Ang masahe ay paghagod o paghimas ng mga malambot na himaymay ng katawan, kabilang dito ang balat, kalamnan, at kasukasuan.[1][2] Karaniwang ipinangmamasahe ang mga kamay, daliri, siko, tuhod, baraso, paa o isang aparato.[3][4] Pampatanggal ng istres o sakit sa katawan ang mga karaniwang layunin ng masahe.[5][6] Masahista ang tawag sa mga taong nagpadalubhasa sa pagmamasahe.[7]

Thumb
Pagmamasahe ng likod sa isang spa

Sa mga sitwasyong propesyonal, minamasahe ang mga kliyente habang nakahiga sa lamesa, nakaupo sa silya, o nakahiga sa sinapinang sahig.[8] Samut't sari ang mga modalidad sa industriya ng pagmamasahe, kabilang dito ang (ngunit hindi limitado sa): pagdidiin sa kalamnan, pagsasaid ng kulani, medikal, pang-isport, integrasyong estruktural, Suweko, Taylandes at trigger point.[9]

Mga uri at pamamaraan

Akupresyon

Ang akupresyon ay isang paraan na nahahawig sa akupungktura. Batay ito sa konsepto ng buhay-enerhiya na dumadaloy sa mga "meridyano" ng katawan. Sa masasheng ito, dinidiinan ang mga puntong akupungktura sa layuning malinis ang mga bara sa mga meridyanong iyon. Maaaring ipangdiin ang mga daliri, palad, siko, daliri ng paa o mga iba't ibang aparato.

Iminungkahi ng ilang medikal na pag-aaral na maaaring makatulong ang akupresyon sa paglutas ng pagduduwal at pagsusuka, sa pagbawas ng sakit sa sasapnan, ulo, tiyan, bukod sa iba pang mga bagay, bagama't napatunayang may mataas na posibilidad ng pagkiling ang mga naturang pag-aaral.[10]

Suweko

Thumb
Paaralan ng pagmamasahe sa Estonya na nagtuturo ng pagmamasaheng Suweko.

Ang pinakakilala at pinakakaraniwang kategorya ng pagmamasahe ang masaheng Suweko. Nag-iiba ang mga teknik sa masaheng Suweko mula magaan hanggang madiin.[11] Limang uri ng hagod ang ginagamit ng masaheng Suweko. Ang mga limang saligang hagod ang effleurage (pagdausdos), petrissage (pagmasa), tapotement (maindayog na pagtapik), pagdiin at pagyugyog.[12]

Inaakala na si Per Henrik Ling ang nagbuo ng masaheng Suweko, ngunit si Johann Georg Mezger, isang Olandes na praktisyoner, ang nagpangalan ng mga salitang Pranses sa mga saligang hagod.[13] Ginagamit lang ang "masaheng Suweko" o "Swedish massage" sa mga bansang nag-iingles at nag-oolandes, at sa Ungriya. Sa ibang lugar, tinatawag itong "masaheng klasiko".

Natuklasan ng mga klinikal na pag-aaral na ang masaheng Suweko ay nakababawas ng talamak na sakit, pagod,[14][15] paninigas ng kasukasuan at nakabubuti sa pagkilos ng mga pasyente na may osteoartritis sa tuhod.[16]

Paggamit sa medisina at terapiya

Ang mga pangunahing propesyonal na nagmamasahe sa panterapyutikang paraan ay mga masahista, tagapagsanay sa palakasan, terapistang pisikal at mga praktisyoner ng mga tradisyonal na Tsino at iba pang silanganing medisina. Nagtatrabaho itong mga praktisyoner sa mga iba't ibang tagpuang medikal at maaaring pumunta sa mga pribadong tirahan o negyoso.[17] Kabilang sa mga kontraindikasyon sa masahe ang namumuong dugo sa ugat, mga sakit sa dugo o pag-iinom ng warfarin, mga napinsalang daluyan ng dugo, nanghihinang buto mula sa kanser, osteoporosis, o nabaliang buto, at lagnat.[17]

Mga benepisyo

Thumb
Pagmamasaheng de-brotsa habang nakababad sa langis

Ipinakita ng mga nirepasong pananaliksik sa medisina na kabilang sa mga benepisyo ng pagmamasahe ang pampawala ng kirot, pagbawas sa pagkabalisa at depresyon, at pansamantalang pagbaba sa presyon ng dugo, pintig ng puso, at kabalisahan.[18] Ipinakita rin ng karagdagang pagsisiyasat ang agarang pagtaas at pagbilis ng paggaling ukol sa paggana ng mga kalamnan.[19] Kabilang sa mga teorya ng maaaring magawa ng pagmamasahe ang pinabuting regenerasyon at pagpapanibagong-hubog ng mga kalamnan sa buto,[20] paghaharang sa nosisepsyon,[21] pag-aaktiba sa parasimpatikong sistemang nerbiyos, na nagpapasigla sa paglabas ng mga endorpina at serotonina, na humahadlang sa fibrosis[22] o peklat, pagtataas ng daloy ng limpa, at pagpapabuti ng tulog.[17][23]

Mga sanggunian

Wikiwand in your browser!

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.

Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.