Seksuwal na pagpili
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang seksuwal na pagpili, na tinatawag ding seksuwal na paghirang o seksuwal na seleksiyon, ay isang diwang ipinakilala ni Charles Darwin sa loob ng kanyang aklat noong 1859 na pinamagatang Hinggil sa Pinagmulan ng mga Uri o On the Origin of Species sa orihinal na pamagat nito sa Ingles, na isang mahalagang elemento ng kanyang teoriya ng likas na pagpili. Ang seksuwal na anyo o uri ng pagpili o paghirang ay:
... nakabatay, hindi sa isang pakikibaka para sa pag-iral, ngunit sa isang pagpupunyagi sa pagitan ng mga lalaki para sa pag-ankin ng mga babae; ang kinalabasan ay hindi kamatayan sa hindi matagumpay na katagisan, subalit mangilan-ngilan o kawalan ng supling[1]
... kapag ang mga lalaki at mga babae ng anumang hayop ay mayroon magkahalintulad na pangkalahatang kinagawian ... subalit magkaiba sa kayarian, kulay, o palamuti, ang ganyang mga pagkakaiba ay pangunahing sanhi ng seksuwal na pagpili.[2]
Kabilang sa mga halimbawa ni Darwin ng seksuwal na seleksiyon ang magayak na mga balahibo ng pabo real, mga ibon ng paraiso, ang mga antler o sungay ng mga lalaking usa, at ang mga buhok sa leeg ng mga lalaking leon.
Malawak na pinalawig ni Darwin ang kanyang unang tatlong pahinang pagtalakay ng Seksuwal na Pagpili sa loob ng kanyang aklat noong 1871 na pinamagatang Ang Pagdating ng Tao at Pagpili na may Kaugnayan sa Pagtatalik (The Descent of Man and Selection in Relation to Sex). Ang akdang ito na may 900 mga pahina at binubuo ng dalawang tomo ay kinabibilangan ng 70 mga pahina hinggil sa seleksiyong seksuwal sa loob ng ebolusyon ng tao, at 500 mga pahina ukol sa seksuwal na paghirang sa ibang mga hayop.[3] Sa pagbubuod, habang ang likas na paghirang ay lumalabas magmula sa pakikihamok upang matirang nabubuhay, ang seksuwal na pagpili ay lumilitaw magmula sa pakikipagtunggali upang makapagparami ng lahi.
Ang pakikibakang seksuwal ay may dalawang mga uri: sa loob ng isa ay nasa pagitan ng mga indibidwal na magkatulad ang kasarian, pangkalahatang mga lalaki, upang mapalayas o mapatay ang kanilang mga kaagawan, ang mga babae ay nananatiling hindi nakikilahok; habang ang sa isa pa, ang pakikipaglaban ay nasa pagitan din ng mga indibidwal na magkatulad ang kasarian, upang mapasigla o maakit ang mga nasa kabilang kasarian, pangkalahatang mga babae, na hindi na nananatiling walang pakialam, subalit namimili ng mas katanggap-tanggap na mga katalik.[4]