![cover image](https://wikiwandv2-19431.kxcdn.com/_next/image?url=https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/3/3f/%2528Pasta%2529_by_David_Adam_Kess_%2528pic.2%2529.jpg/640px-%2528Pasta%2529_by_David_Adam_Kess_%2528pic.2%2529.jpg&w=640&q=50)
Pasta
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang pasta (pagbigkas sa wikang Italyano: [ˈpasta]) ay isang klase ng luglog na kadalasang gawa magmula sa di-inalsang masa ng harinang trigong durum na hinalo sa tubig o mga itlog, hinuhubog na maging pilyego o iba't ibang hugis, at niluluto sa mainit na tubig o sa hurno bago kainin. Minsan, ginagamit ang galapong, o legumbre, katulad ng mga bean o lentil, bilang kapalit ng harinang trigo para magkaroon ng ibang lasa at pagkakahabi, o bilang alternatibong awangluten. Pangunahing pagkain ang pasta sa lutuing Italyano.[1][2]
- Para sa ibang gamit, tingnan ang Pasta (paglilinaw).
![]() Koleksyon ng iba't ibang baryante ng pasta | |
Uri | Pangunahing sangkap para sa maraming putahe |
---|---|
Lugar | Italya |
Pangunahing Sangkap | trigong durum harina |
Karagdagang Sangkap | Tubig, mga itlog |
Baryasyon | Pastang galapong, Pastang legumbre |
|
Inihahati ang pasta dalawang malawak na kategorya: tuyo (pasta secca) at presko (pasta fresca). Komersyal na binubuo ang karamihan sa tuyong pasta sa pamamagitan ng prosesong ekstrusyon, ngunit maaari itong ihanda sa bahay. Tradisyonal na binubuo ang preskong pasta gamit ang kamay, minsan na may tulong mula sa mga simpleng makina.[3] Komersyal na binubuo ang mga preskong pasta na ibenebenta sa mga groseri sa pamamagitan ng malalaking makina.
Mayroong iba't ibang hugis at baryante ang mga pastang tuyo at presko, na may 310 tiyak na anyo na kilala sa higit 1300 dokumentadong pangalan.[4] Sa Italya, nag-iiba ang mga pangalan ng espesipikong hugis o klase ayon sa lugar. Halimbawa, kilala ang anyong cavatelli sa 28 magkakaibang pangalan depende sa bayan at rehiyon. Kabilang sa mga karaniwang anyo ng pasta ang mahaba at maikling hugis, mga tubo, mga patag na hugis o pilyego, maliliit na hugis para sa sabaw, mga nilalayong ipuno o palamanan, at espesyal o hugis pandekorasyon.[5]
Bilang kategorya sa lutuing Italyano, klasikal na ginagamit ang mga pastang tuyo at presko sa isa sa mga tatlong inihahanda na putahe: pasta asciutta (o pastasciutta), lutong pasta na inihahain na may komplementaryong sarsa o pampalasa; ang ikalawang pag-uuri ng mga putaheng pasta ay pasta in brodo, kung saan bahagi ang pasta ng isang malasabaw na putahe. Ang ikatlong kategorya ay pasta al forno, kung saan isinasama ang pasta sa isang putahe na iniluluto sa hurno.[6] Karaniwang payak ang mga putaheng pasta, ngunit nag-iiba ang paghahanda ng mga iba't ibang putahe. Inihahain ang ilang putaheng pasta bilang maliit na unang kurso o para sa mga magagaang tangahalian, katulad ng mga ensaladang pasta. Maaaring palakihin ang mga ibang putahe at ihain sa hapunan. Gayundin, maaaring mag-iba ang mga sarsa ng pasta ayon sa lasa, kulay, at pagkakahabi.[7]
Sa mga tuntunin ng nutrisyon, ang nilutong payak na pasta ay 31% karbohidrata (halos gawgaw ang lahat), 6% protina, at mababa sa taba, na may kainamang dami ng mangganeso, ngunit kadalasang kaunti lamang ang mga mikroalimento ng pasta. Maaaring payamanin o patibayin ang pasta, o igawa mula sa mga whole grain.