Teorya ng kodigo
From Wikipedia, the free encyclopedia
Teorya ng kodigo (Ingles: coding theory) ang pag-aaral sa mga katangian ng kodigo at ang silbi nito sa ilang partikular na mga gawain. Ginagamit ang mga kodigo sa pagpapaliit ng datos, kriptograpiya, pagtukoy at pagtama sa error, pagpapadala ng datos, at pagtatabi ng datos. Pinag-aaralan sa maraming magkakaugnay na larangan ang mga kodigo, tulad halimbawa sa teorya ng impormasyon, inhinyerang elektrikal, matematika, lingwistika, at agham pangkompyuter, upang makadisenyo ng mga mas magaganda, mabibilis, at maaasahang paraan sa pagpapadala ng datos. Kadalasan, nagagawa ito sa pamamagitan ng pagtatanggal sa mga paulit-ulit o hindi kailangan na mga datos at pagtatama at pagtutukoy sa mga error sa naipadalang datos.[1]
Nahahati sa apat ang pagkokodigo: pagpapaliit ng datos (o pagkokodigo sa pinagmulan), pagkontrol sa error (o pagkokodigo sa daanan), kriptograpiya, at pagkokodigo sa linya. Layunin ng pagpapaliit ng datos na matanggal ang mga hindi kailangan o paulit-ulit na mga datos mula sa pinagmulan upang mabilis itong maipadala sa patutunguhan nito. Halimbawa, pinapaliit ng algoritmong ZIP ang mga file upang maipadala ito sa internet nang mabilis.[2] Samantala, layunin naman ng pagtatama sa error na magamit ang mga paulit-ulit na datos upang masiguro ang mas matibay at di magagambalang pagdaan ng datos sa isang daanan.[3] Halimbawa, ginagamit sa mga compact disc ang kodigong Reed-Solomon upang maitama ang mga nawalang o nagulong datos mula sa pagkiskis o dumi.[4]