From Wikipedia, the free encyclopedia
Si Bagyong Vicky, kilala sa labas ng Pilipinas bilang Bagyong Krovanh, ay isang mahinang bagyo na nanalasa sa Mindanao at Kabisayaan noong kalagitnaan ng Disyembre 2020. Ito ang ika-22 bagyong pumasok sa Pilipinas sa taóng iyon, at ang una matapos ng lagpas isang buwang pananahimik ng rehiyon matapos mabuo at manalasa si Bagyong Ulysses noong kalagitnaan ng Nobyembre.
Bagyo (JMA) | |
---|---|
Depresyon (Saffir–Simpson) | |
Nabuo | Disyembre 17 |
Nalusaw | Disyembre 24 |
Pinakamalakas na hangin | Sa loob ng 10 minuto: 65 km/h (40 mph) Sa loob ng 1 minuto: 55 km/h (35 mph) |
Pinakamababang presyur | 1000 hPa (mbar); 29.53 inHg |
Namatay | 8 |
Napinsala | US$2.29 milyon (PhP110 milyon) |
Apektado | Pilipinas, Malaysia, Thailand |
Bahagi ng Panahon ng bagyo sa Pasipiko ng 2020 |
Unang tumama si Bagyong Vicky sa Baganga, Davao Oriental ang bagyo noong ika-18 ng Disyembre,[1][2] at sa lungsod ng Puerto Princesa, Palawan naman noong gabi ng ika-19 ng Disyembre.[3][4] Nagpaulan ito sa malaking bahagi ng Mindanao at Kabisayaan, kung saan di bababa sa 8 ang kumpirmadong namatay dahil sa bagyo.[5]
Noong ika-17 ng Disyembre, inulat ng PAGASA ang isang sistemang nabuo sa silangan ng Mindanao.[6][7] Nakita ito sa layong 260 kilometro silangang timog-silangan mula sa lungsod ng Davao. Naging isa itong depresyon noong 2:00 n.u. kinabukasan, ika-18 ng Disyembre, at binigyan ng PAGASA ng pangalang "Vicky," ang ika-22 bagyong pumasok sa Pilipinas ng taóng 2020. Itinaas rin ng JMA ang antas nito nung ding araw na iyon. Bandang 2:00 n.h. ng araw ding iyon, tumama sa Baganga, Davao Oriental ang bagyo.[1][2] Tinahak nito ang rehiyon ng Davao[2] at Caraga[8] buong maghapon. Nasa Dagat Bohol na ito bandang 11:00 n.g. matapos itong lumabas mula sa Misamis Oriental,[9] at binaybay ang kanlurang direksyon[10] patungo sa Dagat Sulu.[11] Gumalaw ito pakanluran hilagang-kanluran habang nasa naturang dagat buong maghapon habang papunta sa Palawan,[12][13] kung saan muli itong tumama sa lupa, sa lungsod ng Puerto Princesa, Palawan, noong 8:00 n.g. ng 19 Disyembre 2020.[3][4] Bandang 2:00 n.u. kinabukasan, nasa Dagat Kanlurang Pilipinas na ito.[14] Lumabas ito sa Sakop na Responsibilidad ng Pilipinas noong 2:00 n.h. ng araw ding iyon, bagamat nakataas pa rin ang Babala sa Bagyo sa Kapuluan ng Kalayaan.[15] Itinaas ng JMA sa oras ding iyon ang antas ni Vicky bilang isang ganap na bagyo, at pinangalanang Krovanh,[16] na sinundan kalaunan ng PAGASA.[17] Ibinaba ng PAGASA at ng JMA ang antas nito sa kani-kanilang mga huling ulat tungkol sa bagyo kinabukasan bago magtanghali, habang patuloy na humihina ang bagyo sa Dagat Timog Tsina.[18][19] Kinabukasan, inilabas na ng JTWC ang huling ulat para sa sistema matapos masira ang karamihan sa pag-ikot ng hangin nito dahil sa di-paborableng paghati sa hangin.[20]
Nagdulot ng pagbaha ang bagyo sa maraming bahagi ng Cebu, Agusan del Sur, Davao de Oro, at Leyte.[21] Dahil sa malawakang pinsala at pagbahang hatid ni Bagyong Vicky, itinuturing ito ng mga lokal na opisyal bilang ang pinakamapaminsalang bagyo sa Mindanao simula noong 2014.[22] Binaha ang mga pananim sa isang barangay sa Davao de Oro, at abot-tuhod din ang baha dahil sa pag-apaw ng isang ilog roon.[23] Dahil sa pagguho ng lupa, di madaanan ang isang kalsada sa bayan ng Monkayo sa Davao de Oro.[24] Sa lalawigan ng Cebu, inilikas ang di bababa sa 1,105 mga residente mula sa Argao, Boljoon, Compostela, Dalaguete, Dumanjug, at sa lungsod ng Danao dahil sa banta ng daluyong.[25] Sa lungsod ng Lapu-Lapu, napilitang ilikas ang 6,000 residente matapos anurin ang 76 na bahay sa dalampasigan.[22] Inilikas naman ang 1,525 na residente mula sa rehiyon ng Hilagang Mindanao, Caraga, at Davao.[26] Di bababa sa dalawa ang nakumpirmang namatay sa Leyte,[27] habang may isa namang namatay sa bayan ng San Francisco, Agusan del Sur.[22] Tatlo naman ang namatay sa Surigao del Sur dahil sa pagkalunod.[5]
Ayon sa NDRRMC, aabot sa PhP110 milyon ang kabuuang pinsala ni Vicky, at 8 ang namatay dahil sa bagyo. 36,030 na residente ang direktang naapektuhan ng bagyo, kung saan 15,803 ang nasa mga evacuation center.[5]
Nagpaulan rin ang natirang kaulapan nito sa Malaysia at Thailand, bagamat wala itong naitalang seryosong pinsala o pagkamatay.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.