Talaan ng mga munisipalidad sa Florida
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Florida ay isang estado sa Katimugang Estados Unidos. May 282 mga lungsod (cities), 109 na mga bayan, at 19 na mga nayon sa estado, sa kabuuang 410 mga nasapi (o nainkorporadang) munisipalidad. Sila ay nakakalat sa 67 mga kondado, dagdag pa ang 66 na mga pamahalaang kondado.[1] Ang Jacksonville ay may tanging pinagsamang pamahalaang lungsod-kondado sa estado,[2] kung kaya walang pamahalaan sa Kondado ng Duval. Ngunit may mas-maliit na mga pamahalaang munisipalidad sa loob ng pinagsamang munisipalidad, tulad ng Baldwin at Jacksonville Beaches.[3] Maliban sa isa, lahat ng mga punong-lungsod ng mga kondado sa estado ay kabilang sa mga nasaping munisipalidad. Ang isa ay Crawfordville na punong-lungsod ng rural na Kondado ng Wakulla.[4] Maaaring tawaging "cities" ("lungsod"), "towns" ("bayan"), o "villages" (nayon), subalit walang pagkakaiba ang mga katawagang ito batay sa batas pang-estado ng Florida, gaano man kalaki ang populasyon, lawak, at ekonomiya.[5][6]
Ang mga pinaka-unang pamayanan na nasapi bilang mga munisipalidad ay St. Augustine at Pensacola, kapuwa noong 1822. Ang pinakabagong pagsasapi ay noong 2006: Loxahatchee Groves at Grant-Valkaria. Ang pinakamalaking munisipalidad batay sa populasyon at lawak ng lupa ay Jacksonville na may 842,583 katao at 874.6 milya kuwadrado (2,265 kilometro kuwadrado). Ang pinakamaliit batay sa populasyon ay Lake Buena Vista na may 10 katao, habang ang pinakamaliit ayon sa lawak ng lupa ay Lazy Lake na may 0.022 milya kuwadrado (0.057 kilometro kuwadrado).[7]