Shiismo
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Shiismo (Islam na Shia Arabe: شيعة Shī‘ah, Shi'a, o Shi'ite) ang pangalawang-pinakamalaking sekta ng Islam na bumubuo sa pagitan ng 10 hanggang 20% ng populasyon ng mga Muslim sa buong mundo o may populasyong mga 130 hanggang 190 milyon.[1] Ang Shia Islam ay matatagpuan sa karamihan ng populasyon sa Azerbaijan, Bahrain, Iran, at Iraq, Lebanon at Yemen.
Ang sektang Shia ay nahahati din sa iba't ibang mga sekta gaya ng teolohikong paniniwala, mga skwela ng batas, mga pilosopikong paniniwala, at mga kilusang espiritwal. Ang sektang Shia ay lumitaw pagkatapos ng kamatayan ni 'Umar Ibnil-Khattab (ang pangalawang kalipa) at ang unang gobyerno at lipunang Shia ay itinatag sa wakas ng ikasiyam na siglo. Bukod sa paniniwala sa Qur'an at mga katuruan ni Muhammad, ang mga Shia muslim ay naniniwala na ang kanyang pamilya, ang Ahl al-Bayt, pati ang kanyang mga inapo na kilala bilang mga imam ay may espesyal na espirituwal at pampolitikang kapangyarihan sa komunidad. Sila ay naniniwala rin na si Ali ibn Abi Talib, pinsan ni Muhmmad at manugang na lalaki, ang una sa mga imam na ito at ang karapatdapat na kahalili ni Muhammad. Bukod dito hindi nila tinatanggap ang pagkalehitimo ng mga naunang tatlong kalipa ng Rashidun. Ang Shia Islam ay nahahati pa sa mga grupong Imami (اثنا عشرية), Ismaili (الإسماعيليون), Zaidiyyah (الزيدية), Alawi (علوية) at Alevi (علوي). Ang Imami ay naniniwala sa mga hinirang na labindalawang imam at sa mahdi o tagapagligtas na sa kanilang paniniwala ay ang ikalabindalawang imam na naglaho at muling magbabalik. Ang Zaidi ay tumatanggap sa unang apat na imam na pinaniniwalaan ng Imami ngunit naniniwalang ang ikalimang imam ay si Zayd ibn Ali. Ang Ismaili ay tumatanggap sa unang limang imam na pinaniniwalaan ng Imami ngunit tumututol sa ikaanim na imam. Para sa mga Ismaili, si Ja'far's na pinakamatandang anak ni Ismail ang ikaanim na imam samantalang ang Imami ay naniniwalang ito ang nakababatang anak na si Musa al-Kazim. Ang Imami ay nahati pa sa mga sektang usulismo, akhabrismo at shaykismo. Ang Ismaili ay nahahati din sa mga sektang Nizari, Mustaali, Dawoodi Bohra, Sulaimani Bohra, Alahvi Bohra, Hebtiahs Borah, Atbai-i-Malak, at Druze.