From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang dasal (mula sa Kastilang rezar), dasalin, dalangin, panalangin o orasyon ay ang mga salita, kataga, pangungusap o kahilingang sinasambit ng taimtim o bantad upang humingi ng tulong mula sa diyos o may-kapal o anumang pinaniniwalaang mataas at makapangyarihang nilalang. May mga dasal ang bawat relihiyon at mamamayan.[1] Kung susuriing mabuti, sinasabi na may pagkakaiba ang dasal mula sa isang panalangin. Na ang pananalangin ay hindi pinaghandaan at biglaan ang pagkakasambit ng mga pangungusap, samantalang ang dasal naman ay mga tinandaang mga pangungusap na inaalay sa Diyos.[2]
Pangunahing dahilan ng pananalangin ang pagkakaroon ng pangangailangang pang-espiritu. Isa itong paraan ng pakikipag-ugnayan sa isang nilalang na itinuturing na "banal at walang hanggan". Ang dasal ay nakapagbibigay ng patnubay, ng karunungan, kaaliwan sa panahon ng kalungkutan o pagdurusa, ng kapatawaran, ng kakayanang makapagpasya, ng lakas ng loob, ng tulong na pangkalusugan, at ng mga kasagutan sa mga katanungan.[3]
Para kay Mahatma Gandhi, ang panalangin ay isang susi para sa pagbubukas ng bagong umaga, at isang kandado para sa gabi. Idinagdag pa niya isa itong aliyansa sa pagitan ng Diyos at ng tao. Nasabi niya ito dahil naniniwala siyang iniligtas ng pagdarasal ang kanyang buhay at isipan. Para pa rin sa kanya, nanggagaling sa dasal ang kapayapaan, dahil maaaring mabuhay ang tao na hindi kumakain sa loob ng ilang mga araw, subalit hindi mabubuhay ang tao kapag hindi nagdarasal.[4]
Kapag ninanais ni Hesus na makapagdasal, inilarawan sa Bagong Tipan ng Bibliya ang ilang mga pagkakataong ginawa ni Hesus upang maisagawa ito. Sa Ebanghelyo ni Lukas (Lukas 5:16), pumunta si Hesus sa mga lugar na walang ibang tao. Sa Lukas 6:12, nagpunta si Hesus sa isang bundok upang magdasal sa magdamag. Mayroon ding mungkahi si Hesus kung paano makapagdarasal ang isang tao, isang suhestiyon niya ang pagpipinid ng pinto habang nagdarasal sa loob ng sariling silid. Idinagdag pa niya, ayon sa Ebanghelyo ni Mateo (Mateo 6:6), na magdasal ng lihim sa Diyos Ama.[4] Ang pagdarasal ay maaaring gawin na mag-isa lamang o sa loob ng isang pangkat ng mga tao. Maaaring gawin ang pananalangin sa loob ng isang simbahan, isang templo, isang sinagoga, isang moske, at isang dambana. May mga nagdarasal, ayon sa relihiyon, na may luhuran o tuntungang banig, rosaryo, gulong ng dasal, larawan, aklat-dasalan, o mga dasal na nakasulat sa maliit na tablang nakasabit sa isang pook.[3]
Mayroong pitong mga uri ng panalangin. Kabilang dito ang mga sumusunod:
Sa Hudaismo, mahahanap ang mga panalangin (Ebreo: תפלה, tfila) sa isang sidur (Ebreo: סידור), o aklat ng mga panalangin.
Sa Kristiyanismo, isang pakikipag-ugnayan o pakikipag-usap ng tao sa Diyos ang dasal. Karaniwang nagsisimula at nagtatapos ang taong nanalangin sa pamamagitan ng pagaantanda ng krus.[6] Kailangang gawin ito kahit na nalalaman ng Diyos ang lahat ng tungkol sa bawat isang tao, sapagkat isang paraan ang pananalangin upang masabi ng nagdarasal sa Diyos ang kaniyang mga suliranin at damdamin. Ang ganitong paraan ng pagpapahayag ang siyang pinakamahusay na dahilan kung bakit isinasagawa ang pagdarasal. Maihahambing ang Diyos sa isang matalik na kaibigang nakakakilala na nang lubos sa taong nananalangin. Karaniwang sa isang kalapit na kaibigan nakapaglalahad ang isang tao ng kaniyang mga sariling problema.[7]
Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng mga panalanging Kristiyano na nasa wikang Tagalog:[6][8]
Bahagi rin ang mga dasal na ito ng pagrorosaryo.[9]
Sa pang-Abril 2009 na labas ng Reader's Digest, inilathala ng magasing ito sa bahaging Around the World with One Question ("Paglibot sa Mundo na May Isang Katanungan") ang pangsandaigdigang estadistikang may kaugnayan sa kung gaano kadalas magdasal ang mga tao sa buong daigdig (How Often Do You Pray?). Ayon sa ulat ng babasahin, may pagkakaiba ang gawi sa pananalangin ng mga mamamayang nasa Kanluran at Silangang bahagi ng globo. Sa pagbubuod, mas mahigit ang mga nanalanging mga taong nasa Silangan (Asya) araw-araw, na pinangungunahan ng Malaysia, Pilipinas, at Indiya. Sa Kanluraning bahagi ng daigdig, hindi o napakababa ang bilang ng mga nagsisipagdasal, na kinabibilangan ng Republikang Tseko (hindi nagdarasal ang mga tumugon sa pagtatanong ng Reader's Digest mula sa bansang ito), na sinundan ng Olanda, Pransiya, Espanya, at ng Nagkakaisang Kaharian. Bilang kinatawan o halimbawang dami ng nasa gitna ng Silangan at Kanluran (sa kahabaan ng Atlantiko), limampu't limang bahagdan ng mga Amerikano sa Estados Unidos ang nagsisipanalangin.[10]
Narito ang tampok na kinalabasang mga bilang ng isinagawang pagtatanung-tanong at pagsisiyasat ng Reader's Digest:[10]
Nagdarasal Araw-araw | |
Malaysia | 76% |
Pilipinas | 72% |
Indiya | 66% |
Turkiya | 62% |
Estados Unidos | 55% |
Brasil | 50% |
Kanada | 40% |
Tsina | 33% |
Mehiko | 31% |
Alemanya | 28% |
Nagkakaisang Kaharian | 25% |
Pransiya | 24% |
Singgapur | 24% |
Australya | 23% |
Espanya | 23% |
Italya | 20% |
Olanda | 19% |
Rusya | 19% |
Republikang Tseko | 8% |
Ayon kay San Leo, "Pinakamabisa ang dasal sa pagkakamit ng mga pabor mula sa Diyos kapag mayroon itong suporta ng mga gawain ng awa."[11]
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.