Uson (heolohiya)
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang uson[1][2] (na kilala rin bilang pyroclastic density current o pyroclastic cloud sa wikang Ingles[3] at pangiri-kiti sa dayalekto ng wikang Bicolano sa Albay[4]) ay isang napakainit na ulap ng gaas, abo, at tepra na napakabilis na umaagos pababa ng dalisdis ng isang bulkan at kayang lampasan ang anumang mga harang.[5] May bilis itong karaniwang umaabot sa 100 kilometro kada oras (30 m/s) ngunit kaya rin nitong umabot sa hanggang 700 kilometro kada oras (190 m/s).[6][7] Kayang wasakin ng uson ang anumang bagay sa daanan nito bunga ng bigat at bilis (at kung kaya, mataas na momentum) nito.[8][9] Ang temperatura naman nito ay kayang umabot ng 1,000 °C (1,830 °F), sapat upang tumunaw ng bakal at semento.[7][10]
Ang mga uson ang pinakanakamamatay na bulkanikong panganib[11] at nililikha ng partikular na uri ng bayolenteng pagputok ng bulkan. Ang bilis nito'y nakadepende sa densidad, bilis ng inilalabas na materyales ng bulkan, at kung gaano katarik ang dalisdis.