Onsen
mainit na bukal ng mga Hapones / From Wikipedia, the free encyclopedia
Sa Hapon, ang onsen (温泉) ay mga init-bukal at paliguan at tradisyonal na bahay-tuluyan sa paligid nito. Humigit-kumulang 25,000 ang bukal sa buong Hapon, at ginagamit ng halos 3,000 establisyimentong onsen ang natural na mainit na tubig mula sa mga bukal na ito na pinainit sa heotermal na paraan.[1]
Maaaring nasa labas (露天風呂 o 野天風呂, roten-buro / noten-buro) o nasa loob (内湯, uchiyu) ang onsen. Kinaugaliang itinayo ang mga onsen sa labas, ngunit marami nang paliguan sa loob ng mga bahay-tuluyan. Sa ngayon, dahil mayroong paliguan ang karamihan ng mga sambahayan, kumonti ang tradisyonal na pampublikong paliguan,[2] ngunit sumikat din ang pagbibiyahe sa mga bayan na may mainit na bukal.[3] Maaaring pampublikong pinamamahalaan ang mga paliguan ng isang munisipalidad o pinapatakbo nang pribado, kadalasan ng establisyimentong paninirahan kagaya ng otel, ryokan, o minshuku.
Kadalasang ipinapahiwatig ang presensiya ng onsen sa mga tanda at mapa sa pamamagitan ng simbolong ♨, ng kanjing 湯 (yu, "mainit na tubig"), o ng mas simpleng hiragana, isang uri ng ponetikang karakter, na ゆ (yu).