From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Espiritu Santo[1] (literal na Banal na Hininga o Banal na Hangin) o Banal na Ispirito[2] ay isa sa tatlong persona ng Diyos, na kabilang sa tinatawag na Banal na Santatlo[1] sa Kristiyanismong Niseno. Sa Lumang Tipan ng Bibliya, sinasabing masigla ang Espiritu Santo sa paglikha ng daigdig. Pinuno rin ng Espiritu Santo ng mga kapangyarihan ang piling mga tao sa loob ng mga natatanging panahon. Ito ang espiritung kumilos upang makapag-akda ng mga aklat o kasulatan ang mga manunulat sa Banal na Kasulatan. Sa Kristiyanismo, sinasabing nang dahil sa pagkamatay at sa muling pagkabuhay ni Hesus, nabubuhay na sa ngayon ang Espiritu Santo sa lahat ng mga mamamayan ng Diyos. Siya ang nagiging sanhi ng pagiging bago ng mga tao, at siya ring nagtuturo at nagbibigay sa sangkatauhan ng kalayaan sa pagkakaroon ng bagong buhay.[3] Kung kailangan ng tao ng pagliliwanag ng isipan, sa Espiritu Santo ito hinihiling.[1]
Sa Hudaismo, ang Banal na Ispirito ay isang puwersang dibino, katangian at impluwensiya ng Diyo sa uniberso o sa kanyang mga nilalang. Sa Islam, umaakto ang Espiritu Santo bilang ahente ng aksyon o komunikasyong dibino. Sa Pananampalatayang Bahá'í, ang Banal na Espiriu ang intermediyaryo sa pagitan ng Diyos at tao at "ang pagbubuhos ng grasya ng Diyo at ang makinang na mga sinag na nagmula sa Kanyang Pagpapakita".[4]
Ang pariralang wikang Hebreo na ruach ha-kodesh (Hebreo: רוח הקודש, "espiritu santo" na transliterasyon din ang ruaḥ ha-qodesh) ay ginagamit sa Bibliyang Hebreo at mga kasulatang Hudyo upang tukuyin ang espiritu ni YHWH (רוח יהוה).[5] Ang mga katawagang Hebreo na ruacḥ qodshəka, "iyong espiritu santo" (רוּחַ קָדְשְׁךָ), at ruacḥ qodshō, "kanyang espiritu santo" (רוּחַ קָדְשׁוֹ), ay mayroon din (kapag ang paaring hulapi ay dinagdag, ang tiyak na artikulong ha ay tinanggal).
Pangkalahatang tumutukoy ang Banal na Ispirito sa Hudaismo sa aspetong dibino ng propesiya at karunungan. Tumutukoy din ito sa puwersang dibino, katangian, at impluwensiya ng Kataas-taasang Diyos, sa sansinukob o sa kanyang mga nilalang, sa binagay na mga konteksto.[6]
Sa mayorya ng mga Kristiyano, ang Banal na Ispirito ay ang ikatlong[7] persona ng Santatlo: Ang "Trinong Diyos" na ipinamalas bilang Ama, Anak, at Espiritu Santo; na bawat Persona ay Diyos.[8][9][10] Dalawang simbolo mula sa kanonikong Bagong Tipan ang nakakabit sa Espiritu Santo sa ikonograpiyang Kristiyano: isang may pakpak na kalapati at mga dila ng apoy.[11][12] Lumitaw ang bawat paglalarawan ng Espiritu Santo mula sa iba't ibang mga salaysay sa Mabuting Balita; ang una dito ay sa bautismo ni Jesus sa Ilog Jordan kung saan sinasabing bumaba ang Espiritu Santo sa anyong kalapati bilang tinig ng Diyos Ama ang nagsalita ayon sa paglalarawan sa Mateo, Marcos, at Lucas;[11] ang ikalawa paglalarawan ay mula sa araw ng Pentecostes, limampung araw pagkatapos ng Paskuwa kung saan bumaba ang Espiritu Santo sa mga Apostol at ibang tagasunod ni Jesucristo, bilang mga dila ng apoy ayon sa paglalarawan ng Mga Gawa ng mga Apostol,[13] sa pangako ni Jesus sa kanyang pamamaalam.[14][15] Tinatawag na "lantad na epipanya ng Diyos",[16] ang Banal na Ispirito ay ang Isa na nagbibigay sa mga tagasunod ni Jesus ng mga kaloob espirituwal[17][18] at kapangyarihan[19][20] na nagbibigay-daan sa pagpapahayag kay Jesucristo, at ang kapangyarihan na nagdudulot ng pananalig sa pananampalataya.[21]
Ang Banal na Ispirito (Arabe: روح القدس Ruh al-Qudus, "ang Espiritu ng Kabanalan") ay binabanggit ng apat na beses sa Qur'an,[22] kung saan umaakto ito bilang ahente ng aksyon o komunikasyong dibino. Pangkalahang naalinsunod ang interpretasyong Muslim ng Banal na Ispirito sa ibang interpreyasyon batay sa Luma at Bagong Tipan. Sa batay ng kuwento sa ilang Hadith, kinikilala ng ilang Muslim na ito ang anghel na si Gabriel (Arabe: Jibrāʾīl).[23] Ang Espiritu (الروح al-Ruh, na wala ang pang-uring "banal" o "dinakila") ay sinasalarawan, bukod sa iba pang mga bagay, bilang ang malikhaing espiritu mula sa Diyos na binuhay si Adan, at naging inspirasyon sa iba't ibang paraan ng mga mensahero at propeta, kabilang si Jesus, Abraham. Ang paniniwala sa "Santatlo", ayon sa Qur'an, ay pinagbabawal at itinuturing kapalastanganan. Nailalapat din ang parehong pagbabawal sa kahit anumang ideya ng duwalidad ng Diyos (Allah).[24][25]
Mayroon ang Pananampalatayang Bahá'í ng konseptong Pinakadakilang Espiritu, na nakikita bilang kasaganaan ng Diyos.[26] Kadalasan itong ginagamit upang isalarawan ang pagbaba ng Espiritu ng Diyos sa mga mensahero/propeta ng Diyos na kabilang, bukod sa iba pa, sina Jesus, Muhammad at Bahá'u'lláh.[27]
Sa paniniwalang Baháʼí, isang padaluyan ang Espiritu Santo kung saan sa pamamagitan nito ang karunungan ng Diyos ay nagiging direktang naikakabit sa kanyang mensahero, at naisalarawan ito sa iba't ibang mga relihiyon tulad ng nag-aapoy na mababang punongkahoy kay Moises, ang banal na apoy kay Zoroastro, ang kalapati kay Jesus, ang anghel Gabriel kay Muhammad at ang Katuwang ng Langit (Maid of Heaven) kay Bahá'u'lláh (tagapagtatag ng Pananampalatayang Baháʼí).[28] Tinatanggihan sa pananaw ng Baháʼí ang ideya na ang Banal na Espiritu ang isang kasama sa Diyos sa pagka-Diyos, suabalit sa halip, ay ang purong diwa ng katangian ng Diyos.[29]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.