaki ang mga ito hanggang sa 1.7 metro at pangkaraniwang nasa 1 metro ang haba. Wala silang mga ngipin at kadalasang kumakain lamang ng alga at mga imbertebrado. Ang lasa ng bangus ay katulad ng sa Coregonus (whitefish).[2]
Namumuhay sila sa Karagatang Indiya at sa kahabaan ng Karagatang Pasipiko, na nagkukumpul-kumpol sa paligid ng mga dalampasigan at mga mabato at mabuhanging anyo ng tubig na malapit sa mga kapuluan. Nabubuhay ang mga punla o semilya (maliliit na isda) sa dagat sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, at pagkatapos ay nangingibang pook patungo sa mga latian na may mga bakawan, sa mga bukana ng mga kailugan (estuwaryo), at kung minsan sa mga laguna din. Nagbabalik sila sa karagatan para tuluyang magsilaki at magkaroon ng kakayahang magparami ng lahi.
Kinakalap ang mga maliliit na bangus mula sa mga ilog at pinalalaki sa mga lawa (palaisdaan) kung saan mabilisan silang lumalaki at pagkatapos ipinagbibiling sariwa, pinalamig, nakadelata, o pinausukan.
Tinatawag na sabalo o lulukso[3] ang mga babaeng bangus na nangingitlog at nagkakalat ng kanilang mga itlog na magiging mga bagong bagus matapos mapertilisahan ng lalaking bangus.
Pambansang sagisag ng Pilipinas ang mga bangus. Sapagkat mabagsik sa pagiging matinik ang mga ito kung ihahambing sa ibang mga pagkaing isda ng Pilipinas, naging tanyag ang pagbili ng mga naalisan ng tinik na mga bangus mula sa mga tindahan at pamilihan. Ang MF Sandoval Trading (Bahay-Kalakal na MF Sandoval) ang nagpasimula ng pagbebenta ng mga naalisan ng tinik na mga bangus sa Lungsod ng Dagupan, Pangasinan. Ginamit ng kompanyang MF Sandoval ang katawagang “bangus na walang tinik” (boneless bangus) upang maging mas mabili at kaaya-aya ang produkto.
Noong 1 Setyembre 2007, ipinagutos ng alkalde ng Dagupan, na tatakan ng “Dagupan bangus” ang katutubong produktong bangus (bonuan bangus) ng Dagupan, upang makilala at hindi maipagkamali ng mga mamimili ang mga ito mula sa ibang mga dayuhang produktong bangus na may mabahong amoy at lasang gilik o putik. Kilala ang Dagupan bilang Ulung-bayang Pamilihan ng Bangus ng Mundo.[4]
Tuwing may kapistahan o ibang okasyon sa Pilipinas, palagiang inihahanda ang relyenong bangus. Pinipili ng tagapaghanda ang pinakamalaking bangus na umaabot sa dalawang paa ang haba.[5]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.