Solstisyo
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang solstisyo ay ang oras kung kailan nararating ng Araw ang pinakahilaga o pinakatimog na iskursiyon na may kaugnayan sa ekuwador selestiyal sa esperong selestiyal. Dalawang solstisyo ang nangyayari taun-taon, sa paligid ng Hunyo 20–22 at Disyembre 20–22. Sa maraming bansa, natutukoy ang mga kapanahunan ng taon ng mga solstisyo at mga ekinoksiyo.
Maaari din na gamitin ang katawagang solstisyo sa mas malawak na kahulugan, bilang ang araw kung kailan ito nangyayari. Ang araw ng isang solstisyo sa alinmang emisperyo ay may pinakamaraming sikat ng araw ng taon (solstisyong tag-init) o pinakakaunting sikat ng araw ng taon (solstisyong tagniyebe) para sa anumang lugar maliban sa Ekwador. Ang mga alternatibong katawagan, na walang kalabuan kung aling emisperyo ang konteksto, ay "solstisyo sa Hunyo" at "solstisyo sa Disyembre", na tumutukoy sa mga buwan kung saan nagaganap ang mga ito bawat taon.[1]
Hinango ang salitang solstisyo sa Latin na sol ("araw") at sistere ("upang tumayo"), dahil sa mga solstisyo, lumilitaw na "tumayo" ang deklinasyon ng Araw; ibig sabihin, humihinto ang pana-panahong paggalaw ng araw-araw na landas ng Araw (tulad ng nakikita mula sa Daigdig) sa limitasyong hilaga o timog bago bumaliktad ang direksyon.